26/06/2026
ZNHS ipinatupad ang ‘Maximum Tolerance’ Kontra sa Banta
Zaragoza, Nueva Ecija — Bilang tugon sa serye ng mga insidente sa iba’t ibang panig ng bansa na nagbunsod ng pangamba sa kaligtasan sa mga paaralan, nagpatupad ang Zaragoza National High School (ZNHS) ng mas pinaigting na hakbang sa seguridad sa ilalim ng “maximum tolerance policy” laban sa anumang uri ng banta sa mga mag-aaral at kawani.
Mahigpit na ipinatutupad ang inspeksyon sa pangunahing tarangkahan ng paaralan kung saan ang lahat ng mag-aaral ay dumaraan sa metal detector scanning at masusing bag inspection bago makapasok sa loob ng campus. Isinasagawa ang prosesong ito sa presensya ng mga g**o, mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), at security guards upang matiyak ang kaayusan at transparency sa operasyon.
Ayon sa g**ong itinalaga bilang teacher-in-Charge sa Security Operations, ang hakbang ay bahagi ng kolektibong responsibilidad ng paaralan na pangalagaan ang buhay ng bawat miyembro ng komunidad.
“Hindi ito paghihigpit kundi pagprotekta. Nais naming iparamdam sa aming mga mag-aaral na sila ay ligtas habang nasa loob ng paaralan,” aniya. “Ginagawa namin ito nang may lubos na paggalang sa kanilang dignidad at karapatang pantao.”
Binigyang-diin din ng pamunuan ng paaralan na ang pagpapatupad ng mga hakbang seguridad ay alinsunod sa umiiral na mga polisiya ng Department of Education (DepEd), kabilang ang mga probisyon ng DepEd Child Protection Policy (DepEd Order No. 40, s. 2012) na nagsusulong ng ligtas at protektadong kapaligiran para sa mga mag-aaral, gayundin ang mga direktiba hinggil sa Disaster Risk Reduction and Management at School Safety Measures na nagbibigay-daan sa maagap na pagtugon sa mga banta at panganib.
Nakasaad sa naturang mga memorandum na dapat tiyakin ng mga paaralan ang seguridad habang iginagalang ang karapatang pantao, partikular ang karapatan ng mga bata laban sa pang-aabuso, diskriminasyon, at hindi makatarungang pagtrato. Kaugnay nito, isinasaalang-alang ng ZNHS ang balanseng pagpapatupad ng seguridad at paggalang sa kalayaan ng bawat indibidwal.
“Malaki ang naitutulong ng aming pakikipag-ugnayan sa LGU at PNP,” dagdag pa ng g**o. “Sa kanilang suporta, mas napapalakas namin ang aming kakayahang maiwasan ang anumang posibleng insidente.”
Nanawagan din ang ZNHS sa mga magulang at tagapag-alaga na makiisa sa layunin ng paaralan sa pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran.
“Ang seguridad ay nagsisimula sa tahanan. Inaanyayahan namin ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng disiplina, mabuting asal, at wastong pag-uugali,” pagbibigay-diin ng g**o. “Kung magkakaisa ang paaralan at pamilya, mas magiging matatag ang ating depensa laban sa panganib.”
Sa kabuuan, layunin ng ZNHS na hindi lamang higpitan ang seguridad kundi itaguyod din ang kultura ng malasakit, paggalang, at kooperasyon sa loob ng komunidad—isang hakbang tungo sa mas ligtas at maayos na kapaligiran sa pagkatuto.