27/07/2026
EDITORYAL | SONA: Pangako sa pagbabago, o Pangakong Muling Ipapako
Lagi na lamang ba? Akala ng nakararami na sa pagitan lamang ng mga tao ang mga pangakong hindi natutupad. Ngunit, pati rin pala sa gobyerno, at ang nakalulungkot, sa mga taong dapat ay ating pinagkakatiwalaan, tayo'y binibigo ng mga salitang walang paroroonan.
Nagsimula ang sinabing SONA sa ating dating Pangulong Manuel L. Quezon noong Nobyembre 25, 1935, sa Bulwagang Asembleya ng Gusaling Pambatas sa Maynila, na ngayon ay kilala bilang Pambansang Museo ng Sining. Sa kasalukuyang panahon, ito naman ay isinasagawa ng kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at isasagawa ngayong Hulyo 27, 2026. Pareho nilang binibigyang-diin ang kanilang mga pangako para sa ikauunlad ng ating bansa.
Batay sa mga pag-uulat, makikita ang malaking diperensiya sa panahon noon ni Pangulong Manuel L. Quezon at sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga pagsubok at disgrasya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, marami pa rin ang naipatupad ng dating pangulo. Ang tanong na gumugulo sa ating isipan, bakit kailangan pang ipangako kung ito naman ay mapapako?
Ngayon naman ay nagbigay ng mga panibagong pangako ang pangulo na nagdulot naman sa mga Pilipino ng iba't ibang reaksiyon at tugon dito. Kaniyang binigyang-diin ang napapanahong isyu na "Pax Silica," na inaasahang magbibigay ng de-kalidad na trabaho. Isa pa sa kumakalat at umaani ng maraming reaksiyon sa media ay ang paggamit ng telepono ng kaniyang anak na si Sandro Marcos habang isinasagawa ang SONA.
Halos lahat ng ideya at salitang kaniyang ipinahayag sa kaniyang nakaraang SONA ay hindi naipatupad nang maayos, lalo na ngayon na pati ang sarili niyang anak ay tila wala nang pormalidad at interes sa kaniyang mga sinasabi. Ganito na ba ngayon ang ating gobyerno? Puro pangungupit ang dala sa ating bansang dapat umunlad? Bakit parang pera na lamang ang nagpapatakbo sa puso't isipan ng mga taong ating ibinoto? Ganito na ba ang isang lider ng bansang dapat magbago, ngunit parang gusto itong tuluyang maglaho?
Kailan pa ipatutupad ang mga pagbabagong nanggaling sa salita ng ating sariling Pangulo? Ang bawat mamamayang Pilipino ay umaasa sa iyo, pero bakit parang wala lang ito sa iyo? Mahirap bang ipatupad ang mga ipinangako para sa iyong sariling bansa upang ito ay umunlad? O baka naman pera lang ang tumatakbo sa buhay ng ating pinagkatiwalaang pangulo.
Mahirap umasa, ngunit para sa bayan, makikinig. Sa paparating na SONA, nawa ay maipatupad nang matagumpay ang mga planong dapat ay masusing pinagplanuhan at ipapahayag ng ating Pangulo upang, sa gayon, maibalik ang dating pagmamahal at tiwala na ibinibigay natin sa bawat Pangulo at para sa ating mga Pilipino.
๐ผ๏ธ & โ: แดแดสแด สแดสแดษดแดแด แดแดsแดสแดษดแด