15/10/2026
BALITA | Project KALMA 2.0, inilunsad para sa Mental Health Awareness Month
Opisyal na isinagawa sa Junior's Park ng Urdaneta City National High School (UCNHS) ang Project K.A.L.M.A. 2.0: Kaisipan Ay Linangin, Mental Health Alagaan Natin, alinsunod sa DepEd Order 1280 at bilang pakikiisa sa pandaigdigang pagdiriwang ng Mental Health Awareness Month noong Oktubre 12, 2026.
Pinangunahan ang proyekto nina Guidance Counselor Hazel Caguin at Daphne Sernadilla, mga tagapag-ugnay, katuwang sina Principal Antonino C. Rafanan, Assistant Principal II (Operations and Learner Support) Dary M. Bautista, at Public Schools District Supervisor (PSDS) Juan P. Catalan.
Bukas ang aktibidad para sa mga mag-aaral ng Junior at Senior High School, mga g**o, at iba pang kawani ng eskuwelahan.
Ayon kay Caguin, layunin ng booth na tulungan ang mga estudyante sa pamamagitan ng counseling at bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga saloobin.
"Para na rin ipakita na ang guidance office ay isang safe place, kasi matagal nang iba ang naiisip ng bata kapag sinabing guidance office," ani Caguin.
Sa ikalawang taon ng programa, sumailalim ang mga kalahok sa 'Wellness Spin' kung saan paiikutin ang wheel upang malaman ang kategorya ng tanong na kanilang bubunutin at sasagutin sa harap ng iba.
Kabilang sa mga tanong ang, 'Paano mo nalalaman kung ikaw ay overwhelmed na?' at 'Paano mo hina-handle ang iyong galit?'
Matapos sumagot, binibigyan ng kaukulang payo ng mga guidance counselor ang mga lumahok.
Bukod dito, maaari ring isulat ng mga kalahok ang kanilang mga unsaid thoughts sa Project K.A.L.M.A. Wall at tumanggap ng Project K.A.L.M.A. Life Saver Kit pagkatapos ng aktibidad.
Nagsimula ang proyekto noong nakaraang taon at magpapatuloy pa sa mga susunod na taon tuwing Mental Health Awareness Month.
🖋️ | Chelsey Sebido
📸 | Jian Lebaste