12/11/2021
AT DÁRATÍNG NA ANG PASKO
At dáratíng na ang Pasko
Kahit ano ang mangyári;
Tatanglaw na ang bituin
Sa dilim ng ating gabi.
Dadalawin na ng Pasko
Ang dampa at barong-barong
Para bigyan ng pag-asa
Ang inapi’t nagugútom.
Pasko itong nasasabik
Sa pangakong manunubos;
Pasko itong may himagsik
Sa panahon ng busabos.
At dáratíng na ang Paskong
May alay na kalayàan;
Malulupig ang naghari,
Magwawagi ang marangal.
Pasko itong nasasabik
Sa pangakong manunubos;
Pasko itong may himagsik
Sa panahon ng busabos.
Rio Alma
12 Nobyembre 2021
18/09/2021