19/08/2026
๐๐ฎ๐ป๐ด๐ด๐ฎ๐ป๐ด ๐ธ๐ฎ๐ถ๐น๐ฎ๐ป ๐ฏ๐ฎ๐๐๐๐๐ป๐ด๐ผ๐ป?
โBaha na naman.โ
Paulit-ulit na sistema, iisa ang dikta. Babangon na naman ang Pilipino sa kapabayaan ng pamahalaan.
Sa bawat pag-ulan, may kaba. Sa bawat pagtaas ng tubig, may mga gamit na isinasalba. Unti-unting tumataas ang tubig sa mga kalsada. Nagmamadaling naglilipat ng gamit ang mga pamilya. Nagsasara ang mga tindahan. Nahihirapang bumiyahe ang mga tao. May mga estudyanteng hindi nakapapasok sa paaralan at mga manggagawang napipilitang magsara ng tindahan.
At kasabay ng patuloy na pagtaas ng tubig-baha ay ang pagtaas din ng pangamba.
Sa aming lugar, hindi na bago ang ganitong sitwasyon. Habang patuloy na tumataas ang baha, nakita ko ang mga manggagawang nagsasara ng kanilang mga tindahan upang mailigtas ang kanilang mga paninda. Para sa kanila, hindi lamang baha ang problema. Sa bawat minutong nananatili ang tubig sa kalsada, may perang maaaring mawala at may araw na maaaring lumipas nang walang kita.
Ngunit, hindi lamang sila ang apektado.
May mga pamilyang kailangang maglipat ng mga gamit sa mas mataas na lugar. May mga magulang na nag-aalala kung paano makauuwi ang kanilang mga anak. Mga kolehiyong na-stranded sa kani-kanilang eskwelahan. Mga komyuter na ilang oras naghihintay sa pagdaan ng mga sasakyan. At mga taong kailangang lumusong sa baha makarating lamang sa trabaho, paaralan, o tahanan.
Isang araw na walang kita. Isang araw na walang pasok. Isang biyaheng hindi natuloy. Mga panindang nasira. Mga gamit na inilipat. Mga bahay na kailangang linisin. Mga dokumentong kailangang iligtas.
At pagkatapos humupa ang tubig, kailangan na namang maglinis, mag-ayos, at magsimula ulit. Kung may nasira, kailangang palitan. Kung may nawalang kita, kailangang bawiin. Kung may naiwang problema, kailangang harapin.
Babangon na naman. Parang walang katapusan.
Sanay na raw ang Pilipino sa ganito. Resilient daw tayo.
Oo, kahanga-hanga ang tatag ng masang Pilipino. Kapag may sakuna, marunong tayong magtulungan at magsimula ulit. Ngunit hindi paraan ang katatagan para takpan ang kawalan ng saysay ng pamahalaan.
Naging siklo ang paghihirap na nararanasan ng mga mamamayan tuwing tag-ulan. Baha, linis, ayos, bangonโat sa susunod na pagbuhos ng ulan, mauulit na naman. Para bang ang tanging solusyon ay ang kakayahan ng Pilipino na magtiis at magsimula muli.
Hindi bago ang pagbaha. Hindi rin bago ang tag-ulan. Alam natin na dumarating ang malakas na ulan. Alam natin na may mga lugar na madaling bahain. Ngunit ang pinagkaiba nila ay simple: normal ang pag-ulan at hindi normal ang pagbaha.
At hindi dapat maging normal ang pamahalaang umaasa sa kakayahan ng Pilipino na bumangon. Dahil ang tunay na problema ay hindi ang kakayahan ng mamamayan na magsimula ulit. Ang problema ay kung bakit kailangan pa nating bumangon nang paulit-ulit.
Kaya gising, bayan. Ang Pilipino ay dapat bumangon para sa kinabukasan, hindi para paulit-ulit na ayusin ang problemang matagal nang dapat ayos.
Dibuho ni Arabella Brent Isip
Isinulat ni Candice Valentino