04/09/2026
𝐖𝐢𝐤𝐚𝐧𝐠 𝐅𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐨 𝐚𝐭 𝐀𝐈: 𝐓𝐚𝐦𝐩𝐨𝐤 𝐬𝐚 𝐁𝐮𝐰𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔 𝐧𝐠 𝐈𝐒𝐏𝐒𝐂
Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan noong Setyembre 3, naging masigla at makulay ang pagdiriwang ng 𝐁𝐮𝐰𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔 sa Ilocos Sur Polytechnic State College (ISPSC), na ginanap sa covered court ng institusyon.
Sa kabila ng ilang pagkaantala dulot ng magkakasunod na suspensiyon ng klase, hindi naging hadlang ang panahon upang maisagawa ang pinakahihintay na selebrasyon. Maagang naging abala ang mga mag-aaral sa paghahanda, habang umalingawngaw sa paligid ang malakas na bugso ng hangin at musika para sa programa.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng panalangin at sabayang pag-awit ng Pambansang Awit. Sinundan ito ng pambungad na mensahe ni Gng. Marjorie A. Pendaden, na nagbigay-diin sa wastong paggamit ng artificial intelligence (AI) at sa kahalagahan ng pagpapanatili ng matibay na ugnayan sa sariling wika at kaalaman.
Matapos nito, ipinakilala ang mga lupon ng inampalan para sa Lakan, Lakambini, at Mariposa ng Wika 2026, kasunod ang paglalahad ng mga panuntunan at pamantayan ng paghahatol.
Isa sa mga tampok ng programa ang pagpapakilala sa mga kalahok mula sa iba’t ibang kolehiyo. Sa kanilang pag-ikot at pagharap sa entablado, ipinamalas nila ang kumpiyansa, personalidad, at paghahanda sa kompetisyon. Lalong naging masigla ang mga manonood sa bawat pagbanggit ng pangalan at pagganap ng signature pose ng mga kalahok.
Binigyan din ng pagkakataon ang mga kandidato na ilahad ang kanilang mga adbokasiya. Naging sentro ng kanilang mga mensahe ang pagpapahalaga sa sariling wika at kultura, responsableng paggamit ng teknolohiya, pananaliksik, edukasyon, pagkakaisa, respeto, disiplina, pangangalaga sa kalikasan, at paglikha ng ligtas at inklusibong espasyo para sa lahat.
Nagbigay rin ng inspirasyonal na mensahe ang Campus Director na si Dr. Daniel Juan B. Ramirez, na nagpaalala sa kahalagahan ng wika bilang bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino. Binigyang-diin na hindi lamang sa isang takdang panahon dapat pinahahalagahan ang sariling wika sapagkat patuloy itong bahagi ng pagkatao at pagkakakilanlan ng mamamayan.
Samantala, naging tampok din ang mga patimpalak sa Kundiman, Pop Solo, at Pop Duet. Ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang husay sa pag-awit, mula sa mga tradisyonal na himig hanggang sa mga makabagong awitin. Sinalubong naman ng malakas na palakpakan at sigawan ng mga manonood ang bawat pagtatanghal.
Sinundan ito ng pagpapakita ng mga kalahok sa kanilang makabagong kasuotan, kung saan naipamalas ang kanilang estilo, personalidad, at pagiging malikhain sa pananamit.
Muling naging sentro ng programa ang mensahe ni Dr. Monita Pops Ambrocio, na tumalakay sa responsableng paggamit ng AI. Sa pamamagitan ng isang halimbawa tungkol sa isang mag-aaral, ipinakita ang panganib ng labis na pagdepende sa teknolohiya, lalo na kapag ginagamit ito bilang kapalit ng sariling pag-iisip at pag-unawa.
Binigyang-diin na maaaring magsilbing kasangkapan ang AI sa paghahanap at pag-unawa ng impormasyon, ngunit nananatiling mahalaga ang kakayahan ng isang tao na magsuri, umunawa, at makapagpaliwanag gamit ang sariling kaalaman. Sa ganitong paraan, ang teknolohiya ay nagiging katuwang sa pagkatuto sa halip na maging kapalit nito.
Matapos ang mensahe, isinagawa ang malikhaing tanong at sagot, kung saan sinubok ang kakayahan ng mga kalahok na mag-isip, magpahayag, at tumugon sa mga ibinigay na katanungan. Sinundan ito ng isang maikling pagtatanghal ng tula mula sa isang mag-aaral ng Laboratory High School.
Binigyan din ng pagkakataon ang mga dating Lakan at Lakambini na magpaalam bago ipinagpatuloy ang seremonya ng pagkilala at paggawad ng mga parangal.
Sa 𝐁𝐞𝐬𝐭 𝐢𝐧 𝐏𝐫𝐨𝐝𝐮𝐜𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐍𝐮𝐦𝐛𝐞𝐫, nagwagi sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐏𝐫𝐢𝐧𝐜𝐞 𝐉𝐚𝐫𝐞𝐝 𝐁𝐚𝐥𝐛𝐢𝐧 ng Kolehiyo ng Pagtuturo para sa Lakan, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐉𝐚𝐲𝐞 𝐀𝐧𝐧 𝐋𝐮𝐬𝐭𝐨𝐧 ng Kolehiyo ng Agham at Siyensiya para sa Lakambini, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐫𝐛𝐢𝐞 𝐁𝐚𝐫𝐧𝐚𝐜𝐡𝐞𝐚 ng Kolehiyo ng Agham at Siyensiya para sa Mariposa.
Para naman sa 𝐌𝐚𝐤𝐚𝐛𝐚𝐠𝐨𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐬𝐮𝐨𝐭𝐚𝐧, kinilala sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐀𝐫𝐯𝐢𝐧 𝐉𝐚𝐦𝐞𝐬 𝐏𝐮𝐧𝐨 ng Kolehiyo ng Pamamahala at Pagnenegosyo, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐋𝐨𝐯𝐞𝐥𝐲 𝐅𝐚𝐢𝐭𝐡 𝐒𝐨𝐫𝐢𝐚 ng Kolehiyo ng Pagtuturo, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐫𝐛𝐢𝐞 𝐁𝐚𝐫𝐧𝐚𝐜𝐡𝐞𝐚 ng Kolehiyo ng Agham at Siyensiya para sa Lakan, Lakambini, at Mariposa.
Sa kategoryang 𝐌𝐚𝐤𝐚𝐛𝐮𝐥𝐮𝐡𝐚𝐧𝐠 𝐓𝐚𝐥𝐮𝐦𝐩𝐚𝐭𝐢, nagwagi sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐀𝐫𝐯𝐢𝐧 𝐉𝐚𝐦𝐞𝐬 𝐏𝐮𝐧𝐨, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐌𝐢𝐚𝐯𝐞𝐥𝐥𝐞 𝐉𝐰𝐲𝐧𝐞 𝐅𝐚𝐣𝐚𝐫𝐝𝐨, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐊𝐞𝐢𝐧 𝐋𝐚𝐩𝐢𝐭𝐚𝐧 para sa Lakan, Lakambini, at Mariposa.
Samantala, sa 𝐓𝐚𝐧𝐨𝐧𝐠 𝐚𝐭 𝐒𝐚𝐠𝐨𝐭, itinanghal na mga nagwagi sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐏𝐫𝐢𝐧𝐜𝐞 𝐉𝐚𝐫𝐞𝐝 𝐁𝐚𝐥𝐛𝐢𝐧 para sa Lakan, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐌𝐢𝐚𝐯𝐞𝐥𝐥𝐞 𝐉𝐰𝐲𝐧𝐞 𝐅𝐚𝐣𝐚𝐫𝐝𝐨 para sa Lakambini, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐫𝐛𝐢𝐞 𝐁𝐚𝐫𝐧𝐚𝐜𝐡𝐞𝐚 para sa Mariposa.
Kinilala rin ang mga nagwagi sa mga kategoryang pangrehiyon. Para sa 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐧, 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐦𝐛𝐢𝐧𝐢, 𝐚𝐭 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐩𝐨𝐬𝐚 𝐧𝐠 𝐌𝐢𝐧𝐝𝐚𝐧𝐚𝐨, nagwagi sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐖𝐞𝐧𝐯𝐞𝐫 𝐃𝐰𝐚𝐲𝐧𝐞 𝐒. 𝐌𝐞𝐫𝐚𝐧𝐨, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐒𝐡𝐚𝐫𝐞𝐞 𝐃𝐚𝐫𝐥𝐞𝐧𝐞 𝐇. 𝐒𝐚𝐧𝐜𝐡𝐞𝐳, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐃𝐢𝐨𝐧 𝐉𝐚𝐦𝐞𝐬 𝐋. 𝐁𝐚𝐥𝐚𝐭 mula sa Mataas na Paaralang Laboratoryo.
Sa 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐧, 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐦𝐛𝐢𝐧𝐢, 𝐚𝐭 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐩𝐨𝐬𝐚 𝐧𝐠 𝐕𝐢𝐬𝐚𝐲𝐚𝐬, itinanghal na mga nagwagi sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐉𝐮𝐬𝐭𝐢𝐧 𝐑𝐞𝐧𝐭𝐮𝐭𝐚𝐫, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐉𝐚𝐲𝐞 𝐀𝐧𝐧 𝐋𝐮𝐬𝐭𝐨𝐧, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐍𝐢𝐤𝐤𝐢 𝐌𝐚𝐧𝐭𝐢𝐥𝐥𝐚.
Para naman sa 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐧, 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐦𝐛𝐢𝐧𝐢, 𝐚𝐭 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐩𝐨𝐬𝐚 𝐧𝐠 𝐋𝐮𝐳𝐨𝐧, nagwagi sina 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐏𝐫𝐢𝐧𝐜𝐞 𝐉𝐚𝐫𝐞𝐝 𝐁𝐚𝐥𝐛𝐢𝐧, 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐋𝐨𝐯𝐞𝐥𝐲 𝐅𝐚𝐢𝐭𝐡 𝐒𝐨𝐫𝐢𝐚, at 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐊𝐞𝐢𝐧 𝐋𝐚𝐩𝐢𝐭𝐚𝐧.
Sa pinakahihintay na bahagi ng programa, itinanghal bilang 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔 si 𝐆𝐢𝐧𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐀𝐫𝐯𝐢𝐧 𝐉𝐚𝐦𝐞𝐬 𝐏𝐮𝐧𝐨, 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐦𝐛𝐢𝐧𝐢 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔 si 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐌𝐢𝐚𝐯𝐞𝐥𝐥𝐞 𝐉𝐰𝐲𝐧𝐞 𝐅𝐚𝐣𝐚𝐫𝐝𝐨, at 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐩𝐨𝐬𝐚 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔 si 𝐁𝐢𝐧𝐢𝐛𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐫𝐛𝐢𝐞 𝐁𝐚𝐫𝐧𝐚𝐜𝐡𝐞𝐚.
Sa pagtatapos ng programa, iginawad din ang mga sertipiko sa mga lupon ng inampalan at iba pang naging bahagi ng pagdiriwang.
Nagtapos ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang mensaheng nagbibigay-diin sa patuloy na pagpapahalaga sa sariling wika. Sa gitna ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya at lipunan, ipinakita ng Buwan ng Wika 2026 na nananatiling mahalaga ang wika bilang daluyan ng kaalaman, kultura, pagkakaisa, at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.