04/08/2026
Agosto 03 | Sa diwa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026, matagumpay na inilunsad ng aming paaralan ang mga gawaing nakatuon sa temang "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon." Nagsimula ang programa sa isang makahulugang panalangin at pagninilay sa Ebanghelyo ni San Juan (Juan 1:1โ5), na nagbigay-diin na si Kristo ang walang hanggang Salita ng Diyos at ang pinagmumulan ng katotohanan, karunungan, at pag-ibigโisang mensaheng nakaangkla sa pangkalahatang tema ng paaralan, "Augustinians: Rooted in Christ, Committed to His Mission of Peace, Hope, and Love."
Sinundan ito ng malikhaing pagtataas ng watawat na nagpahayag ng pagmamahal sa Diyos at sa bayan bilang mga responsableng mamamayan at tunay na Augustinian. Tampok din sa programa ang pagtatanghal na "Mga Sagisag ng Wikang Buhay," na naglarawan sa mahalagang ugnayan ng kaalaman, wika, teknolohiya, at pagmamahal sa bayan, gayundin ang dula-dulaang balagtasang "AI at Wikang Filipino: Magkalaban ba o Magkaagapay?" na nagbigay ng makabuluhang pagtalakay sa wastong paggamit ng Artificial Intelligence bilang katuwang sa pagpapayaman ng Wikang Filipino.
Inilahad din ang iba't ibang gawaing pangklasrum na isasagawa sa buong buwan bilang pagpapatibay sa malikhaing paggamit ng wika sa pananaliksik, sining, at makabagong teknolohiya. Bilang pagtatapos, sabay-sabay na binigkas ang Panata sa Wikang Filipino, na nagsilbing pangakong gamitin ang ating wika at teknolohiya nang may katotohanan, pananagutan, at pagmamahal sa bayan.
Sa kabuuan, ang paglulunsad ay naging isang makabuluhang paalala na ang Wikang Filipino ay kaloob ng Diyos, salamin ng ating pagkakakilanlan, at tulay ng pagkakaisa at pag-unlad sa makabagong panahon.
Litratista:
Ashlee Ryne S. Fernandez
Ray Alwyn P. Lucero