01/09/2026
Nakikiisa ang Trinidad Elementary School sa makabuluhang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 sa ilalim ng temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Binigyang-buhay ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga mag-aaral at g**o sa oras ng Seremonya ng Pagtataas ng Watawat, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang bahagi ng ating pagkakakilanlan, kultura, at pagkakaisa.
Samantala, isinagawa rin ang mga karagdagang gawaing pangwika sa loob ng kani-kanilang silid-aralan. Tampok dito ang pagsusuot ng mga katutubong kasuotan, pag-awit, pagsasayaw, at iba pang malikhaing pagtatanghal na nagbigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na maipamalas ang kanilang talento at pagmamalaki sa kulturang Pilipino.
Isinagawa ang mga gawaing ito sa payak at organisadong pamamaraan upang hindi makaabala sa regular na oras ng klase, lalo na’t kasalukuyang isinasagawa ang Term 1 Examination. Sa halip, isinama ang pagpapahalaga sa wika at kultura sa mga gawaing maaaring maisagawa sa loob ng silid-aralan.
Higit sa pagdiriwang, nagsilbi itong pagkakataon upang maunawaan ng mga mag-aaral na ang wikang Filipino at makabagong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence (AI) ay maaaring maging mahalagang katuwang sa pananaliksik, pagkatuto, at pagtuklas ng yaman ng impormasyon—kung gagamitin nang wasto, responsable, at makabuluhan.