26/09/2026
BALITA | SENHS, binigyang-diin ang cellphone ban sa GPTA Assembly
โ๏ธ Daniella Quines, Nica Alyssia Kieth Ranga, at Shella Mae Rubin โ SPJ 10
๐ท Marie Anthonette Parian โ SPJ 9
Binigyang-diin ng San Emmanuel National High School (SENHS) ang pagpapatupad ng pagbabawal sa pagdadala at paggamit ng cellphone sa loob ng paaralan sa General Parents-Teachers Association (GPTA) Assembly na isinagawa noong Setyembre 25 sa Barangay Gym.
Ipinasailalim sa naturang patakaran ang lahat ng mag-aaral ng SENHS, na ipinatupad noong Agosto 2026. Batay sa patakaran, walang ipinahayag na exemptions sa pagbabawal sa pagdadala at paggamit ng cellphone sa loob ng paaralan.
Kapag nahuling may dalang cellphone ang isang mag-aaral sa paaralan, ito ay kinukumpiska at ibinabalik lamang sa pagtatapos ng taong panuruan, ayon sa ipinatutupad na patakaran ng paaralan.
Dinaluhan ng mga magulang at iba pang miyembro ng komunidad ng paaralan ang pagpupulong, kung saan tinalakay ang mga usapin kaugnay ng pag-aaral, disiplina, at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Felamae Felongco, g**o ng SENHS, makatutulong ang pagbabawal sa paggamit ng gadgets upang mabawasan ang mga problemang kaugnay ng social media at mahikayat ang mga mag-aaral na makihalubilo sa kanilang kapwa mag-aaral nang hindi gumagamit ng gadgets.
Ipinaliwanag din sa pagpupulong na ang layunin ng patakaran ay makatulong sa pagtuon ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at mga gawain sa loob ng silid-aralan.
Samantala, sinabi ng isang magulang na maaaring makatulong ang pagbabawal o paglilimita sa paggamit ng cellphone, ngunit hindi nito awtomatikong natitiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Ayon sa kanya, nakadepende rin ang epekto ng patakaran sa edad ng mag-aaral, lugar, at paraan ng pagpapatupad nito.
Binigyang-diin din ang pakikipagtulungan ng mga magulang sa pagpapaunawa sa kanilang mga anak tungkol sa dahilan at layunin ng patakaran.
Patuloy ding mino-monitor ng paaralan ang pagsunod ng mga mag-aaral sa naturang patakaran at nagsasagawa ng kaukulang hakbang sa mga paglabag.
Sa pagpapatupad ng cellphone ban, muling hinikayat ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at makipagtulungan sa mga g**o sa pagsunod sa mga patakaran ng paaralan.