17/09/2026
✨Isang Gabi ng Wika, Kultura, Tagumpay, at Pasasalamat! ✨
Noong Agosto 28, 2026, nagsama-sama ang mga mag-aaral ng Tacloban Grace Baptist Educational Foundation, kasama ang kanilang mga magulang at tagapag-alaga, para sa isang espesyal na gabi ng Parangal sa Unang Markahan at Pangwakas na Pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Masaya at sabik ang lahat sa pagkilala sa mga nagsikap sa unang markahan, gayundin sa mga makukulay na pagtatanghal bilang bahagi ng patuloy na kompetisyon sa pagitan ng Sparrows at Ravens.
Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ang mga mag-aaral ay nagsuot ng tradisyonal na kasuotan na hango sa tatlong pangunahing pangkat ng mga pulo ng Pilipinas—Luzon, Visayas, at Mindanao. Naghanda rin sila ng iba't ibang pagtatanghal na nagpapakita ng yaman ng ating kultura.
Ang Kindergarten at Grades 1–2 ang unang nagbigay-saya sa pamamagitan ng pag-awit ng dalawang tradisyonal na awiting pambata, “Paru-Parong Bukid” at “Leron, Leron Sinta.” Sinundan naman ito ng Grades 3–5, na buong-siglang nagtanghal ng katutubong sayaw mula sa Visayas na “Itik-Itik.” Para naman sa Grades 6–10, itinanghal nila ang isang Pagsasadula ng Awit ng “Dakilang Lahi” at “Para sa Bayan.” Tunay na naging makulay at makahulugan ang bawat pagtatanghal, sapagkat ipinakita nito ang ganda ng ating wika, kultura, at pagka-Filipino.
Ngunit higit sa mga pagtatanghal, ang isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng gabi ay ang pagkilala sa mga mag-aaral na nagsikap nang husto sa unang markahan upang matapos ang kanilang mga requirements at makabilang sa HONOR ROLL. Kinilala rin ang mga mag-aaral na nagpakita ng kahusayan at nagsikap nang higit pa sa mga kinakailangan. Ang kanilang mga parangal ay bunga ng tiyaga, disiplina, at patuloy na pagsisikap.
Naging panauhing tagapagsalita naman si Pastor John Mark Catalan, na nagbahagi ng mensahe tungkol sa tema na “Pamana ng Lahi na Kaloob ng Diyos: Pahalagahan at Pagyamanin,” mula sa Exodus 6:8:
“And I will bring you in unto the land, concerning the which I did swear to give it to Abraham, to Isaac, and to Jacob; and I will give it you for an heritage: I am the Lord.”
Sa pagtatapos ng programa, napuno ang lugar ng palakpakan, yakapan, at masasayang pagbati para sa ating mga awardees. At siyempre, umalingawngaw din ang mga sigaw ng tagumpay mula sa Sparrows, na nakakuha ng unang puwesto sa tatlong kategorya! Congratulations!
Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo sa Panginoon para sa napakagandang pamana ng pagiging isang Filipino. Inaalala natin ang mga bayaning buong tapang na nakipaglaban para sa kalayaang tinatamasa natin ngayon. Nawa'y pahalagahan natin ang ating wika, kultura, kasaysayan, at kalayaan, at gamitin ang mga ito hindi lamang upang ipagmalaki ang ating pagka-Filipino, kundi upang ipahayag ang Panginoong Jesu-Cristo sa lahat.