02/09/2026
Bulo NHS, Pinatatag ang Kahandaan sa Active Shooter Simulation Drill
Sa layuning mapatatag ang kahandaan at kaligtasan ng buong komunidad ng paaralan, isinagawa sa Bulo NHS ang Active Shooter Simulation Drill noong Setyembre 2, 2026 sa pangunguna ng 1st Kalinga Provincial Mobile Force Company.
Nakatuon ang pagsasanay sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga mag-aaral, g**o at kawani na tumugon sa mga banta ng armadong indibidwal at insidente ng aktibong pamamaril sa loob ng paaralan.
Bago ang aktuwal na pagsasanay, nagsagawa muna ng oryentasyon ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) para sa mga g**o. Ipinaliwanag dito ang mga wastong hakbang na dapat gawin sakaling magkaroon ng banta sa kaligtasan sa loob ng paaralan.
Matapos ang oryentasyon, isinagawa ang Simulation Drill habang maingat na inoobserbahan ng mga tauhan ng PNP ang naging pagtugon ng mga kalahok. Sa patatapos ng pagsasanay, nagtipon ang mga mag-aaral, g**o at kawani sa Mini Gym upang pakinggan ang obserbasyon at pagsusuri ng mga PNP personnel.
Sa isinagawang talakayan, binigyang-diin ni Officer Banatao ang " Run, Hide at Fight", Isang gabay na maaaring sundin sa panahon ng insidente ng aktibong pamamaril. Ipinaliwanag ang kahalagahan ng paglikas kung ligtas itong maisasagawa, pagtatago sa isang ligtas na lugar kung hindi makakalikas, at pakikipaglaban bilang huling paraan kapag nasa agarang panganib na ang buhay.
Sinundan ito ng isang malayang talakayan kung saan malayang nakapagtanong ang mga mag-aaral tungkol sa kanilang mga alalahanin at kung paano dapat tumugon sa ganitong uri ng insidente. Sinagot naman ng mga tagapagsalita mula sa PNP ang mga katanungan at nagbigay ng karagdagang gabay.
Hindi lamang kaligtasan sa paaralan ng armadong banta ang naging paksa ng aktibidad. Nagbahagi rin ang mga PNP personnel ng karagdagang kaalaman tungkol sa mga ipinagbabawal na droga, partikular sa masasamang epekto ng paggamit nito sa katawan, pag-iisip, pag-uugali, at kinabukasan ng isang tao.
Sa huli, nagpaabot ng pasasalamat si Alexis B. Luban , School Head sa mga tauhan ng PNP sa kanilang pakikipagtulungan at pagbabahagi ng mahahalagang kaalaman sa mga mag-aaral, g**o at kawani.
Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, higit na naipakita ang kahalagahan ng kahandaan, wastong kaalaman, at maagap na pagtugon upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat kasapi ng komunidad ng Bulo NHS.