22/06/2026
Magandang araw po, mga mahal na magulang/guardian. 🙏
Nais lamang po namin kayong paalalahanan tungkol sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga anak habang sila ay nasa paaralan at maging sa labas ng paaralan.
Sa mga nangyayaring balita ngayon tungkol sa mga insidente ng pamamaril at pananaksak sa bansa, kabilang ang isang malagim na insidente sa loob ng paaralan, ipinapaalala po natin na ang kaligtasan ng mga bata ay responsibilidad nating lahat, opo, tayong lahat po, paaralan, magulang, at komunidad.
Hinihiling po namin ang inyong pakikipagtulungan na kausapin ang inyong mga anak tungkol sa:
• Pag-iwas sa pakikipag-away at pananakit ng kapwa.
• Pagrespeto sa kaklase at pagsasabi agad kung may problema, banta, pang-aapi, o bullying.
• Huwag kailanman magdala ng anumang uri ng patalim, baril, o anumang bagay na maaaring makasakit sa iba.
• Maging responsable sa paggamit ng social media at huwag suportahan ang anumang post o gawain na nag-uudyok ng karahasan.
Paalala rin po na ang pagdadala ng armas o mapanganib na bagay ay may kaukulang pananagutan sa ilalim ng mga batas ng ating bansa. Ang mga batas tulad ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act) ay naglalayong kontrolin ang pagkakaroon at paggamit ng baril, habang ang mga patakaran ng paaralan at DepEd ay nakatuon sa pagpapanatili ng ligtas na learning environment para sa mga mag-aaral.
Bilang mga magulang, malaking tulong po ang inyong gabay: alamin kung ano ang nararanasan ng inyong anak, sino ang kanilang kasama, at pakinggan ang kanilang mga hinaing. Minsan, ang isang simpleng pakikinig ay nakakatulong upang maiwasan ang mas malaking problema.
Maraming salamat po sa inyong patuloy na pakikiisa. Sama-sama po nating protektahan ang ating mga anak at panatilihing ligtas, mapayapa, at maayos ang ating paaralan. 🙏
God bless po sa ating lahat.