18/05/2026
Magandang araw mula sa Joseph G. Sagonoy National High School! Kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng klase para sa Taong Panuruan 2026–2027, aming buong pusong inaanyayahan ang mga magulang, alumni, barangay officials, pribadong sektor, samahang pangkomunidad, mga boluntaryo, at iba pang stakeholders na makiisa at makilahok sa Brigada Eskwela 2026 mula Hunyo 1, 2026. Taglay ang temang “Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman.” Layunin ng gawaing ito na mapagtibay ang diwa ng pagkakaisa, pagtutulungan, at bolunterismo upang maihanda ang paaralan bilang isang ligtas, malinis, at maayos na lugar para sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral.
Ang inyong oras, suporta, talento, at anumang maiaambag ay malaking tulong upang maging matagumpay ang programang ito. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, maipapakita natin ang tunay na diwa ng bayanihan at pagmamalasakit sa edukasyon ng kabataan. Nawa’y patuloy nating pagtulungan ang pagpapabuti ng ating paaralan upang makapagbigay ng mas maayos at mas makabuluhang kapaligiran sa pag-aaral. Inaasahan po namin ang inyong aktibong pakikilahok at walang sawang suporta sa Brigada Eskwela 2026 ng Joseph G. Sagonoy National High School.
Paalala rin po: Magpapatuloy pa rin ang enrollment sa ating paaralan hanggang June 5, 2026. Maari pong magtungo sa eskwelahan para sa iba pang detalye.