24/08/2026
“ISA LANG ANG BUHAY MO. HUWAG MONG ISUGAL SA ILANG SEGUNDONG KARERA.”
Sa mga kabataang nagsasagawa ng drag racing sa highway ng Sofronio Española, ang kalsada ay hindi karerahan. Ito ay pampublikong daanan na ginagamit ng mga motorista, pasahero, pedestrian, pamilya, at iba pang inosenteng mamamayan.
Ang bawat mabilis na pag-papatakbo, pag-overtake at pakikipag-karera sa pampublikong kalsada ay maaaring humantong sa isang aksidenteng hindi lamang buhay ng rider ang nakataya, kundi pati ang buhay ng mga taong walang kinalaman sa kanilang ginagawa.
Hindi rin katanggap-tanggap ang paggamit ng mga motorsiklong may open pipe o loud muffler na nagdudulot ng matinding ingay at istorbo sa mga residente, lalo na sa mga kabahayang malapit sa highway.
Higit na nakababahala ang pagmamaneho ng mga walang lisensya, walang kaukulang rehistro o dokumento, walang plaka, at mga motorsiklong hindi sumusunod sa itinakdang legal at teknikal na pamantayan.
Bilang bahagi ng mandato ng Philippine National Police, tungkulin ng kapulisan na pangalagaan ang buhay at ari-arian, panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, at tiyaking ligtas ang ating mga pampublikong lugar at kalsada. Dahil dito, mahigpit na ipatutupad ng Sofronio Española Municipal Police Station, katuwang ang mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan, ang mga umiiral na batas, ordinansa at alituntunin laban sa drag racing, reckless driving at iba pang paglabag sa batas-trapiko.
Ang mga mahuhuling lumalabag ay sasailalim sa kaukulang proseso at naaangkop na aksyon alinsunod sa batas at umiiral na regulasyon.
PAALALA SA MGA KABATAAN
Huwag mong gawing karerahan ang pampublikong kalsada.
Huwag mong ilagay sa panganib ang buhay ng inosenteng tao.
Huwag hintaying isang aksidente ang maging dahilan upang pagsisihan ninyo ang inyong ginagawa.
Hindi sukatan ng tapang ang bilis ng iyong motorsiklo.
Hindi karangalan ang manalo sa drag race.
At lalong hindi kabayanihan ang pagsasapanganib ng buhay ng ibang tao.
Kung nais ninyong subukan ang bilis at kakayahan ng inyong motorsiklo, gawin ito sa legal, ligtas at awtorisadong lugar, hindi sa pampublikong highway.
Sa mga magulang at mga miyembro ng komunidad, hinihikayat namin ang inyong pakikiisa. Gabayan, paalalahanan at bantayan natin ang ating mga kabataan. Ang isang simpleng paalala ngayon ay maaaring makapigil sa isang trahedya bukas.
Sa Sofronio Española, ang kaligtasan ng bawat mamamayan ay responsibilidad nating lahat.
Sumunod sa batas. Irespeto ang kapwa. Magmaneho ng responsable.
Ang kapulisan ay narito upang maglingkod at magprotekta.
ISA LANG ANG BUHAY MO. INGATAN MO.