03/12/2025
KOLUMN| Kanteen ng Paaralan: Para sa Kalusugan o Para sa Mabilisang Meryenda?
ni: Amber G. Caingcoy
Kung may isang lugar sa paaralan na dapat nagbibigay-sigla sa mga mag-aaral, iyon ay ang kanteen. Ngunit sa realidad, marami sa atin ang pumipila hindi para sa masustansyang pagkain, kundi para sa instant noodles, pritong meryenda, at soft drinks. Sa panahon ngayon na mahigpit na isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang nutrisyon sa paaralan, tila malayo pa rin ang pagitan ng programa at ng aktwal na sitwasyon.
Hindi ito dapat ganito. Hindi sapat na basta may pagkain sa kanteen. Dapat itong maging mapagkalingang lugar para sa kalusugan ng mga estudyante. Ang mga pagkaing ito ay hindi pinapalakas ang katawan para sa mahabang araw ng klase. Sa halip na magsilbing “fuel” para sa utak at katawan, nagiging pansamantalang lunas lamang ang mga ito—parang ilaw na kumikislap ngunit hindi nagtatagal.
Ayon sa isang nutrition survey, 38% ng mga estudyante ay hindi nag-aalmusal at bumibili na lang ng pagkain sa paaralan. Kung limitado ang budget at kakonti ang healthy options, natural na pipiliin ng maraming estudyante ang pinakamura—kahit ito’y junk food pa. Dagdag pa rito, ang palaging pagkain ng junk food at pag-inom ng soft drinks ay nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan dahil sa mataas na asukal at additives, at maaaring magdulot ng problema sa kidney, pagtaas ng timbang, at iba pang karamdaman.
Maraming health officers ang nagrerekomenda ng mas maraming prutas, gulay, at abot-kayang lutong pagkain. Ngunit narito naman ang reklamo ng mga vendors: mas mahal daw ang paghahanda ng masustansyang pagkain. Totoo man ito, pero dapat bang kalusugan ng estudyante ang isakripisyo para sa gastos?
Dito pumapasok ang DepEd Order No. 13, s. 2017, na nagtatakda ng pamantayan sa masustansyang pagkain at inumin sa mga paaralan at opisina ng DepEd. Sa sistemang GREEN, YELLOW, at RED, ginagabayan ang mga kantina kung ano ang maaaring ihain araw-araw, paminsan-minsan, o hindi dapat ibenta. Halimbawa:
GREEN foods tulad ng steamed vegetables, prutas, at lugaw ay puwedeng ihain araw-araw.
YELLOW foods gaya ng pandesal na may mantika o instant noodles ay ihain paminsan-minsan lamang.
RED foods tulad ng soft drinks, chichirya, at deep-fried junk foods ay mahigpit na ipinagbabawal.
Layunin ng patakarang ito na itaguyod ang masustansyang gawi sa pagkain, gawing abot-kaya ang malusog na pagkain, at pangalagaan ang kalusugan ng mga estudyante at empleyado.
Ngunit nananatiling tanong: kanino ba nakasalalay ang responsibilidad na matiyak na malusog ang pagkain sa paaralan? Sa mga vendor ba na kailangang kumita? Sa mga estudyante bang may limitadong budget? O sa pamunuan ng paaralan na may mandato mula sa DepEd?
Hindi maikakaila na mas convenient bumili ng ready-made snacks kaysa sa lutong pagkain. Ngunit ang convenience ay hindi rason para baliwalain ang pangmatagalang epekto ng junk food—tulad ng mahinang immune system, mabilis na pagkapagod, at iba pang problemang pangkalusugan.
Kung ang paaralan ay itinuturing na ikalawang tahanan, bakit hindi natin masig**ong ang pagkain dito ay ikalawang tahanan din ng kalusugan? Panahon na para tanungin natin ang ating sarili at ang pamunuan: kung kaya nating magbago para sa mas mataas na kalidad ng edukasyon, kaya rin nating magbago para sa mas mataas na kalidad ng nutrisyon. #