20/09/2026
๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | ๐๐ฎ๐ฏ๐ผ๐น ๐๐ฎ ๐ข๐ฟ๐ฎ๐, ๐๐ฎ๐ฏ๐ผ๐น ๐๐ฎ ๐ฃ๐ฎ๐ป๐ด๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐ฝ
๐๐ฌ๐ข๐ง๐ฎ๐ฅ๐๐ญ ๐ง๐ข: Mia Cassandra Garcia
โPara po.โ
Dalawang salitang paulit-ulit na binibigkas ng isang commuter sa bawat biyahe. Ngunit bago pa man marinig ang mga salitang ito, napakarami nang pagsubok ang tila humaharang sa pagiging produktibo ng kanyang arawโmahahabang pila, siksikang sasakyan, matinding init, at trapik na tila walang katapusan.
Alas-singko pa lamang ng umaga, gising na ang karamihan. Habang ang iba ay mahimbing pa ring natutulog, ang mga commuter ay nagsisimula nang harapin ang unang hamon ng kanilang araw. Mabilis na nagbibihis, naghahanda ng gamit, at umaalis nang maaga dahil alam nilang hindi sapat ang pagiging maagap kung hindi naman umaayon ang biyahe.
Pagdating sa sakayan, makikita ang mahabang pila ng mga taong pare-parehong naghihintay. May estudyanteng hawak ang baon at reviewer, manggagawang may dalang ID at lunch box, at mga magulang na nagmamadaling makarating sa kanilang trabaho. Iba-iba ang kanilang buhay, ngunit iisa ang problema: paano makararating sa destinasyon nang hindi nauubos ang oras, lakas, at pasensya?
Kapag dumating na ang jeep, doon nagsisimula ang totoong laban.
โKasya pa!โ
Kahit halos wala nang espasyo, susubukan pa ring sumakay. Dahil kapag pinalampas ang isang jeep, maaaring kailangan na namang maghintay nang ilang minuto o, kung minsan, mas matagal pa. Sa loob, magkakatabi ang mga pasaherong hindi magkakakilala. May nakatayo, may nakaupo, at may iba namang pilit na humahawak sa anumang maaaring kapitan.
At habang umaandar ang sasakyan, kasabay nito ang kaba sa orasan.
โMalelate na ako.โ
Isang simpleng salita, ngunit pamilyar sa maraming estudyante. Kahit maaga kang umalis ng bahay, hindi mo kontrolado ang trapiko. Hindi mo kontrolado ang dami ng pasahero. Hindi mo kontrolado kung kailan darating ang masasakyan. Ang tanging magagawa mo ay magpatuloy sa biyahe.
Dagdag pa sa hirap kapag umuulan. Ang dating simpleng paglalakad papunta sa sakayan ay nagiging pag-iwas sa baha at putik. Basang sapatos, basang bag, at basang uniporme ang maaaring maging kapalit ng isang araw na kailangan pa ring harapin.
Ngunit sa kabila ng lahat, hindi sumusuko ang mga komyuter.
Dahil sa bawat siksikan, may estudyanteng nangangarap makapagtapos. Sa bawat oras na ginugugol sa trapiko, may manggagawang naghahanapbuhay para sa pamilya. Sa bawat mahabang pila, may taong may pupuntahan at may dahilan kung bakit kailangang makarating.
Marahil, para sa iba, ordinaryong biyahe lamang ang lahat ng ito. Ngunit para sa mga taong araw-araw na sumasakay, ang bawat pagko-commute ay isang maliit na laban.
Isang laban na kadalasang hindi napapansin kapag nakarating na sa destinasyon.
Kaya sa susunod na marinig ang isang commuter na magsabi ng, โPara po sa tabi,โ tandaan na bago siya makarating doon, marami na siyang tiniis. Dahil kung tutuusin, hindi lang naman siya bumibiyahe.
Araw-araw, lumalaban din.