19/01/2023
Dalamhati sa Gitna ng Pandemya
Habang pinagmamasdan ko ang maamo niyang mukha.
Sumasagi sa 'king isip, bakit kay agang nawala?
Ang dami niyang pangarap, kahit siya'y isang bata.
Paano na kami nito? Tila balik sa simula.
Namaalam na sa amin ang aming unica hija.
Dalamhati'y yumayakap sa araw-araw tuwina.
"Pakatatag kayo Nestor," iyan ang mensahe nila.
Saka nila idadagdag, "Siya ay nasa langit na".
Lahat ng pahayag nila, sa ami'y nakararating.
Ipinadala sa Facebook dahil mayroong quarantine.
Ang daming p**ikiramay na nakaabot sa amin.
Ngunit wala sa tatlumpu ang pisikal na dumating.
Walang kaklase't kalaro ang dumalaw sa burol n'ya.
'Pagkat sila'y natatakot sa nakaambang pandemya.
Kahit hindi COVID-19 ang gumupo sa kaniya.
Ang payo nila sa amin ay ilibing agad siya.
Bukas namin ihahatid sa kanyang huling hantungan.
Huling gabi niya ngayon sa nakagisnang tahanan.
"Bantayan mo kami anak at lagi mong gagabayan."
Nawa'y naririnig niya't lagi niyang tatandaan.
"Malaya na si Jessica, iyan ang iisipin mo,"
Wika ng aking asawa habang hawak ang kamay ko.
"Doon ay wala ng sakit, leukemia na peligroso.
Maniwala't magtiwala sa Kaniyang mga plano."
—Efraim C. Mendoza (052032)
Likhang-sining ni Brandon Lloyd E. Canoza