SANHS Kamapa

SANHS Kamapa

Share

SANHS-KAMAPA
KApisanan ng mga
Mag-aaral sa
Araling
PAnglipunan ng SANHS

30/11/2022




Sa araw na ito noong 1898, ipinroklama ng pamahalaang rebolusyonaryo ni Heneral Emilio Aguinaldo na kinikilala nito ang prinsipyo ng paghihiwalay ng simbahan at ng pamahalaan at ng kalayaan sa pagsamba at pagpili ng aanibang relihiyon. Sa pagbabalangkas sa bagong Konstitusyon ng itatatag na Republika, naging mainit na deliberasyon at debate ang usapin ng relihiyon bilang bahagi ng probisyon ng ating Saligang-Batas.

Isa sa mga punong nagbabalangkas ng nasabing Konstitusyon, si Felipe Calderon, ang nagtutulak na dapat maging opisyal na state relihiyon ng Pilipinas ang Katolisismo at masyadong malayo sa realidad ang pananaw tungkol sa paghihiwalay ng simbahan at pamahalaan. Argumento naman ni Arcadio del Rosario, na isa sa mga delegado sa Kongreso ng Malolos at isa sa mga nagbabalangkas ng bagong Konstitusyon, kinakailangan ang paghihiwalay ng simbahan at ng pamahalaan upang hindi na maulit sa bagong pamahalaan ang mga kamaliang nangyari noong panahon ng mga Espanyol kung saan umiiral ang frailocracy o ang impluwensya ng mga prayle sa pamahalaang sibil.

Nahati ang Kongreso ng Malolos sa dalawa dahil sa isyung panrelihiyon sa Konstitusyon,at dahil pawang mga Mason ang mga miyembro ng Kongreso, mas sinuportahan ang ideya ng separasyon ng simbahan at pamahalaan. Kabilang rito sina Antonio Luna at Pedro Paterno. Sa huli, nang idinaan sa botohan ang pagpasa sa pag-iisa o paghihiwalay ng simbahan at ng pamahalaan, nagwagi ang prinsipyo ng paghihiwalay sa pamamagitan lang ng iisang boto. Nang niratipikahan ang Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas noong Enero 1899, nakasulat sa Artikulo V ng Pamagat bilang III na kinikilala ng pamahalaan ang kalayaan ng mamamayan sa pagpili ng relihiyon at sa paghihiwalay ng simbahan at ng pamahalaan.

Mula pa sa panahon ng Kaliwanagan sa Europa, na ipinaglaban sa mga nagdaang rebolusyon sa Amerika at France, ang prinsipyo ng paghihiwalay ng simbahan at pamahalaan ay maituturing na isang radikal na ideya sa harap ng matinding debosyon ng mga tao sa relihiyon. Kabilang ang Pilipinas sa mga demokratikong bansa sa buong mundo sa mga may ganitong klaseng probisyon sa Saligang-Batas. Sa Artikulo II, Seksyon 6, malinaw na ipinapaliwanag na hindi pwedeng baliin ang paghihiwalay ng simbahan at ng pamahalaan.

Mga Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d) Today in Philippine History, November 29, 1898, the revolutionary government of General Emilio Aguinaldo, proclaimed the separation of Church and State. Retrieved November 29, 2021. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/783/today-in-philippine-history-november-29-1898-the-revolutionary-government-of-general-emilio-aguinaldo-proclaimed-the-separation-of-church-and-state
• Arellano Law. Foundation (n.d) 1899
CONSTITUTION OF THE
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
(MALOLOS CONVENTION). The LawPhil Project https://lawphil.net/consti/consmalo.html



30/11/2022





Isang linggo lang mula nang patayin si Pangulong John F. Kennedy ng Estados Unidos, binuksan sa araw na ito noong 1963 ang komisyong siyang mangunguna sa imbestigasyon kaugnay sa nangyaring pagpatay kay Pangulong Kennedy, ang Warren Commission. Dahil napatay ang mismong assassin ni Pangulong Kennedy na si Lee Harvey Oswald, ito ang nagbunsod sa pamahalaang Amerikano na magbukas ng ahensyang mag-iimbestiga sa pagkamatay ni Kennedy. Ipinangalan ang komisyong ito sa Punong Mahistrado ng Korte Suprema ng Amerika na si Earl Warren, na itinalaga ni Pangulong Lyndon Johnson na mangunguna sa komisyon. Binuksan ang komisyong ito sa bisa ng Executive Order no. 11130 na nilagdaan ni Pangulong Johnson. Katuwang rin ni Mahistrado Warren na mag-iimbestiga sa pagpatay kay Kennedy ang tig-dalawang Amerikanong Senador at Kongresista, at dating ahente ng Central Intelligence Agency (CIA) at Direktor ng World Bank.

Sa loob ng halos isang taon, nangalap ang Warren Commission ng mga mahahalagang datos at mga impormasyon tungkol sa mismong assassin, mga testimonya ng mga nakasaksi sa mismong pagpatay at mga nasa Dallas, Texas noong mga panahong pinatay ang Pangulo. At sa inilabas na 888-pahinang ulat ng Warren Commission na ipinasa kay Pangulong Johnson noong ika-24 ng Setyembre, 1964, naiulat na mula nga sa sniper rifle ni Oswald nanggaling ang mga balang nakadali kay Pangulong Kennedy at sa Gobernador ng Texas, mula sa bintana ng anim na palapag ng Texas School Book Depository. Iniulat ring posibleng nanggaling na rin sa Soviet Union si Oswald kung saan naging komunista rin siya, pero wala ring nailabas na mga posibleng motibo ni Oswald sa pamamaril. Napatunayan rin sa ulat ang kapalpakan ng inilatag na seguridad sa paligid ng Pangulo, kaya naging target siya ng pamamaril..Ni hindi rin naman napatunayan kung anong nagtulak kay Oswald, o kung si Kennedy nga ba talaga ang orihinal na target ng pamamaril.

Gayumpaman, maraming hindi kumbinsido sa resulta ng imbestigasyon ng Warren Commission gaya ng si Oswald lang ang assassin, na posibleng may mga kasabwat rin siya noong araw na iyon, at lalong lumutang ang mga posibilidad na may kaugnayan ang mga pamahalaang Soviet o Cuban sa pagpatay, kagagawan diumano ng kung sino mang sindikato o maaaring ipinapatay rin siya Pangulong Johnson.

Dekada 70 nang magbukas ulit ang pamahalaang Amerikano ng panibagong imbestigasyon, ang House of Representatives Select Committee on Assassination, para imbestigahan ulit ang nangyaring pagpatay kay Pangulong Kennedy. Pero halos katulad lang ang naging resulta ng imbestigasyon ng Warren Commission at ng HSCA, liban lang sa naiulat ng HSCA na posibleng may kasama rin si Oswald sa pamamaril, at posibleng may sabwatang nangyari para patayin si Kennedy, isang sabwatang hindi pa rin matukoy kung anong motibo o sinong may pakana. Sa huli, halos wala ring napatunguhan ang imbestigasyon sa pagpatay kay Pangulong Kennedy, at hanggang ngayon, tila kasama na ring mababaon sa libingan ni Kennedy ang mga sagot sa halos kalahating siglong misteryong ito.

Sanggunian:
• History.com Editors (21 August, 2018) Warren Commission. HISTORY. Retrieved November 29, 2021. https://www.history.com/topics/1960s/warren-commission



30/11/2022




Sa ating pambansang kasaysayan, isa sa mga bukambibig na pangalan partikular na sa mga unang taon ng kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas ang pangalang "Limahong" (sa mga ibang kasulata'y si Lim-A-Hang, Lim Hong, Lin Feng at Ah Hong), isang piratang Tsino noong ika-16 siglo na tinangkang sakupin mula sa mga Espanyol ang Pilipinas. At sa araw na ito noong 1574, bisperas ng kapistahan ni San Andres, naharap ang kabisera ng pamahalang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas sa banta ng pananakop ng piratang Tsino na ito, nang mahigit 700 tauhan ni Limahong ang lumapag sa Malate, Maynila.

Armado ng mga arquebus, piko, sibat, palakol at itak, nagmartsa sila sa pangunguna ni Limahong papunta sa mga pader ng Intramuros, kung saan nakasagupa nila ang mga sundalong Espanyol na pinamunuan ni Martin de Goiti. Napatay nina De Goiti ang 80 Tsino, habang 14 Espanyol, kabilang na si De Goiti, ang napatay sa labanang iyon, at sa laki ng mga nawala kina Limahong, napilitang umatras ang mga Tsino mula Malate papuntang Cavite. Makalipas ang tatlong araw, bumalik sina Limahong sa Maynila, na ngayo'y mas malakas at armado ng mga kanyon ang kanilang mga barko. Pinaputukan nila ang mga itinayong depensa ng mga Espanyol sa Maynila na pinangunahan nina Juan de Salcedo at 50 sundalo. Nabasag man nina Limahong ang kutang ito, nagapi ulit sila sa lupa, at bago sila umatras ulit sa Maynila, tinupok muna nila Limahong ang isang barkong Espanyol at ang simbahan ng San Agustin sa Intramuros. Tuluyan nang umatras sina Limahong mula Maynila pabalik ng lalawigan ng Ilocos pero nagpasyang magtayo muna ng kuta sa lalawigan ng Pangasinan, sa bukana ng ilog Agno sa kasalukuyang bayan ng Lingayen.

Samantal, hinabol naman sina Limahong ni Juan de Salcedo, kasama ang 256 Espanyol at 2,500 katutubo, at sinalakay nila ang kuta ni Limahong sa Lingayen noong ika-30 ng Marso, 1575. Sa takot ni Limahong sa nakita niyang napakalaking pwersang Espanyol at sa katotohanang daan-daang Tsino na ang nawala sa tauhan ni Limahong, napilitan siya ulit na iwanan ang kanyang kuta sa Lingayen, habang apat na buwang kinubkob ito ng mga Espanyol bago ito sumuko noong ika-4 ng Agosto. Nakatakas sina Limahong at mga natitirang tagasuporta niya, pabalik ng China at kung ano mang nangyari sa kanya pagkatapos ng kanyang kampanya sa Pilipinas ay wala nang nakakaalam.

Isang piratang Tsino si Limahong, na naghahasik ng lagim sa mga daungan ng Guangdong sa katimugang China, at una niyang narinig ang tungkol sa mga kayamanan ng Pilipinas nang bumagsak sa kanyang kamay ang barkong Tsino na nakikipagkalakan sa Pilipinas. Napagpasyahan ni Limahong na salakayin ang Pilipinas at kuning pag-aari niya ang mga yaman ng ating bansa, ang isa sa mha banyagang Tsino na nagpakita ng agresyon sa ating teritoryo.

Mga Sanggunian:
• Sande, Francisco de (1903). Blair, E. H.; Robertson, J. A. (eds.). Relation of the Filipinas Islands: Manila, June 7, 1576. In The Philippine Islands 1493–1898. Vol. IV, 1576–1582. Cleveland: The Arthur H. Clark Company – via Project Gutenberg.
• Jimenez III, Jose B. (2019, August 9) Limahong and the South China Sea. The Manila Times. Retrieved November 29, 2021. https://www.manilatimes.net/2019/08/08/opinion/columnists/limahong-and-the-south-china-sea/596678



30/11/2022

Nakikiisa ang SANHS SSG sa pag-alala sa isa sa maituturing na huwarang Pilipino na buong tapang na nagbuwis ng buhay para sa bayan, si G*t Andres Bonifacio, ang kinikilalang "Ama ng Himagsikang Pilipino".

Ipinagdiriwang ang bilang Araw ni Bonifacio o Bonifacio Day tuwing Nobyembre 30 upang gunitain ang kanyang kapanganakan at kanyang naging natatanging ambag upang makamit natin ang ating kalayaan.

Want your school to be the top-listed School/college in San Pablo City?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Category

Telephone

Website

Address


Brgy. Sto. Angel
San Pablo City
4000