11/11/2020
ABOT-KAMAY ANG PANGARAP NI NANAY | Ang edukasyon at pagkatuto ay walang pinipiling panahon, edad o estado. Ito ang pinatunayan ni Nanay Anghilina Mines o mas kilala sa tawag na Baye, tawag sa nakatatandang babae sa tribu ng Hanuno Mangyan na matatagpuan sa Mansalay Oriental Mindoro.
Sa edad na 50 taong gulang, bahagi si Baye Anghilina sa programang Alternative Learning System (ALS) ng Kagawaran ng Edukasyon. Bagamat napagtapos na ni Baye ang kaniyang tatlong anak sa pag-aaral, siya naman ay nagsisimula pa lang sa pag-abot sa kaniyang minimithing tagumpay.
Mayroon mang banta ng pandemya ngayong taon, naging posible pa rin ang pagtupad sa pangarap ng mga ALS Learners sa ilalim ng Distance Learning. Dito sa Sitio Lamac, modular learning ang gamit na modal ni Baye Anghilina at iba pang ALS learners. Tuwing Miyerkules idinadaos ang weekly visitation ng kanilang ALS Mobile Teacher na si Teacher Odesca Salazar. Sa araw na ito nakatakdang kunin ang mga nasagutan ng modules at ipamahagi ang panibagong modules na gagamitin ng mga learners sa buong linggo. Sa tulong ng weekly visitation, higit na naipaliliwanag ni Teacher Odesca ang mga aralin na hindi gaanong nauunawan ng learners.
Hindi man naging madali ang pag-aaral ni Baye Anghilina dahil may kalabuan na ang mata dala ng edad, nagsusumikap pa rin ito na aralin at sagutin ang kaniyang mga modules. Kwento pa ni Baye, kahit minsan hindi niya naranasan na makapag-aral, sa ALS nagsimulang mahasa ang kaniyang iba't ibang abilidad gaya ng pagbabasa sa tagalog at lalo na sa ingles. Kaya upang higit na magabayan pa si Baye at patuloy na mapaningas ang kagustuhan niyang matuto, nagbibigay si Teacher Odesca ng karagdagang reading materials na maaaring pagsanayan ni Baye habang nasa bahay.
Ayon kay Baye, hindi naging hadlang ang edad niya o maging ang pandemya sa pagpapatuloy ng kaniyang pag-aaral, bagkus higit pa itong naging daan upang mag sumikap at magpursige siya na matuto. "Napakahalaga po saakin ng pag-aaral dahil iba pa rin po ang may nalalaman, inspirasyon ko po ang mga anak ko na napatapos ko sa pag-aaral at ngayon nais ko naman pong magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan na kung akong may edad na ay kinakaya ko, siguradong kaya rin po nila," ani Baye Anghilina.