01/08/2025
MASIGLANG PAGDIRIWANG NG BUWAN NG NUTRISYON SA VILLA FLORESTA ELEMENTARY SCHOOL
Masigla at makabuluhang ipinagdiwang ng Villa Floresta Elementary School ang Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo na may temang “Sa PPAN: Sama‑sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat!”
Ang pagdiriwang ay sinimulan sa pamamagitan ng isang maikling programa na pinangunahan ng mga g**o ng paaralan. Tampok dito ang mga mag-aaral sa iba't-ibang baitang na nagbahagi ng kaalaman tungkol sa wastong nutrisyon sa pamamagitan ng pagsayaw, sabayang bigkas, at kantang pangkalusugan.
Isa sa mga pinakatampok na aktibidad ay ang Nutri-Cook Fest, kung saan nagtagisan ang mga mag-aaral at magulang sa paghahanda ng masustansyang pagkain gamit ang kalabasa at abot-kayang sangkap. Ipinakita rin sa paligsahan ang malikhaing paraan ng paghahatid ng masustansyang pagkain sa pamilya.
Isinagawa rin ang mga paligsahan tulad ng poster making, slogan making, collage at coloring na may temang tumatalakay sa kahalagahan ng balanseng pagkain, tamang ehersisyo, at kalinisan.
Ayon kay G. Gorgonio V. Esguerra Jr., School Head ng Villa Floresta Elementary School, “Layunin naming maisapuso ng mga mag-aaral at magulang ang kahalagahan ng masustansyang pagkain hindi lamang ngayong Buwan ng Nutrisyon, kundi sa araw-araw.”
Sa pagtatapos ng selebrasyon, binigyang pagkilala ang mga nagwagi sa iba't ibang patimpalak. Naghatid ito ng kasiyahan at dagdag-kaalaman sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
Ang matagumpay na pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ay naging patunay ng pagkakaisa ng buong paaralan sa pagsusulong ng malusog na pamumuhay tungo sa mas malusog na kinabukasan.