02/10/2026
ALS-SHS FEATURE ❤️💙💚
WALANG KAKUPAS-KUPAS NA PANGARAP:
Ang Inspirasyong Dala ni Nanay Marites sa ALS–
Senior High School ng San Jose City National High School Senior High School
Sa edad kung kailan ang karamihan ay nagpapahinga na at nag-aabang sa tagumpay ng kanilang mga anak, isang natatanging ilaw ng tahanan ang patuloy na nagliliyab sa loob ng silid-aralan.
Si Marites Portacio Camurongan, isinilang noong Marso 26, 1974, ang kasalukuyang kinikilalang pinakamatandang mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) Senior High School ng San Jose City National High School–Senior High School.
Sa kabila ng mga taon at dekadang lumipas, pinatunayan ni Nanay Marites na walang pinipiling edad ang pagkatuto at ang pag-abot sa mga pangarap.
“Ang pangarap ay walang expiration date.”
Bunga ng Pagsusumikap: Mula sa Tahanan Tungong Silid-Aralan
Hindi naging madali ang buhay para kay Nanay Marites. Sa kanyang sariling pahayag, ibinahagi niya ang mga katanungang minsan ay gumagambala sa kanyang isipan—kung bakit nga ba kay hirap abutin ng mga pangarap sa kabila ng pagsusumikap. Naitanong niya sa sarili kung ito ba ay dahil kapos sa kapalaran, may kakulangan sa kaalaman, o hindi sapat ang pinag-aralan.
Subalit sa halip na sumuko, ginawa niyang inspirasyon ang mga katanungang ito at ang kanyang sariling pamilya. Matagumpay niyang napalaki at napagtapos sa pag-aaral ang kanyang dalawang mga anak, samantalang ang dalawa pa ay kasalukuyan ding nag-aaral nang mabuti.
Matapos maipundar ang magandang kinabukasan ng kanyang mga anak, muling pinalakas ni Nanay Marites ang kanyang loob upang harapin naman ang sarili niyang pangarap—ang makatapos ng pag-aaral.
Pamilya at Pagpupursigi
• July Camurongan Fernandez — Nagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology sa Central Luzon State University (CLSU) at kasalukuyang naglilingkod bilang Senior Computer Programmer sa Presidential Communications Office (PCO) sa Malacañang.
• Perlas Camurongan Fernandez — Nagtapos ng Bachelor of Arts in Political Science sa Core Gateway College, Inc. (CGCI), at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Computer Programmer sa San Jose City Local Government.
• Mahalia Camurongan Fernandez — Kasalukuyang nasa ika-apat na taon sa kolehiyo sa CLSU sa kursong Bachelor of Science in Accountancy.
• Gena Camurongan Fernandez — Kasalukuyang mag-aaral sa Baitang 11 (ASSH 11-Skinner) sa San Jose City National High School–Senior High School.
Isang Ehemplo ng Dedikasyon at Pamumuno
Hindi lamang basta pumapasok sa paaralan si Nanay Marites; ipinamalas din niya ang huwarang husay at dedikasyon sa bawat larangan. Noong siya ay nasa Grade 11 pa lamang, isa siya sa mga Honor students.
Pinatunayan din niya ang kanyang galing sa pamumuno matapos siyang ihalal bilang Classroom President noong Grade 11—isang tungkuling patuloy na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang mga kamag-aral hanggang ngayong siya ay nasa Grade 12 (HUMSS12A-ALS) na.
Para sa kanyang mga mas batang kaklase at g**o, si Nanay Marites ay hindi lamang isang mag-aaral; siya ay nagsisilbing gabay, inspirasyon, at patunay na ang edukasyon ay isang walang katapusang paglalakbay.
Bukas din ang kanyang palad sa paglilingkod-bayan, dahil kasalukuyan din siyang nagtatrabaho sa Local Government Unit ng San Jose City, Nueva Ecija bilang Administrative Aide III.
Isang Gabay sa Hamon ng Buhay
Namatay man ang maraming taon sa paghihintay, namulat si Nanay Marites na ang edukasyon pa rin ang siyang magiging gabay sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Ito ang dahilan kung bakit buong puso siyang nagpapatuloy sa kanyang pag-aaral sa ALS sa San Jose City National High School–Senior High School sa kabila ng lahat.
Tinapos din niya ang kanyang Junior High School sa pamamagitan ng Alternative Learning System ng Schools Division of San Jose City, Nueva Ecija.
Ang Kwento ni Marites Portacio Camurongan ay isang malakas na paalala sa bawat isa sa atin: ang pangarap ay walang expiration date.
Sa kanyang bawat hakbang sa hallway ng paaralan, bitbit niya ang ehemplo ng isang totoong tagumpay—isang inang naglilingkod sa pamilya, naglilingkod para sa bayan, at ngayon ay buong tapang na lumalaban para sa sariling edukasyon.
“Ang edukasyon ay walang edad—at ang pangarap ay walang deadline”
🖋️mdL