05/10/2025
𝗛𝗔𝗣𝗣𝗬 𝗧𝗘𝗔𝗖𝗛𝗘𝗥𝗦' 𝗗𝗔𝗬!
Sa likod ng bawat ngiti at pagbati ng "Magandang umaga, class," ay isang pusong pagod ngunit hindi sumusuko. Sa likod ng bawat araling inihanda, may mga gabing ipinagkait sa sariling pamilya at sa pansariling pahinga. Sa likod ng bawat pulang bolpen na gumuguhit sa aming mga papel, may mga kamay na hindi napapagod magbigay ng gabay, kahit na ang mundo ay tila nagkakait.
Hindi ninyo marahil nakikita, pero sa bawat pangaral at pagtatama ninyo, isang pangarap ang inyong binubuhay. Sa bawat butil ng pasensya na ibinibigay ninyo sa aming mga pagkukulang, isang kinabukasan ang inyong hinuhulma. Kayo ang mga bayaning hindi kailanman humingi ng kapalit, mga ilaw na patuloy na nagliliwanag kahit paunti-unti nang nauupos ang sarili.
Ang inyong sahod ay hindi kailanman magiging sapat para tumbasan ang pag-aalay ng inyong buong buhay sa isang propesyong madalas ay hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala. Ang tunay ninyong yaman ay wala sa materyal na bagay, kundi nasa libu-libong buhay na inyong binago at binigyang pag-asa.
Sa aming mga minamahal na g**o, patawad kung minsan ay nakalimutan naming magpasalamat. Patawad sa mga pagkakataong naging dahilan kami ng inyong pagkadismaya. Ngunit sana, sa pagbasa ninyo nito, maramdaman ninyo ang bigat at katotohanan ng aming pasasalamat. Ang bawat tagumpay na aming nararating ay may piraso ng inyong sakripisyo. Habambuhay naming dadalhin ang mga aral na itinanim ninyo hindi lamang sa aming isipan, kundi maging sa aming mga puso. Maraming, maraming salamat po.
***
Words by Gregory Cumaual
Layout by Ceryl Glenn Figuracion
---