10/11/2025
EDITORYAL | Kaligtasan o Kabuhayan? Mamili Ka!
Sa harap ng mga nagbabadayang sakuna, lalo na sa mga mamayang danas na ang hagupit nito, tila ba’y may isang uwang na sadyang kayhirap tapalan — isaalangalang ang sariling kaligtasan o protektahan ang mga materyal na ari-arian na syang nagbibigay ng sa kanila ng kabuhayan?
Hindi na bago para sa ating mga naninirahan sa hilagang bahagi ng Luzon, partikular sa Lalawigan ng Isabela ang taon-taong pakikibaka sa mga malalakas na bagyo. Na nagiging dahilan ng pagkawasak hindi lang mga ari-arian ngunit pati na ng buhay ng mga mamayan. At sa tuwing tumataas ang tubig at humahagupit ang malalakas na hangin, abot ang pakiusap ng mga kinauukulan na lumikas sa mga mas ligtas na lugar.
Sa tala ng Isabela PIO, 4850 na pamilya o 14553 na mga indibiduwal ang inilikas sa mga evacuation center sa ibat-ibang bayan sa lalawigan ng Isabela, upang masig**o ang kaligtasan ng mga ito mula sa pananalanta ng Super Typhoon Uwang.
Gayunpaman, sa kabila ng mga hakbang sa sapilitang pagpapalikas at banta sa buhay na dala ng kalamidad, ilan pa rin sa ating mga kababayan ang mas pinipiling manatili sa kanilang mga tahanan maging sa kanilang mga sakahan. Dala ang katiting na pag-asang kahit papaano’y may maisalba man lang sa kanilang mga ari-arian at kabuhayan.
Ngunit kung ikukumpara ang lakas ng tao sa bagsik ng kalikasan, ito ay magmimistula lang na alikabok na kay daling tangayin ng hangin nang walang kalaban-laban.
Ang ganitong klase ng kaisipan ay madalas na nagreresulta sa pahirapang pagsagip ng mga kinauukulan sa mga na-trap nating kababayan sa ginat ng rumaragasang baha at nagngangalit na hampas ng hangin na kadalasa’y nagiging mitsa na malagay sa alanganin ang kanilang buhay, at maging ng mga nagnanais na sila’y iligtas.
Sa mga Facebook post, makikita natin ang ilan na humihingi ng tulong o rescue, pagkat di na magawang makalikas pa dahil sa nakapalibot na may kalalimang baha.
Mababasa sa mga kumento ang pagtuligsa ng ilan sa mga taong nasasadlak sa ganitong sitwasyon.
Bakit nga ba hindi sila lumikas agad? Bakit ba kasi hindi sila naging handa? Bakit ba ganito? Bakit ba gano’n?
Ngunit kung iisipin, ano nga ba ang maaaring magtulak sa isang tao na ipagsapalaran ang sarili na manatili sa kanilang mga tahanan sa kabila ng banta ng panganib?
Pag-asa — dito kumakapit ang ilan. Isang pagbabakasakali na sa katapusan ng isang delubyo, ay may masasandalan pang pangkabuhayan. Na sa harap ng naghahasik na kalikasan, ang kanilang mumunting pagsisikap na maisalba man lang ang kahit na kakarampot na yaman ay masisig**o nilang ang bawat isa sa kanilang pamilya ay may mababalikan pang tahanan at may panglamang tiyan.
Napakahalaga ng buhay, kaya dapat nating sanayin ang ating mga sarili sa ibat-ibang uri ng kahandaan. Gayun pa man, sa kabila nito’y hindi dapat natin isantabi ang pangamba ng ilan na kung matapos man ang hagupit ng isang sakuna, ano na kasunod nito?
Hindi lang dapat natatapos sa pagsig**o ng kaligtasan ng mga mamamayan ang responsibilidad ng pamahalaab. Marapat din na masig**o ng mga ito, na pagkatapos manalanta ng isang kalamidad, ay makabalik sa normal nilang buhay ang mga naapektuhan.
Nararapat lamang na mas paigtingin pa ng pamahalaan ang sistema nang pagtugon sa pangangailangan ng mga mamayang pagod na sa mayat-mayang dagot na hatid ng nagngangalit na kalisan. Pagtugon na nararapat at may kasiguraduhan.
Nang sa gayo’y maharap man sa mga nagbabadyang sakuna, hindi dapat mamili ang mamamayan, kung uunahin ba ang sariling kaligtasan o siguruhin na pagkatapos ng mga pananalanta, silay may tahanan pa ring babalikan at may pagkaing kakainin sa hapagkainan.
26/10/2025
19/10/2025
13/10/2025
06/09/2025
10/07/2025