18/08/2026
Nagsilbing Panauhing Pandangal at Tagapagsalita ang Pangulo ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, Dr. Bert J. Tuga, sa naganap na seremonya ng pagtatapos ng mga iskolar ng Chinese-Filipino Business Club, Inc. (CFBCI) noong ika-16 ng Agosto 2026 sa Binondo, Maynila. Kaakibat ng temang โTurning Tassels into New Beginnings,โ kinilala sa programang ito ang hindi matatawarang pagpupursige ng mga iskolar ng CFBCI na magtagumpay sa pagkamit ng kanilang edukasyon.
Ipinakilala ni G. Nixon Co, Education Committee Plenary Member ng CFBCI, si Dr. Tuga. Bilang pambungad, kinilala ng Pangulo ng PNU ang dedikasyon ng CFBCI na magkaloob ng mga oportunidad para sa mga karapat-dapat na kabataang Pilipino upang maitaguyod ang kanilang pag-aaral.
Sa kaniyang mensahe, pinaalalahanan niya ang mga nagsipagtapos na kalakip ng kanilang tagumpay ang mas malaking pananagutan na maging mulat sa lipunan. Hinikayat niya ang mga ito na gamitin ang kanilang edukasyon hindi lamang upang paunlarin ang sariling buhay, kundi maging ang kanilang mga komunidad. Binigyang-diin niya na anuman ang tahakin nilang propesyon sa hinaharap, magkakaroon sila ng pagkakataong makaimpluwensiya sa buhay ng iba. Ipinaalala rin niya na ang kanilang mga trabaho ay may mas malalim na halaga na lagpas pa sa kanilang mga nakatalagang tungkulin, dahil ang kanilang mga desisyon, dedikasyon, at ang mga taong pinipili nilang paglingkuran ay bahagi ng isang mas malaking adhikain.
Kabilang din sa kaniyang mensahe ang paglilinaw na hindi kailangang planado o tiyak na ng mga nagsipagtapos ang kabuuan ng kanilang kinabukasan. Ipinahiwatig ni Dr. Tuga na ang pag-akyat sa entablado ay hindi nangangahulugang hawak na nila ang lahat ng kasagutan. Pinayuhan niya ang mga mag-aaral na asahan ang mga posibleng pagkabigo, pagkadismaya, at mga pagkakataong kailangan nilang mag-umpisang muli. Ayon sa kaniya, sakaling mangyari ito, hindi nila dapat ituring na isang pagkatalo ang hindi pag-ayon ng kanilang paglalakbay sa inaasahan nilang plano. Sa halip, ang muling pagsisimula ay hindi isang pag-atras, kundi isang magandang pagkakataon upang matuto at muling sumulong taglay ang ibayong tapang at karunungan.
Nagtapos ang makabuluhang seremonya sa pormal na paggawad ng mga katibayan sa mga iskolar, na sinundan ng pasasalamat mula sa pamunuan ng CFBCI. Baon ang mga hamon at inspirasyong ibinahagi ni Dr. Tuga, tuluyan nang haharapin ng mga bagong gradweyt ang susunod na kabanata ng kanilang buhayโhindi lamang bilang mga propesyonal na handang abutin ang kanilang mga pangarap, kundi bilang mga mamamayang may malasakit at layuning mag-ambag sa patuloy na pag-unlad ng bayan. Ang mga iskolar ng CFBCI ay nagmula sa ibaโt-ibang paaralan tulad ng University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, Technological University of the Philippines, at Philippine Normal University.
---
Ikinalulugod naming maibahagi sa inyo ang impormasyong ito, at umaasa kaming ito ay maging kapaki-pakinabang sa inyo!
Bisitahin ang https://nnp.pnu.edu.ph/, piliin ang Strategic Communications and Public Relations Unit, at ibahagi sa amin ang inyong mga reaksyon o saloobin tungkol sa impormasyong aming ibinahagi.