23/08/2026
Salinlahi 2026
|August 21, 2026
Sa panahong halos lahat ay nasa digital na mundo, mula sa pakikipag-usap at pagpupulong hanggang sa mga gawain at paglalaro, mahalaga ring huminto sandali at balikan ang mga simpleng bagay na bahagi ng ating kultura.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026, isinagawa sa St. Anthony Mary Claret Seminary ang Salinlahi 2026, isang pagkakataong pansamantalang lumayo sa teknolohiya at mga gawaing pang-akademiko upang muling maranasan ang mga tradisyonal na larong Pilipino.
Nagsimula ang programa sa panalangin at energizer bago isinagawa ang Laro ng Lahi. Tampok dito ang Patintero, Agawan Base, Kadang-kadang Race, at Sack Race—mga larong nangangailangan hindi lamang ng bilis at lakas, kundi maging ng pakikipagtulungan, diskarte, at pakikilahok ng bawat isa.
Layunin din ng Salinlahi na mabigyan ng pagkakataon ang mga seminaristang Pilipino na hindi nagkaroon ng pagkakataong maranasan ang mga larong ito na makilala at mapaglaruan ang mga ito. Sa panahon kung kailan mas karaniwan nang ginugugol ang oras sa harap ng mga screen at cellphones, mahalagang magkaroon pa rin ng oras at espasyo para sa mga larong minsang naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay nating Pilipino.
Naging pagkakataon din ito para sa ating mga banyagang kapatid na makilala ang isang bahagi ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng aktuwal na karanasan. Sa pamamagitan ng sama-samang paglalaro, nagkaroon sila ng pagkakataong makibahagi sa isang simpleng gawain na nag-uugnay sa mga tao, anuman ang kanilang pinagmulan.
Higit sa paligsahan, naging pagkakataon ang mga larong ito upang magsama-sama ang mga lahat magkaiba man ang pinanggalingan. Sa simpleng paglalaro, nagkaroon ng pagkakataong makipagkaibigan, makipagtulungan, at matuto mula sa isa't isa. Sa ganitong paraan, ang kultura ay hindi lamang ipinapaliwanag kundi nararanasan at naibabahagi sa loob ng komunidad.
Ang Salinlahi 2026 ay hindi lamang tungkol sa pagbabalik sa mga tradisyonal na laro. Ito ay tungkol sa pagbibigay ng pagkakataon sa bawat seminarista—Pilipino man o mula sa ibang bansa—na makilala, maranasan, at pahalagahan ang isang bahagi ng kulturang Pilipino. Sa isang komunidad na binubuo ng iba't ibang kultura at pinagmulan, ang mga simpleng larong ito ay naging paraan upang higit nating makilala ang isa't isa at sama-samang mapahalagahan ang kulturang ating ipinagdiriwang.