15/05/2020
Lubos na nakikiramay ang buong publikasyon sa pagpanaw ng isa sa naging pundasyon ng The Oracle Publication. Ito'y isang munting handog na elehiya para kay Maestro Dr. Rudy Brul.
PAALAM SAYO MAESTRO.
Sa pagsapit ng iyong dapithapon
Hayaan mong muli kong balikan
Ang alaala ng kahapong nagdaan
Kung kailan una ka naming nakilala't nakasama
Tandang-tanda ko pa,
Sa unang silid sa ikatlong palapag ng gusali ng Paragon
Unang pagpupulong para sa unang pahayagan
Nakadaupang palad namin ang isang ginoo
Dr. Rudy Brul, ang nag-iisang maestro.
Sino nga bang makakalimot sa iyong mga ngiti at dumadagungdong na halakhak
Sa mga banat mong parang bear brand, swak na swak.
Sa mga linya at pasaring mong pak na pak.
Syempre hinding-hindi mawawala ang mga bilin mo't pangaral
Isa ka sa mga humubog at sa ami'y nagbigay lakas loob.
Sa simula ng aming paglalakbay,
Ikaw ang nagsilbi kandilang gabay at tanglaw.
Sa paglisan mo kasabay ang liwanag
Tiyak ang paglaganap ng dilim
Ngunit isa ang sinisiguro
Maampat din ang pag-agos ng luha
Kalaunan, kirot ay mawawala:
Bunga ng sugat nang biglang pamamaalam,
Nang iyong biglaang paglisan.
At sa paghinto ng tagulaylay
Isisilang ang bukang-liwayway
Kasabay nito ang aming pagunita
Sa mga aral at mga alaala kasama ka.
Lagi ka naming itatangi,
Maestro, hanggang sa muli.