08/08/2026
A TESTIMONY FROM AN ALUMNUS OF EDM LAURA SQUAT :
Magandang araw po sa inyong lahat!
Ako po si Leslie Joy B. Tumbaga, isang beneficiary ng Enfants Du Mékong mula pa noong taong 2017. Ako po ay kasalukuyang magtatapos sa kursong Bachelor of Science in Electrical Engineering.
Noong nasa grade school pa lamang ako, madalas ko nang marinig ang tungkol sa Enfants Du Mékong mula sa aking kuya na isa ring beneficiary noon. Naging bahagi siya ng EDM dahil isa siyang sakristan sa simbahan. Bata pa lamang ako noon kaya ang alam ko lang ay may scholarship siyang tumutulong sa kanyang pag-aaral. Wala pa akong gaanong kaalaman tungkol sa EDM dahil hindi pa naman ako beneficiary noong mga panahong iyon.
Hindi man kami mayaman, masasabi kong sapat lamang ang buhay namin noon habang nabubuhay pa ang aking nanay dahil isa siya sa mga nagtatrabaho para sa aming pamilya. Ngunit dumating ang isang mabigat na pagsubok nang mawala ang aking mama. Grade 6 ako noon nang siya ay pumanaw. Sa murang edad, natutunan kong mag-alaga ng kapatid, maging responsable sa sarili kong pag-aaral, at maging matatag para sa aming pamilya.
Taong 2017, noong ako ay Grade 7, naging bahagi ako ng Enfants Du Mékong bilang adopted child. Wala pa akong sariling sponsor noon dahil beneficiary pa rin ang aking kuya. Ngunit nang gusto na niyang tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho at matulungan kaming magkapatid, kinausap ako ng aming area leader na si Ate Divine. Sinabi niya na maaari akong pumalit bilang ganap na beneficiary ng EDM at kakausapin nila ang sponsor ng aking kuya kung papayag na ilipat sa akin ang scholarship. At sa awa ng Diyos, pumayag naman po ang sponsor.
Simula nang maging beneficiary ako ng EDM, lalo akong nagsumikap sa pag-aaral upang ipakita na deserving ako sa oportunidad na ibinigay sa akin. Hindi lamang pinansyal na tulong ang natanggap ko mula sa EDM kundi pati gabay sa paghubog ng aking pagkatao at mga pangarap sa buhay.
Sa loob ng siyam na taon bilang beneficiary ng EDM, marami akong natutunan—mula sa pagkilala sa sarili, pagiging lider, pagiging madiskarte, hanggang sa pagiging matalino sa pagdedesisyon. Sa pamamagitan ng mga activities tulad ng Big Game, sports activities, Christmas party, seminars, at summer camp, mas lalo kong natutunang mahalin ang sarili ko, maniwala sa aking kakayahan, maging responsable, at maging matatag sa bawat pagsubok sa buhay.
Grade 10 ako nang dumating ang pandemic. Malapit na sana akong magtapos ng Junior High School at umaasa akong makakaakyat sa entablado bilang honor student dahil talagang pinaghusayan ko ang aking pag-aaral. Ngunit ilang linggo bago matapos ang school year 2019–2020, dumating ang pandemya. Hindi kami nakapag-moving up nang face-to-face at hindi ko man lamang naisabit ang medalya na matagal kong pinaghirapan.
Malaki ang naging epekto ng pandemya sa akin. Mula sa nakasanayang face-to-face classes, bigla kaming napunta sa distance learning. Nawala ang nakasanayan kong buhay-estudyante—ang mahabang oras sa paaralan, practices para sa competitions, group projects, at iba pang school activities. Sa bahay na lamang ginagawa ang lahat at puro online na lamang ang pag-aaral.
Nahirapan akong mag-adjust at dumating pa sa punto na naisip kong huminto muna sa pag-aaral. Nagkaroon ako ng pagdududa sa sarili ko kung kakayanin ko pa ba. Nawalan ako ng focus at mas nalibang sa paglalaro ng online games. Ngunit noong Grade 12, muli kong pinili na magsikap dahil excited akong maabot ang kolehiyo. Unti-unti, bumalik ang sipag at determinasyon ko sa pag-aaral. Natutunan kong maging balanse sa buhay at humanap ng paraan upang makayanan ang mga pagsubok.
Hindi rin talaga ako pinabayaan ng Diyos dahil nang matapos ko ang Grade 12, nagtapos ako nang may karangalan. Naging inspirasyon ko ang aking nanay na kahit nasa langit na ay ramdam kong patuloy pa ring gumagabay sa akin. Gayundin ang aking pamilya na walang sawang sumusuporta, at ang EDM na nagbigay sa akin ng pag-asa at pagkakataong maipagpatuloy ang aking pag-aaral.
Pagkatapos ng aking Grade 12 graduation, nahirapan akong maghanap ng paaralang mapapasukan para sa kolehiyo. Dalawang paaralan ang sinubukan kong apply-an: ang Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology at Polytechnic University of the Philippines. Hindi man ako nakapasa sa PUP, nakapasa naman ako sa exam at interview sa EARIST. Kahit hindi ko nakuha ang kursong una kong gusto, masaya pa rin ako dahil nasa larangan pa rin ito ng engineering.
Nagsimula ang college life ko na online classes pa lamang. Ngunit noong second year college, nagkaroon na kami ng face-to-face classes kaya nagdesisyon akong mag-dorm malapit sa school. Doon ko mas na-appreciate ang buhay sa bahay dahil bilang dormer, ikaw talaga ang kikilos para sa sarili mo. Pagod ka na galing school pero kailangan mo pang maghanda ng kakainin at asikasuhin ang sarili mo. Dahil doon, pagkatapos ng isang semester ay bumalik na rin ako sa bahay.
Hindi rin naging madali ang araw-araw na biyahe ko mula Manila pauwi ng Quezon City. Madalas ay nakatayo ako sa bus mula pagsakay hanggang pagbaba. Sobrang traffic kaya ang isang oras na biyahe ay nagiging doble pa minsan. Natuto akong makipagsiksikan makasakay lang agad at makauwi sa bahay dahil may pasok ulit kinabukasan. Kapag 7:00 AM ang klase ko, kailangan 5:00 AM pa lang ay umaalis na ako ng bahay, at minsan ay nale-late pa rin. Kapag naiisip ko ngayon ang mga pinagdaanan kong iyon, natutuwa ako dahil kinaya ko at nalagpasan ko lahat.
Bukod sa traffic at pagod sa biyahe, isa rin sa pinakamalaking hamon ko ang hirap ng kursong kinuha ko. Noong first at second year college, kinakaya ko pa. Ngunit pagdating ng third year, doon ko unang naranasan ang bumagsak sa isang subject. Akala ko noon ay hindi na ako makaka-graduate on time at hindi ko makakasabay ang mga kaklase ko sa pagkuha ng On-the-Job Training (OJT). Pero nagpapasalamat ako dahil nabigyan pa rin ako ng pagkakataong makapag-OJT on time.
Sa OJT ko, marami akong natutunan tungkol sa magiging trabaho ko sa hinaharap. Kahit nakakapagod ang biyahe lalo na kapag rush hour, masaya pa rin ako dahil doon ko mas minahal ang field na pinili ko.
Hindi naging madali ang college life ko. Maraming breakdowns, maraming pagdududa sa sarili, at maraming gabi ng pag-iisip kung tama pa ba ang mga desisyon ko sa buhay. Madalas kong tanungin ang sarili ko kung tama ba ang kursong pinili ko at kung magiging masaya ba ako sa future sa field na ito. May mga araw na hindi ko alam kung paano ko maipagpapatuloy ang lahat—mga gabing kulang sa tulog dahil sa school works at reviews, tapos sasabayan pa ng breakdowns.
Hindi ko rin alam kung paano ko nalagpasan ang lahat ng iyon. Ang alam ko lang, isa ako sa mga taong patuloy na nagsho-show up kahit hindi okay. Patuloy akong lumalaban at naniniwalang matatapos din ang bawat problemang dumarating. Sa bawat bagsak na exams at quizzes, bawat iyak, at bawat kaba habang hinihintay ang grades sa portal—lahat pala ay magiging worth it sa huli.
Lahat ng tagumpay ko ay hindi ko makakamit nang mag-isa. Kasama ko ang pamilya ko, mga kaibigan ko, ang sponsors kong sina Mr. Laurent at Beatrice, at ang aking EDM family na walang sawang sumuporta hanggang sa matapos ko ang laban na ito.
Maraming salamat po sa inspirasyon, paggabay, at walang sawang paniniwala sa akin. Bahagi kayo ng tagumpay na ito. Wala ako rito kung hindi ninyo ako sinuportahan at pinaniwalaang kaya ko.
Maraming salamat din po kay Father Daniel sa pagpayag na ilipat sa akin yung scholarship ni kuya. Maraming salamat po father Dan sa pagdala ng EDM sa Laura squat, isa po ako sa mga natulungan niyo ng lubos. Maraming salamat po padre sa pagserve sa aming community nang ilang taon. Maraming maraming salamat po padre.
From being an adopted child to becoming one of the beneficiaries of Enfants Du Mékong—ngayong taon, magtatapos na ako at magiging engineer sa hinaharap.
Sobrang galing kumilos ng Diyos sa buhay ko.
All glory to God.
LESLIE JOY B. TUMBAGA
BS ELECTRICAL ENGINEERING
EARIST, Manila
BATCH 2026