01/09/2026
TINGNAN: Patuloy ang laban para sa hustisya sa TRANSCRIPT: Naming Transfemicide, Writing Justice Into Policy—programang inilunsad ng Society of Trans Women of the Philippines kasama ang UP Department of Women and Development Studies, UP Center for Women’s and Gender Studies, at International Trans Fund, sa Bulwagang Tandang Sora, College of Social Work and Community Development, Martes.
Layon ng programang pangalanan ang transfemicide bilang isyu ng dahas at diskriminasyon. Ani STRAP, banta sa pamumuhay ng mga trans woman, trans feminine, at iba pang gender diverse na mga indibidwal ang interseksyon ng iba-ibang porma ng marhinalisasyon.
Inilunsad sa pagtitipon ang Transfemicide in the Philippines: A Preliminary Academic, Media, and Policy Reference bilang isang dokumentong mapaghahalawan ng kaalaman at datos. Layon nitong tugunan ang transfemicide gamit ang mga adbokasiya ng legal na reporma, dokumentasyon at pananaliksik, proteksyong pangkomunidad, at suporta sa mga biktima.
Nagmula ang pag-aaral sa Project Kierra, isang nasyonal na inisyatiba ng STRAP. Primarya nitong panawagan ang agarang legal na aksyon at pagkilala mula sa mga midya, imbestigatibo, at gobyernong institusyon sa harap ng mga kasalukuyang pagkukulang sa polisiya at batas—lalo na sa isyu ng deadnaming at misgendering sa mga dokumento at estadistika.
107 na ang naitalang kaso ng pagpatay sa mga transpinay sa Pilipinas mula taong 2009 hanggang 2025, pinakamataas na bilang sa mga bansang ASEAN, ayon sa inisyatibang Trans Monitoring Project ng Trans Europe and Central Asia.
Tampok din sa programa ang mga panel discussion kasama ang mga sektor ng komunidad, lipunang sibil, gobyerno, at iba pang-institusyon upang masuri ang mga pagkukulang, rekomendasyon, at mga aksyong kailangang isagawa upang labanan ang transfemicide.
“Transfemicide [should] not remain merely a word used by us activists and people in this room,” ani Vashti Ortego, Executive Director of STRAP, sa kaniyang paunang salita. “We will continue to push that it would enter the vocabulary of our institutions [and] our legislatures to understand that transfemicide [should make us] revisit laws on violence against women.”
Mga kuha nina Khyra Samoranos at Theodore Atienza