11/01/2022
90% NG MGA BATANG PILIPINO, HINDI MARUNONG MAGBASA AT UMUNAWA NG BABASAHIN; GATCHALIAN SINUSULONG ANG MABILISANG REPORMA SA EDUKASYON
Ayon sa isang ulat ng World Bank, 9 sa 10 batang Pilipinong may edad na sampung taong gulang ay hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng kwento.
Higit pa roon, tinatayang dalawampung (20) porsyento lamang ng mga sambahayan sa bansa ang naaabot ng distance learning. Ito ang pinakamababang porsyentong naitala sa mga bansang saklaw ng ulat.
"Nakakabahalang malaman na siyam sa bawat sampu sa ating mga kabataang may edad na sampu ang hindi nakakapagbasa, lalo na't nagsisilbi itong pundasyon ng kanilang kakayahan. Kung hindi natin ito matutugunan, lalong mapag-iiwanan ang ating mga kabataan," ani Win Gatchalian.
Para kay Gatchalian, ipinapakita ng ulat na dapat bigyang prayoridad ang pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes. Dapat din aniyang magdagdag ng mga pilot schools imbes na hintayin ang nakatakdang pagpapalawig ng dry run sa Marso ng susunod na taon. Kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan, ipinapanukala ni Gatchalian ang pagkakaroon ng learning recovery program na magpapabilis ng paghabol ng mga estudyante sa mga mahahalagang asignatura.
Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon na dapat ay makatutulong sa lahat ng mamamayang Pilipino.