17/09/2026
MAYAMAN SA PANGARAP. 🎓
“Ako ay pinanganak na mahirap, ngunit lumaking mayaman sa pangarap.”
Mula sa almusal na kanin, tubig, at asukal hanggang sa pagtatapos bilang Summa Cum Laude, pinatunayan ni John Kennedy Quitor na hindi kailangang maging madali ang simula upang maging matagumpay ang dulo.
Anak ng isang construction worker at housewife, lumaki si John na kapos sa maraming pangangailangan sa pag-aaral. May mga pagkakataong hindi kumpleto ang kanyang school supplies, kulang ang pera para sa mga proyekto, at umaasa siya sa kanyang mga tiyahin para sa baon at pamasahe. Dumaan din ang kanilang pamilya sa pagkakasakit ng kanyang ama at patuloy na pagkakautang.
“Dumating pa sa punto ng aking buhay na ang almusal ko ay kanin na may tubig at asukal para lamang magkaroon ng laman ang tiyan bago pumasok sa paaralan.”
Hindi rin Enverga University ang una niyang planong pasukan dahil alam niyang mahihirapan ang kanilang pamilya sa gastusin. Ngunit nagbukas ang pagkakataon nang maging tutor siya ng tatlong magkakapatid, kung saan kumikita siya ng ₱8,000 kada buwan—₱3,000 para sa transportation at ₱5,000 para sa tutorial services. Dito nagsimula ang buhay niyang tutor sa umaga at estudyante sa gabi.
Nang hindi na naging sapat ang kita sa pagtuturo, nagpatuloy siyang humanap ng paraan. Naging full scholar, student assistant sa Principal’s Office, tutor, assistant, at cashier habang tinatapos ang kanyang Bachelor of Secondary Education major in Mathematics.
Sa kabila ng trabaho at responsibilidad, nanatili siyang consistent university scholar. Nagtapos siya na may GWA na 1.07 bilang Summa Cum Laude at kinilalang Top 1 Outstanding Graduating Student 2026, Student Teacher of the Year, recipient ng Award of Excellence in Teacher Education Research, Leadership Award, at iba pang pagkilala sa academics, research, teaching, at student leadership.
Ngunit para kay John, higit sa medalya at titulo ang kanyang pagtatapos. Pangarap niyang maging g**o para sa mga estudyanteng katulad niyang nagmula sa simpleng pamilya ngunit may malalaking pangarap.
“I stand here as living proof that an ordinary student can achieve extraordinary things.”
At para sa kanyang mga magulang, ang pagtatapos na ito ay katuparan din ng pangarap na hindi nila nagawang abutin noon:
“Ma, Pa, nakatapos na ako… Kaya ito ako, ako na tutupad sa mga pangarap ninyo.”
Mula sa kanin, tubig, at asukal hanggang Summa Cum Laude, dala ni John ang patunay na ang kahirapan ay maaaring maging bahagi ng kuwento—ngunit hindi nito kailangang maging katapusan ng pangarap.
Padayon, Future G**o ng Bayan. 🇵🇭🎓