22/06/2026
Si Rubelyn S. Abello ay 28 taong gulang mula sa Barangay Bahile, Puerto Princesa City. Sa murang edad pa lamang ay naranasan na niya ang isang matinding pagsubok sa buhay na nagbago sa kanyang kinabukasan.
Noong taong 2006, sa edad na siyam na taon, naaksidente si Rubelyn at nagtamo ng 3rd degree burn na umabot sa halos 60 porsyento ng kanyang balat. Dahil dito, siya ay naging bedridden sa loob ng halos siyam na taon at kinailangan ng mahabang panahon ng gamutan na umabot ng mahigit pitong taon, kabilang ang isang taong pananatili niya sa Philippine General Hospital.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, hindi siya tuluyang sumuko sa pangarap na makapag-aral. Sa kaniyang pagsisikap, naging posible para sa kanya na magpatuloy sa pag-aaral. Natapos niya ang Grade 1 hanggang Grade 10 sa pamamagitan ng modular learning program ng Laura Vicuรฑa Foundation sa Barangay Macarascas. Sa kabila ng kanyang kondisyon, ipinagpatuloy niya ang kanyang edukasyon hanggang senior high school sa Bahile National High School.
Sa kasalukuyan, si Rubelyn ay incoming 4th year student sa Palawan State University โ San Rafael, kung saan kumukuha siya ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship major in Agribusiness. Sa gitna ng kanyang pag-aaral, natutunan din niyang maghanapbuhay. Siya ay nagsasaka, nag-aalaga ng hayop, at nagnenegosyo sa pamamagitan ng online selling. Ang kanyang kita ay ginagamit niya para sa kanyang pag-aaral, gastusin ng kanilang pamilya, at upang makapag-ipon.
Malaking bahagi rin ng kanyang pagbangon ang tulong ng CSWDO na nagbigay sa kanya ng financial at medical assistance, counseling at psychosocial support, home visitation, monitoring, pati na rin ang referral sa ibang ahensya para sa kanyang edukasyon at mga kinakailangang kagamitan tulad ng wheelchair.
Para kay Rubelyn, mahalaga ang patuloy na pag-asa at pagtitiwala sa sarili. Ang kanyang mensahe sa mga taong dumaranas ng kaparehong pagsubok ay simple ngunit makapangyarihan: huwag mawalan ng pag-asa.
Sa hinaharap, pangarap niyang makapagtrabaho sa isang ahensyang pang-agrikultura at higit pang mapalago ang kanyang maliit na negosyo.
Ang kanyang kwento ay patunay na kahit gaano kabigat ang dinanas na pagsubok, posible pa ring makabangon at makapagpatuloy sa buhay.