20/08/2026
“Mahirap mahalin ang bayang maraming dahilan upang ito'y talikuran—ngunit doon nasusukat ang tunay na pagmamahal.” 🇵🇭
Sa panahon ngayon, tila mas mahirap nang mahalin ang Pilipinas dahil sa samot-saring suliraning kinahaharap ng ating bansa. Sa pagdiriwang natin ng Araw ni Ninoy Aquino ngayon, alalahanin natin ang isang Pilipino na nanatiling tapat sa bansa kahit may takot at panganib.
Si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ay nagpakita ng tunay na pagmamahal sa bayan. Hindi lamang ito sa salita, kundi sa kaniyang tapang at dakilang sakripisyo.
Maaaring lumipas na ang panahon at bahagi na lamang ng mga pahina ng kasaysayan at mga lumang dyaryo ang kaniyang kuwento, ngunit ang diwa ng kaniyang pagmamahal sa Pilipinas ay hindi kailanman dapat maglaho.
Sa kaniyang paninindigan, ipinakita niyang ang tunay na pagmamahal sa bayan ay hindi sinusukat o nakikita sa panahong magaan ang lahat, kundi sa tapang na manatili sa panig ng tama kapag kay bigat nang maniwala at umasa.
Sapagkat ang bayan ay hindi lamang minamahal kapag maayos ang kalagayan nito bagkos higit itong nangangailangan ng pagmamahal kapag ito ay sugatan at nangangailangan ng pagbabago.
Sa paggunita natin ng Araw ni Ninoy Aquino, nawa’y magsilbi itong paalala na ang pagmamahal sa bayan ay hindi nagtatapos sa pag-alala sa mga bayani. Ito ay nagpapatuloy sa bawat Pilipinong may malasakit, may tapang na magsalita, at may paninindigang gumawa ng tama.
Maaaring marami tayong dahilan upang mawalan ng pag-asa, ngunit hangga’t may mga Pilipinong patuloy na naniniwala at kumikilos para sa bayan, hindi pa huli ang lahat.
Sapagkat ang pagmamahal sa bayan, gaano man ito katanda, ay hindi kailanman naluluma—at ang Pilipinas, sa kabila ng lahat, ay mananatiling bayang karapat-dapat mahalin, pangalagaan, at ipaglaban. 💚📖