25/02/2025
𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠 | 𝐄𝐃𝐒𝐀 39: 𝐁𝐢𝐧𝐚𝐛𝐚𝐠𝐨𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐬𝐚𝐲𝐬𝐚𝐲𝐚𝐧, 𝐓𝐢𝐧𝐚𝐭𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐥 𝐀𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐥𝐚𝐲𝐚𝐚𝐧
ni Kent Nadrick P. Togonon
Kay rami ng naghintay ngunit suspension ay 'di binigay.
Ngayong araw, Pebrero 25, 2025, ay nakatakdang ganapin ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na mistulang "dinedma" naman ni Pangulong Marcos. Ngunit 'di lang siya ang nanahimik, maging ang mga pulitiko, gobyerno, at ang mga paaralan at unibersidad na dapat nangunguna sa pagbibigay ng boses sa mamamayan para sa araw na ito.
EDSAan na nga ba ang pinangakong kalayaan? Tila ba'y binubura na nila ang kasaysayan.
Matatandaang tinanggal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon ang EDSA People Power Revolution bilang holiday sa bansa, isang aksyong kinakitaan ng karamihan bilang paraan niya upang baguhin ang nakaraan. Hindi na ito bago, simula't sapul, 'yan naman ang kaniyang gusto. Linisin ang pangalan ng kaniyang pamilya at tanggalin sa kanilang kamay ang bahid ng dugo.
Subalit kahit anong kuskos, gumamit man ng tubig at sabon, ang bahid ng p**a ay mananatili hangga't hindi sila nananagutan sa lahat ng ginawang karahasan. Sa katunayan, tinatayang mayroong 3,257 ang namatay, 35,000 na tortyur at 70,000 na nabilanggo sa loob ng diktaduryang Marcos.
Isang balintuna kung maituturing, ang bansang siyang nagpatalsik sa Marcos ay pinamumunuan na ng anak nito.
Aktibismo ang bumuhay sa diwa ng paghihimagsik, ang lumaban para sa kasarinlan. Ngunit paano kung ang mga lumulan at tagahalili ng mamamayan ang siyang nanahimik?
Nakatutuwa na ilan sa mga paaralan ay nagsuspende ng klase upang gunitain ang anibersaryo sa kabila ng pananahimik ng pangulo rito subalit nakalulungkot dahil ilan naman sa mga nangungunang unibersidad ay nagkibit-balikat lamang. Hindi mo aakalaing ang nagluwal ng mga edukado't edukada, mga aktibista, mga iskolar ng bayan na inaasahang manguna sa pagbibigay suporta ay mananahimik sa isang bagay na dapat ay bokal sila.
Hindi ko mawari na ang bagay na nagbigay sa akin at sa bawa't isa ng kalayaang maghayag at kumilos ay tinatanggalan ng importansya. Hindi natin nililimot ang kasalanan ng mga Aquino ngunit sino nga ba tayo kung wala ang demokrasyang natamo natin dahil sa kanila?
Nagmistulang apoy sa isang ilawan ang ating kasaysayan. Kapag pinabayaan itong lumagablab, nagbibigay ito ng liwanag upang ating makita ang katotohanan at maiwasan ang pagkakaulit ng mga maling desisyon. Ngunit kung may isang kamay na pilit na hinahawi ang liwanag nito—tinatakpan o pinapatay—unti-unti tayong binabalik sa dilim ng kamangmangan at kasinungalingan.
May mga taong nais na patayin ang ilawan ng EDSA—ginugupo ito ng katahimikan, kinukulayan ng ibang kwento, at tinatanggalan ng halaga. Ngunit nasa atin ang kapangyarihang muling sindihan ito. Hindi kailangan ng pahintulot ng sinuman upang ipagpatuloy ang pag-alala, pagtindig, at paglaban para sa kalayaan.
Kung hindi ang pangulo, kung hindi ang gobyerno, at kung hindi ang mga paaralan at unibersidad, tayong mga mamamayang Pilipino ang magsasalita at kikilos para sa kalayaang tinatamo. Huwag nating kalimutan na ang diwa ng People Power Revolution ay wala sa gobyerno ngunit nasa lakas ng taong naghimagsik laban sa kalupitan ng diktadurya.
Alalahanin. Buhayin. Makibaka. Kumawala sa Tanikala.
🖼️: Florence Hilary B. Inot
📷: ABS-CBN News