26/07/2026
𝗢𝗣𝗜𝗡𝗬𝗢𝗡 | Huwag Kang Mauhaw
Ikaw ang unang nagbantay sa kabundukang ito. Bago pa natutong magtayo ng mga lungsod ang tao, alam na ng iyong mga ninuno kung paano makinig sa agos ng ilog, kung paano alagaan ang punong nagbibigay-lilim, at kung paano igalang ang lupang hindi kailanman maaaring angkinin, sapagkat ang tao ay panauhin lamang dito.
Ngunit ngayon, habang pinagmamasdan mo ang sapa na unti-unting natutuyo at ang mga batong dati'y nalulunod sa malinaw na tubig ay lantad na sa ilalim ng araw, hindi mo maiwasang itanong, sino ba talaga ang umuunlad kung ikaw ang patuloy na nauuhaw?
Huwag kang mauhaw.
Sinasabi nilang Pax Silica ang pangalan ng bagong bukas. Pangalan ng kapayapaan. Pangalan ng pag-unlad. Pangalan ng teknolohiyang mag-aangat umano sa isang bansa. Ngunit paano magiging kapayapaan ang isang pangakong nagsisimula sa pag-agaw? Paano magiging pag-unlad ang liwanag ng milyun-milyong screen kung ang unang kapalit nito ay ang pagkatuyo ng mga bukal na bumuhay sa iyong pamayanan sa loob ng maraming salinlahi?
Huwag kang mauhaw.
Sapagkat ito ang katotohanang bihira nilang isulat sa makikinang nilang presentasyon. Ang mga pasilidad sa paggawa ng semiconductor ay nangangailangan ng napakalaking dami ng ultra-pure water araw-araw—umaabot sa milyun-milyong galon upang linisin at iproseso ang bawat silicon wafer na magiging utak ng mga telepono, sasakyan, at artipisyal na katalinuhan.
Bagamat walang makinang lumilikha ng tubig. Ang bawat patak ay kinukuha sa mga ilog, watershed, at kabundukang matagal mo nang pinangangalagaan. Kaya habang mas lumalakas ang ugong ng mga planta, mas humihina ang agos ng sapang pinaghuhugasan mo ng paa. Habang lumalamig ang kanilang mga server, mas umiinit ang lupa sa ilalim ng iyong mga talampakan.
Huwag kang mauhaw.
At kapag ang ilog ay nagsimulang mawalan ng tinig, hindi lamang tubig ang nawawala. Kasama nitong nalalanta ang palay, ang halamang-gamot, ang isdang dating sumasabay sa agos, at ang mga batang kailangang maglakad nang kilometro upang makapag-uwi lamang ng isang timba ng malinis na tubig.
Habang ang mga dambuhalang planta ay walang humpay na sumisimsim sa natitirang dugo ng kabundukan, ikaw nama'y nilulunok ng alikabok at siphayo. Hindi ito simpleng kakulangan sa tubig. Isa itong mabagal na pagkitil sa isang pamayanang ang tanging kasalanan ay ang pagiging tagapagbantay ng kalikasan.
Huwag kang mauhaw.
Minsang sinabi ng isang matandang pinuno ng inyong pamayanan, "Pinapatay ninyo kami nang walang tunog sa bawat patak ng tubig na ninanakaw ninyo para sa inyong mga screen." Hindi iyon tayutay. Hindi iyon pagmamalabis. Sapagkat paano mo tatawaging buhay ang isang komunidad na unti-unting inaalisan ng karapatang uminom, magtanim, at mabuhay sa lupang minana nila hindi sa papel, kundi sa kasaysayan?
Ang mga monitor sa siyudad ay maaaring kumislap sa malinaw na resolusyon, ngunit ang iyong balintataw ay unti-unti nang natatakpan ng alikabok mula sa lupang dating luntian.
Huwag kang mauhaw.
Ito ang pinakamalaking kasinungalingan ng tinatawag nilang Pax Silica. Ang kapayapaang ipinapangako nila ay kapayapaan lamang para sa merkado. Para sa mga korporasyong naghahabol ng mas mabilis na chip, mas malaking tubo, at mas makapangyarihang teknolohiya.
Ngunit para sa iyo, ang kapayapaang iyon ay tunog ng makinang walang tigil sa pagsimsim ng huling patak ng iyong ilog. Isa itong huwad na liwanag na nagniningning lamang dahil may isang pamayanang unti-unting inilulubog sa dilim.
Huwag kang mauhaw.
Kaya huwag mong hayaang maging normal ang pag-agaw na tinatawag nilang progreso. Huwag mong hayaang ang ancestral domain ay maging lupaing nakamapa lamang para sa pagmimina, imprastraktura, o industriya habang ang mga tunay na nag-alaga rito ay itinutulak palayo. Ang teknolohiya ay maaari sanang maging kasangkapan ng sangkatauhan, ngunit sa sandaling kailangan nitong uminom mula sa lalamunan ng pinakamahihirap upang manatiling buhay, hindi na ito pag-unlad. Isa na itong pagnanakaw na binihisan ng magagandang salita.
At kung tunay na may kapayapaang dapat ipaglaban, hindi iyon ang kapayapaang itinatayo sa ibabaw ng tuyong sapa at uhaw na bata. Ang tunay na kapayapaan ay nagsisimula sa paggalang sa tubig, sa lupaing ninuno, at sa mga taong unang tumindig bilang bantay ng kalikasan. Sapagkat ang ilog na ipinaglalaban mo ay hindi lamang para sa iyong pamayanan. Ito ang ilog na balang araw ay kakailanganin din ng isang bansang patuloy na nalilinlang ng huwad na liwanag ng silica.
Huwag kang mauhaw.
sinulat ni AC Milan
dibuho ni Ahllanis Manzo