13/10/2021
Something to ponder. Remember this story 🥰
Natuto si Zero
Ni: Gracia
Lahat ay masaya maliban kay Zero. Buong buhay niya laging kalungkutan ang nadarama niya dahil sa iniisip niya na siya ay isang aksidente lamang at walang halaga sa mundo. "Mabuti pa ang pera may halaga pero ako wala. Zero na nga pangalan ko tapos ganito pa ang buhay ko! Bakit ako pa?! Buti pa mga iba di gaya ko puro kamalasan. May asenso sila at may halaga samantalang ako, ito walang-wala.", lungkot na lungkot na sinabi ni Zero.
Isang gabi, siya ay nanaginip. "Huwag kang matakot Zero, ako si Number Line. Huwag ka nang malungkot. Alam ko na mabuti ka pero kulang ka lang ng tiwala sa sarili mo. Lagi mong nakikita ang iba pero sa mismong sarili mo ay nakapikit ang iyong mga mata.", masiglang sabi ni Number Line. "Halika at may ipapakita ako sa iyo." , dagdag na sabi niya. Gumuhit si Number Line ng isang mahabang linya at hinati ang mga ito. Pagkatapos, kanya itong pinangalanan ng mga numero. "Ano po yan?, tanong ni Zero.
"Nakikita mo yan? Ikaw yan. Zero, huwag mo isipin na hindi ka mahalaga. Kasi kung wala ka wala rin ang mga negative at positive numbers. Ikaw ang point of origin, Zero. Ikaw ay nag-iisa at katangi-tangi." Biglang pumatak ang mga luha ni Zero. Samantala, naglabas si Number Line ng isang libong piso. "Nakikita mo ba ang mga zero diyan? Bilangin mo nga.", ani ni Number Line. "Tatlo po!," wika ni Zero habang umiiyak. "Hindi mabubuo ang 1000 kung wala yang tatlong zero na yan. Lahat ng bagay ay may rason kaya huwag mong ibaba ang sarili mo dahil espesyal ka, Zero. You are unique. You are fearfully and wonderfully made by God. Alam mo ang dapat mong gawin? Magtiwala at maghintay ka lang sa tamang pagkakataon. Ngayon siguro ay walang-wala ka pero tibayan mo lang ang iyong pananalig kay Hesus.", sabi ni Number Line at niyakap niya si Zero.
"Maraming salamat Number Line sa mga encouragements mo. Ngayon napagtanto ko na marami pala akong magagawa sa buhay. Di dapat ako mawalan ng pag-asa kasi sa mundong ito talagang ibababa ako nito. Tama ka nga, siguro sa ngayon laging nasa baba ako pero may tamang panahon na ilalaan sa akin si Hesus sa buhay kong ito. Sa sobrang self-pity ko hindi ko nakita yung ganda ng buhay na ito. Salamat talaga!.", muling winika ni Zero.
Biglang nagising si Zero nang may luha sa mga mata. Siya ay nanalangin at pinuri ang kadakilaan ni Hesus. Magmula noon, lagi nang masaya si Zero at natutunan na magtiwala sa kanyang sarili at lalung-lalo na kay Hesus.