31/07/2026
❤
𝐁𝐀𝐆𝐎𝐍𝐆 𝐃𝐀𝐋𝐀𝐖𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐋𝐀𝐏𝐀𝐆 𝐍𝐀 𝐆𝐔𝐒𝐀𝐋𝐈, 𝐏𝐈𝐍𝐀𝐒𝐈𝐍𝐀𝐘𝐀𝐀𝐍 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐍𝐆𝐆𝐀𝐇𝐀𝐍 𝐄𝐋𝐄𝐌𝐄𝐍𝐓𝐀𝐑𝐘 𝐒𝐂𝐇𝐎𝐎𝐋
Ulat ni Mylene Ponciano
Pormal nang pinasinayaan ang bagong dalawang palapag na gusali ng Manggahan Elementary School sa Brgy. Mapaet, Palayan City, isang proyektong naglalayong magbigay ng mas ligtas, komportable, at angkop na kapaligiran sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ang proyekto ay pinondohan sa pamamagitan ng Provincial School Board Fund at naisakatuparan sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Aurelio “Oyie” Umali, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa lalawigan.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, ang bagong gusali ay hindi lamang karagdagang pasilidad kundi isang lugar kung saan mahuhubog ang kaalaman, pangarap, at kinabukasan ng mga kabataan.
Dumalo rin sa turnover at ribbon-cutting ceremony sina Bise Gobernador Lemon Umali, mga kinatawan ng Federation of Parents-Teachers Association (FPTA), School Governing Council (SGC), mga classroom sponsor, at iba pang panauhin na nagpahayag ng kanilang suporta sa proyekto.
Nagpasalamat din ang paaralan kay District Supervisor Alex F. Mantile, PhD, at School Principal II Cristine F. Umali, PhD, sa kanilang pamumuno at patnubay upang matagumpay na maisakatuparan ang proyekto.
Ayon sa pamunuan ng Manggahan Elementary School, ang bagong gusali ay sumisimbolo sa pagkakaisa, dedikasyon, at malasakit ng pamahalaan at komunidad para sa kapakanan ng mga mag-aaral. Ipinakita rin nito na sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan, mas maraming oportunidad ang maibibigay sa susunod na henerasyon. # # # # #