08/10/2026
𝗝𝗗𝗩𝗣 𝗢𝗥𝗜𝗘𝗡𝗧𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗔𝗧 𝗕𝗣𝗦𝗛𝗦 𝗣𝗔𝗥𝗧𝗡𝗘𝗥𝗦𝗛𝗜𝗣, 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗚𝗨𝗠𝗣𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗜Ñ𝗔𝗡 𝗣𝗔𝗚𝗦𝗔𝗡𝗝𝗔𝗡 𝗦𝗘𝗡𝗜𝗢𝗥 𝗛𝗜𝗚𝗛 𝗦𝗖𝗛𝗢𝗢𝗟
Isinagawa ngayong hapon, Oktubre 6, 2026, ganap na ika-2:00 ng hapon, ang oryentasyon para sa Joint Delivery Voucher Program (JDVP) sa Biñan Pagsanjan Senior High School (BPSHS) sa pakikipagtulungan sa Adao Learning Institute Inc.
Pinangunahan ng Punong-Guro na si Dr. Elsa L. Gabriel ang aktibidad kasama ang Class Adviser na si G. Ronnel S. Rea, kung saan 10 mag-aaral ng Electrical Installation and Maintenance (TVL-EIM) mula sa pangkat na Volta ang opisyal na sasailalim sa nasabing pagsasanay.
Nakiisa at nagbigay ng mahahalagang detalye hinggil sa programa sina John Aries Lisano at G. Rodel mula sa Adao Learning Institute Inc. Ibinahagi nila sa mga mag-aaral at sa kanilang mga magulang ang mga alituntunin, benepisyo, iskedyul, at ang takbo ng pagsasanay sa ilalim ng JDVP.
Sa pamamagitan ng programang ito ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), ang 10 piling mag-aaral sa Baitang 12 ay makatatanggap ng tulong upang makapag-aral at makapagsanay sa mga akreditadong teknikal na institusyon gaya ng Adao Learning Institute Inc. Layon nitong mas mapalawak at mapataas ang antas ng kanilang praktikal na kasanayan sa larangan ng EIM bago sila opisyal na makatapos ng Senior High School.
Binigyang-diin sa oryentasyon ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamunuan ng paaralan, ng partner institution, at ng mga magulang upang matiyak ang tagumpay ng mga mag-aaral sa kanilang pagsasanay. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na magtanong hinggil sa assessment at iba pang kaukulang rekwirement ng programa.
Nagwakas ang aktibidad nang may positibong pagtugon mula sa mga mag-aaral at magulang na handang suportahan ang hakbang na ito para sa mas magandang kinabukasan ng mga kabataan.