18/08/2026
𝐒𝐏𝐎𝐑𝐓𝐒 𝐍𝐄𝐖𝐒 | 𝗚𝘂𝗮𝗿𝗱𝗶𝗮𝗻 𝗼𝗳 𝗛𝗼𝗽𝗲, 𝟴-𝗦𝘁𝗮. 𝗜𝘀𝗮𝗯𝗲𝗹, 𝗜𝘁𝗶𝗻𝗮𝗻𝗴𝗵𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗠𝗴𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗴𝗸𝗮𝗹𝗮𝗵𝗮𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗺𝗽𝗲𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝗦𝗜𝗚𝗟𝗔𝗞𝗔𝗦𝗔𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟲
Itinanghal na kampeon ang Guardian of Hope, na naghakot ng 496 na pangkalahatang puntos mula sa kompetisyon sa elementarya, samantalang ang Sta. Isabel mula sa ika-8 na baitang naman ay nagsungkit ng 334 na puntos sa sekondarya at nagkamit ng titulong kanilang pinakahihintay.
Kahapon, ika-17 ng Agosto, sa Holy Family Academy of Padre Garcia, Batangas, Inc., idinaos ang pagbibigay-parangal sa pangkalahatang kampeon ng elementarya at sekondarya sa SIGLAKASAN 2026. Isinagawa ang programang ito upang mabigyan ng pagkilala ang mga grupo na nagpakita ng kanilang natatanging kagalingan sa isports, na mayroong palabang diwa ng isang Marelliano at lakas ng isang Josepino. Matapos ang pagpapamalas ng kahusayan ng Familians sa paglalaro sa loob ng anim na araw, kanilang napagtagumpayan ang huling araw ng kompetisyon.
Sa pangalawang puwesto, ang Guardian of Love ng elementarya ay nagbulsa ng 489 na puntos, at ang San Jose sa ika-10 na baitang sa sekondarya naman ay nakapagtala ng 322 na puntos mula sa kompetisyon.
Ang Guardian of Faith naman ang nag-uwi ng 450 na puntos at ikatlong pwesto sa elementarya. Sa kabilang dako, ang Santa Maria mula sa ika-8 na baitang naman ay nagkamit ng 310 na puntos sa sekondarya.
Ang mga larong pinangunahan ng Guardian of Hope ay ang panlalaking kategorya ng Basketball sa Key Stage (KS) 1 at KS 2, ang pinaghalong kategorya ng Volleyball sa KS 2, ang pambabaeng kategorya ng Badminton sa KS 2, ang panlalaking kategorya ng Chess sa KS 2, at ang panlalaking kategorya ng 50m Dash sa KS 2. Ipinamalas din ng Guardian of Hope ang kanilang husay sa Obstacle Course at Tug of War sa KS 1, Egg and Spoon Race, Blow the Cup, Ring Toss, at Tire Race.
Binigyang-pahalaga rin ang mga seksyon na nagkamit ng pang-apat hanggang panglabintatlong pwesto. Ang nagkamit ng pang-apat na puwesto at 300 na puntos ay ang San Juan Pablo II mula sa ika-12 na baitang. Habang ang nagkamit ng panglimang puwesto, na may 294 na puntos, ay ang San Marcos mula sa ika-9 na baitang.
Sumunod naman ang San Agustin ng Hippo mula sa ika-12 na baitang sa pang-anim na puwesto, na mayroong 290 na puntos. Ang Santo Tomas de Aquino mula sa ika-12 na baitang naman ang pumasok sa ika-pitong puwesto na may 288 na puntos. Ang nagsungkit naman ng 282 na puntos ay ang Santa Clara ng Assisi mula sa ika-11 na baitang na nasa ikawalong puwesto.
Sa ikasiyam na puwesto naman ay ang San Mateo mula sa ika-9 na baitang, kasama ang kanilang 279 na puntos. Ang San Lorenzo Ruiz naman mula sa ika-7 na baitang ay nakatamo ng ikasampung puwesto at 236 na puntos.
Sa Santa Catalina ng Siena naman napunta ang parangal na panglabing-isang puwesto na may puntos na 231. Ang nakatanggap naman ng ikalabindalawang puwesto, na may 215 na puntos, ay ang Sta. Madre Teresa ng Calcutta mula sa ika-11 na baitang. Ang San Jose Marello mula sa ika-12 na baitang naman ay nag-angkin ng 211 na puntos at panglabintatlong puwesto.
Ipinamalas ng bawat Familian ang kanilang husay, determinasyon, pagkakaisa, at palaban na diwa sa buong SIGLAKASAN 2026. Sa bawat laro at kompetisyon, naging mahalagang bahagi ang kanilang kasiglahan at pagtutulungan sa sama-samang paghubog ng kasanayan at diwang Marelliano at lakas Josepino.
🖋️: 𝗧𝗵𝗲 𝗙𝗼𝗼𝘁𝗽𝗿𝗶𝗻𝘁𝘀 (Trystan Jacob R. Beleno)
📷: 𝗧𝗵𝗲 𝗙𝗼𝗼𝘁𝗽𝗿𝗶𝗻𝘁𝘀
💻: 𝗧𝗵𝗲 𝗙𝗼𝗼𝘁𝗽𝗿𝗶𝗻𝘁𝘀