23/01/2025
SANDATA TUNGO SA KUMIKINANG NA PANGARAP
- Venice C. Garcia
Sa pagmulat ng dalawang mata, maaaninag ang araw na nakadungaw sa bintana ng aking munting kwarto. Araw na kay layo tulad ng pangarap na malayo ko pang marating. Pangarap na maging isang manunulat, sumisilip at ang dulot nitong init ay nagbibigay liwanag at ginhawa sa pakiramdam upang sungkitin at abutin ang inaasam na pangarap.
Sa pagpatak ng alas siete ng umaga, bitbit ay tanging pangarap tungo sa tahanan ng kaalaman. Unang hahanapin ang upuang nagtiyatiyaga sa aking bigat sapagkat alam niyang ang bitbit ko ay ang aking pangarap na maging isang manunulat. Hindi lamang pangkaraniwan kundi isang manunulat na nagbibigay halimbawa at inspirasyon. Sa kalagitnaan ng aking pagsusulat, ang munti kong sandata, ang aking panulat ay tila napagod na at ayaw magpatuloy pa. Naubos ang tinta kaya pala. Bago ito pakawalan ay nagbabadya ang mga luhang mahulog dahil hinihila ako ng ala-alang naging karamay ko ang panulat na ito noong ako paβy nagsisimulang mangarap. Ngunit kasabay ng pagdaloy ng luhaβy alam ko sa puso ko na ang panulat kong naubos ang tinta ay siyang bumuo ng tulay upang marating ang dulo ng aking pangarap.
Ang pangarap na maging isang manunulat ay masalimuot na paglalakbay. Ngunit sa tulong ng mga naubos ang tintang panulat at mga upuang ngayon ay pasuray-suray na, nabigyan ako ng dahilan upang magpatuloy. Ang dalawang bagay na ito ang mga sandata na umagapay at aagapay sa akin tungo sa kumikinang na pangarap.