21/03/2026
May mga taong hindi lang basta nagtuturo ng leksyon. Sila ang mga g**o na nagsisilbing ilaw sa gitna ng kalituhan, gabay sa gitna ng pagod, at inspirasyon sa gitna ng takot at pangamba. Walang landas ang maituturing na madali. May mga araw na puno ng pagsusulit, may mga oras na tila walang katapusan, at may mga pagkakataong mahirap makasunod sa klase. pero sa bawat hakbang, naroroon sila. Handang tumulong, magpaliwanag, at magbigay ng lakas ng loob.
Maraming natutunan sa kanila, hindi lang tungkol sa agham, matematika, o wika, kundi tungkol din sa disiplina, tiyaga, at pananagutan. Sa bawat tanong na tinutulungan nilang sagutin, sa bawat pagkakamaling pinapahintulutan nilang maitama, at sa bawat tagumpay na ipinagdiriwang nila kasama ang buong klase, unti-unti itong nagiging pundasyon ng aming pag-unlad. Ang mga g**o ang aming mga haligi na sa kabila ng init, pagod, puyat, at hamon, nananatili pa rin silang matibay at handang sumuporta.
Ngunit tulad ng lahat ng yugto, dumarating ng panahon na kailangan nating magpaalam. Hindi ito palaging madaling tanggapin, lalo na kapag naging bahagi sila ng bawat araw, ng bawat tawa, ng bawat tagumpay at pagkatalo. Pero sa kabila ng paalam, nananatili ang kanilang aral, inspirasyon, at ang mga payo na hindi kailanman mawawala.
Sa inyo, aming mga g**o, maraming salamat sa walang sawang paggabay at paggising ng aming kakayahan. Kahit maghiwalay na ang landas natin, dala namin ang inyong lakas, tapang, at dedikasyon. Sa bawat bagong hamon na haharapin namin, kaakibat namin ang inyong paniniwala sa amin. Ang bawat tagumpay na maaabot namin ay patunay na mananatili kayong bahagi ng aming kwento, at ang inyong mga aral ay mananatiling buhay sa aming mga puso.
โ๐ป: Lourdes Momongan - Auditor
๐ผ๏ธ: Kirsten Chloe Narito - Vice President