02/09/2026
Sa bawat salita, may tinig. Sa bawat tinig, may diwa.
Sa pagdampi ng huling araw ng pagdiriwang, marahan nating isinasara ang isang makulay at makabuluhang kabanata ng pagdiriwang sa Pampinid ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026. Sa loob ng ilang araw, ang paaralan ay naging tanghalan ng talino, talento, pagkamalikhain, kultura, at pagkakaisa. Higit sa mga paligsahan at gawain ay naging pagkakataon ang pagdiriwang upang muling kilalanin ang wikang Filipino bilang buhay na bahagi ng ating pagkatao. Ito ay isang wikang hindi lamang ginagamit sa pakikipagtalastasan bagkus nagsisilbing sisidlan ng ating kasaysayan, kultura, damdamin, at mga pangarap.
Sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” binigyang-diin natin ang mahalagang ugnayan ng wika at teknolohiya sa makabagong panahon. Sa mundong mabilis na umuunlad dahil sa Artificial Intelligence ay mariin nating ipinakita ng pagdiriwang na maaaring gamitin ang makabagong teknolohiya bilang kasangkapan sa pagtuklas at pagpapalawak ng kaalaman habang nananatiling mahalaga ang sariling wika bilang tulay sa pag-unawa at makabuluhang paggamit ng impormasyong ating natatanggap.
Noong Agosto 25 araw ng Martes, sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng mga gawain at palarong inihanda ng mga koordineytor at SSLG sa ika-12 baitang. Sa bawat laro, tawanan, at pakikilahok, muling nabuhay ang diwa ng pagkakaisa at pakikipagkaibigan. Ipinakita rin dito na ang kultura ay hindi lamang matatagpuan sa mga aklat at aralin, sapagkat maaari rin itong maisabuhay sa mga simpleng larong nag-uugnay sa bawat isa.
Noong Agosto 26 araw ng Miyerkules, naging makulay ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Larong Pinoy para sa Junior High School sa umaga at Ika-11 baitang sa hapon. Sa bawat kilos at sigawan ng mga kalahok, tila muling umalingawngaw ang mga alaala ng nakaraan at ang mga tradisyong minana mula sa mga naunang salinlahi. Kasabay ng larong pinoy sa hapon ay isinagawa din ang audition para sa Tulang Bigkas-Pandamdamin. Sa pamamagitan nito ay nagsimulang umusbong ang mga tinig na handang magpahayag ng saloobin, magkuwento ng karanasan, at magbigay-buhay sa mga salitang nakasulat sa papel.
Pagsapit ng Agosto 27 araw ng Huwebes, naging tanghalan naman ng talino at pagkamalikhain ang paaralan. Sa umaga ay isinagawa ang Talasalitaan Pagbaybayin at Tagisan ng Talino. Sa pamamagitan ng nakasaad na patimpalak ay nasubok ang kaalaman, bilis ng pag-iisip, at lawak ng talasalitaan ng mga kalahok. Sa hapon naman ay ipinamalas ang husay sa Pagsulat ng Sanaysay, Bansag-Panulat, at Larawang-Pagguhit. Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, ang salita ay naging daluyan ng kaisipan, ang bansag-panulat ay naging tinig ng mensahe, at ang larawan ay naging anyo ng mga ideyang nais ipabatid.
Dumating ang Agosto 28 araw ng Biyernes, bilang pinakahihintay na araw ng ating pagdiriwang. Matapos ang banal na pagbibigay-pugay ng Pambansang Watawat ng Pilipinas sa pamamagitan ng Flag Raising Ceremony ay isinagawa ang makatulang pakikipagtunggali ng mga makatang kalahok sa Tulang Bigkas-Pandamdamin. Ang mga kalahok ay nagbigay-buhay sa bawat salita sa pamamagitan ng tinig, damdamin, at pagpapahayag. Sa bawat pagbigkas ay may kuwentong nais marinig, sa bawat taludtod ay may damdaming nais ipadama, at sa bawat salita ay may mensaheng nais maiwan sa puso ng mga nakikinig. Sa pagkakataong ito, napatunayan nating ang tula ay hindi lamang binabasa sapagkat ito din ay binibigyang-buhay.
Sinundan ito ng masayang salu-salo ng bawat baitang. Naganap ang salu-salo sa Junior High School at ika-11 baitang sa panahon ng tanghalian, habang nagsalo naman ang ika-12 baitang sa bandang alas-3 ng hapon. Sa payak na pagsasalo ng pagkain ay mangyaring higit pa sa pagkain ang ating pinagsaluhan. Naging bahagi nito ang tawanan, kuwento, pagkakaibigan, at mga alaalang tiyak na mananatili sa puso ng bawat isa. Sa ganitong paraan, ang salu-salo ay naging sagisag ng pagkakaisa na sa kabila ng pagkakaiba-iba, maaari tayong magsama-sama sa iisang layunin at diwa.
Bilang koronang inilapat sa buong pagdiriwang, isinagawa ang Pagbibigay-Parangal sa mga mag-aaral na nagpakita ng kahusayan sa iba't ibang paligsahan. Ang bawat medalya, sertipiko, at pagkilala ay hindi lamang simbolo ng pagkapanalo, kung hindi sagisag ng oras, pagsisikap, tapang, tiyaga, at pananalig sa sariling kakayahan. Sa mga nagwagi, nawa'y maging inspirasyon ang inyong tagumpay upang higit ninyong pagyamanin ang inyong mga talento. Sa mga hindi pinalad na maiuwi ang inaasam na pagkilala, tandaan na ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa tropeyo. Ang tapang na sumubok, ang tiyagang maghanda, at ang pagmamalaking kumatawan sa inyong pangkat ay mga tagumpay na hindi kailanman mawawala.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang na ito, baunin natin ang aral na ang wika ay higit pa sa mga salitang binibigkas at isinusulat. Ito ay alaala ng ating pinagmulan, salamin ng ating pagkatao, at tulay patungo sa hinaharap. Sa panahon ng Artificial Intelligence, maaari nating gamitin ang teknolohiya upang higit na mapalawak ang ating kaalaman ngunit hindi natin dapat kalimutan ang kahalagahan ng sariling pag-iisip, pagsusuri, at wastong paggamit ng impormasyon. Maaaring maging kasangkapan ang AI sa pananaliksik, ngunit ang tao pa rin ang nagbibigay ng kahulugan, pagpapahalaga, at layunin sa kaalamang kaniyang natutuklasan.
Kaya naman, habang isinasara natin ang kurtina ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026, hindi dito nagtatapos ang ating pagmamahal sa wikang Filipino. Maaaring matapos ang mga paligsahan, programa, at pagdiriwang ngunit patuloy na mabubuhay ang wika sa ating mga labi, panulat, isip, at puso. Nawa'y patuloy natin itong gamitin, linangin, payabungin, at ipasa sa susunod na salinlahi. Nagsasaad lamang ito na ang wikang minamahal ay hindi kailanman naluluma, ang wikang ginagamit ay hindi kailanman namamatay, at ang wikang ipinapasa ay patuloy na magiging ugat ng ating pagkakakilanlan at tulay ng ating kinabukasan.
Sa huli, ang teknolohiya ay maaaring maghatid ng impormasyon ngunit ang wika ang nagbibigay rito ng kahulugan. Ang AI ay maaaring maging kasangkapan sa pananaliksik ngunit ang mapanuring isip ng tao ang nagbibigay-halaga sa kaalamang natutuklasan. Ang wikang Filipino ay mananatiling tulay na nag-uugnay sa ating nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Mabuhay ang Wikang Filipino! Mabuhay ang ating kultura, panitikan, at mga kabataang patuloy na nagpapayaman sa ating wika. Sa bawat salita ay may tinig, sa bawat tinig ay may diwa, at sa bawat diwa ay may kuwentong karapat-dapat marinig.
Words by: T. Ronel O. Navesis
Layout by: T. Mary Rose B. Canonigo