22/06/2026
πΆβππ’π¨ππ’ππ’πΊπ’π¨ π±π’π΅πΆπ―π¨π° π΄π’βπΊπ°.β - Harry Ocampo, Layag ππΆποΈπ
Sa loob ng dalawang araw, Mayo 30β31, 2026, kasama ang kaguruan ng ALS Senior High School at ang pamunuan ng Manguisoc National High School, tinahak namin ang karagatan mula Brgy. Cayucyucan, Mercedes patungo sa mga isla ng Caringo, Apuao, at Quinapaguian. Layunin ng aming paglalakbay na magsagawa ng literacy mapping at matukoy ang mga potensyal na mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS).
May kaakibat na panganib. Sa humigit-kumulang tatlumpong minutong paglalayag sa bawat isla, may pagkakataong sumasalubong ang malalakas na alon at pinapasok ng tubig ang aming sinasakyang bangka. Dahilan upang mabasa ang ilan sa amin na nasa unahan nito.
Gayunpaman, walang puwang ang takot sa aming puso. Higit na mahalaga para sa amin ang maihatid ang pag-asa at oportunidad sa mga komunidad ng mga nabanggit na isla. Sa bawat tahanang aming kinatok at sa bawat kuwentong aming pinakinggan, iisa ang malinaw na mensahe - marami pa ring kabataan at maging mga nasa hustong gulang ang nagnanais makapag-aral sa kabila ng iba't ibang hamon sa buhay.
Ang paglalayag na ito ay hindi lamang simpleng pagtawid sa dagat. Sa pamamagitan ng ALS, muli naming naipapaabot na may pagkakataon pang maipagpatuloy ang pag-aaral. Muling nabubuksan ang pinto para sa mga kabataan at indibidwal na minsang huminto ngunit handang magsimulang muli.
Lubos ang aming pasasalamat kina Ma'am Annie Dado, ang aming punong-guro at Ma'am Christina Robles sa kanilang pagsama, suporta, at malasakit sa adhikaing maabot ang mga kabataan at indibidwal na nangangailangan ng pagkakataong makapag-aral muli. Taos-puso rin kaming nagpapasalamat kina Sir Earnest Peralta, Ma'am Lita Rafael, Ma'am Nerissa Reduta, sa pamumuno ng inyong lingkod, Sir Efren Salvador Lagsa, sa kanilang oras, dedikasyon, at pakikiisa sa misyong ito. Gayundin, ang aming pagpapasalamat sa Kapitan ng bawat barangay, si Kapt. Orlando G. Otilla ng Caringo, si Kapt. Alona L. Gallego ng Apuao, at Arman V. Aragon ng Quinapaguian at mga Brgy. Tanod sa kanilang mainit na pagtanggap, paggabay, at tulong sa aming pag-abot sa mga komunidad. Ang kanilang pakikipagtulungan ay naging mahalagang bahagi ng tagumpay ng gawaing ito.
Sa kabuuan, ang karanasang ito ay patunay na sa pagtutulungan at malasakit, ang edukasyon ay higit na naipapaabot kahit sa mga malalayong komunidad. Hanggaβt may mga pangarap na naghihintay ng pagkakataon, tulad ng liriko ng kanta, patuloy kaming βmaglalayag patungo saβyo (inyo)β upang dalhin ang pag-asa at edukasyon sa bawat komunidad, gaano man ito kalayo.