08/08/2026
MNSTS, nagsagawa ng simposyum;
Mga opisyal ng iba't ibang organisasyon sa paaralan nanumpa na!
Nagsulong ng joint simposyum ang Medellin National Science and Technology School (MNSTS), sa pangunguna ng Barkada Kontra Bisyo (BKB) noong Biyernes, ikapito ng Agosto.
Kasama ang mga panauhing tagapagsalita mula sa Medellin Police Station (MPS) at Municipal Social Welfare Development (MSWD), isinagawa ang programa sa temang "Empowering Youth through Science, Health, and Responsible Choices for a Drug-free future."
Sinimulan ang aktibidad sa pambungad na pananalita ni Kathlyn Sinambong, bise-presidente ng BKB, na agarang sinundan ng paglalahad ng layunin mula sa kalihim ng organisasyon na si Kathlyn Mangubat.
"This activity is organized to promote awareness, encourage healthy lifestyles, and empower young individuals to make informed and responsible decisions that contribute to their overall well-being and the betterment of our community," pahayag ni Mangubat.
Alinsunod dito, nagsimula na sa pagbahagi ng kaalaman patungkol sa Mental Health, Child/Sexual/Online Abuse, at mga kaugnay na batas si Cookie Jane Jalocon, isang Social Welfare Officer.
Ayon sa kanya, naging mainit na usapan sa panahon ngayon ang child exploitation at sexual abuse lalo na't lumobo ang mga kaso nito, kaya mas mainam na matutunan ng mga mag-aaral ang maaari nilang gawin upang maprotektahan ang sarili.
Nagbahagi rin ng impormasyon ukol sa panggagahasa at ipinagbabawal na gamot ang dalawang police staff sergeant na sina Ean Areglado at Melona Mansing.
Bukod dito, sa pangunguna ni Police Major Roberto Miguel Orquina, opisyal na nanumpa sa kanilang tungkulin ang lahat ng napiling opisyal ng iba't ibang kapisanan sa paaralan.
Isang inspirasyonal na mensahe naman ang iniwan ni Orquina para sa bawat mag-aaral nang matapos ang gawain.
"Lead with intelligence, but never lose your kindness. Pursue excellence, but never sacrifice your integrity. Dream big, but never forget to appreciate the beauty of the journey," payo niya.
Sa huling bahagi ng programa, binigyang-parangal ng paaralan ang tatlong tagapagsalita, at opisyal na nagtapos ang aktibidad sa pamamagitan ng pangwakas na pananalita mula kay Jennel Solon, pangulo ng BKB.
Article: Jon Andrex Serafin
Photos:
Mitch Andrea Pradilla
Hearty Immanuelle Alub