04/07/2026
"๐๐ง๐ ๐ค๐๐ฌ๐๐ซ๐ข๐ง๐ฅ๐๐ง ๐ง๐ ๐ข๐ฌ๐๐ง๐ ๐๐๐ง๐ฌ๐ ๐๐ฒ ๐ก๐ข๐ง๐๐ข ๐ง๐๐ฌ๐ฎ๐ฌ๐ฎ๐ค๐๐ญ ๐ฌ๐ ๐ฉ๐๐ ๐ฅ๐ข๐ฅ๐ข๐ฉ๐๐ญ ๐ง๐ ๐ค๐๐ฉ๐๐ง๐ ๐ฒ๐๐ซ๐ข๐ก๐๐ง ๐ฅ๐๐ฆ๐๐ง๐ , ๐ค๐ฎ๐ง๐๐ข ๐ฌ๐ ๐ค๐๐ค๐๐ฒ๐๐ก๐๐ง ๐ง๐ข๐ญ๐จ๐ง๐ ๐ฆ๐๐ฅ๐๐ฒ๐๐ง๐ ๐ฆ๐๐ ๐ฉ๐๐ฌ๐ฒ๐ ๐ฌ๐ ๐ฌ๐๐ซ๐ข๐ฅ๐ข๐ง๐ ๐ค๐ข๐ง๐๐๐ฎ๐ค๐๐ฌ๐๐ง."
Ang Hulyo 4, 1946 ay isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas sapagkat sa araw na ito ay pormal na kinilala ng Estados Unidos ang kasarinlan ng bansa matapos ang halos limang dekadang pamamahalang kolonyal. Sa pamamagitan ng Kasunduan sa Maynila (Treaty of Manila), naisakatuparan ang paglilipat ng soberanya mula sa Estados Unidos tungo sa bagong tatag na Republika ng Pilipinas. Bilang sagisag ng pagbabagong ito, ibinaba ang watawat ng Estados Unidos at itinaas ang watawat ng Pilipinas bilang tanda ng pagtatapos ng kolonyal na pamamahala at pagsilang ng Ikatlong Republika ng Pilipinas (Immerwahr, 2022). Kasabay nito, nilagdaan ni Pangulong Harry S. Truman ang Proclamation No. 2695, na pormal na kumilala sa Pilipinas bilang isang malaya at nagsasariling estado (Carlson, 1990).
Gayunpaman, ang kasarinlang ipinagkaloob noong 1946 ay bunga ng mahabang proseso ng pakikibaka at negosasyon. Mula pa sa mga unang taon ng pamamahalang Amerikano, patuloy na isinulong ng mga Pilipinong lider ang karapatan ng bansa sa sariling pagpapasya. Kabilang sa mga nanguna sina Manuel L. Quezon at Jaime C. de Veyra, na sa kanilang mga talumpati at memorandum sa Kongreso ng Estados Unidos ay iginiit na napatunayan na ng Pilipinas ang kakayahang mamahala sa sarili at nararapat nang kilalanin ang kasarinlan nito batay sa prinsipyo ng "self-determination" (Quezon, 1911; De Veyra, 1919).
Naging mahalagang batayan ng adhikaing ito ang Jones Act ng 1916, na nangakong kikilalanin ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas sa sandaling makapagtatag ito ng isang matatag na pamahalaan. Sa mga pagdinig ng Kongreso noong 1919, iginiit ng delegasyong Pilipino na natugunan na ng bansa ang mga kondisyong itinakda ng batas, bagama't nanatiling hati ang pananaw ng mga opisyal ng Amerika dahil sa mga usaping pang-ekonomiya, estratehikong lokasyon, at heopolitikal na interes (Philippine Independence Hearings, 1919).
Ang pagtatatag ng Pamahalaang Komonwelt noong 1935 sa ilalim ng TydingsโMcDuffie Act ang nagsilbing transisyunal na hakbang tungo sa ganap na kasarinlan. Gayunman, naantala ang prosesong ito dahil sa pananakop ng Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang paglaya ng bansa noong 1945, ipinagpatuloy ang paghahanda para sa kasarinlan, at noong Hulyo 1946 ay nanumpa si Manuel Roxas bilang unang Pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas. Kaagad namang hinarap ng kanyang administrasyon ang malawakang rehabilitasyon ng bansa at ang lumalakas na rebelyon ng Hukbalahap (Robinson et al., 2016).
Bagama't kinilala ang soberanya ng Pilipinas, nanatiling paksa ng debate ang lawak ng kalayaang nakamit noong 1946. Inilarawan ni Alfred McCoy (1981) ang pangyayaring ito bilang "independence without decolonization," na nagpapahiwatig na bagama't natamo ng bansa ang kalayaang pampolitika, nanatili ang impluwensiya ng Estados Unidos sa ekonomiya, militar, at iba pang mahahalagang institusyon. Makikita ito sa mga kasunduang tulad ng Military Bases Agreement ng 1947, na nagpahintulot sa pagpapanatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Nagbago rin ang pananaw sa paggunita ng kasarinlan. Bagama't ipinagdiriwang noon ang Hulyo 4 bilang Araw ng Kalayaan, kalaunan ay inilipat ang opisyal na pagdiriwang sa Hunyo 12 bilang pagkilala sa deklarasyon ng kasarinlan ni Emilio Aguinaldo noong 1898 at upang higit na maipakita ang pambansang naratibo ng kalayaan (Congressional Record, 1964).
Sa kabuuan, ang Hulyo 4, 1946 ay nananatiling isang mahalagang sandali sa kasaysayan ng Pilipinas sapagkat ito ang nagbigay ng pandaigdigang pagkilala sa soberanya ng bansa. Gayunpaman, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang kasarinlan ay hindi lamang isang seremonyal na paglilipat ng kapangyarihan kundi isang patuloy na proseso ng paghubog ng pambansang soberanya, pagkakakilanlan, at dekolonisasyon.
๐๐๐ ๐ฌ๐๐ฅ๐ข๐ค๐ฌ๐ข๐ค. ๐๐๐ ๐ฌ๐ฎ๐ฅ๐๐ญ. ๐๐ฎ๐ฆ๐ข๐ง๐๐ข๐ . ๐๐๐ -๐ข๐ฐ๐๐ง ๐ง๐ ๐๐๐๐๐ฌ
Panulat | Carlos Daniel Capacio
Layout | Jan Dale Pedralba
Mga Sanggunian:
Carlson, K. T. (1990). The twisted road to freedom: America's granting of independence to the Philippines in 1946 (Master's thesis, University of Victoria).
Congressional Record of the Republic of the Philippines. (1964). Fifth Congress, Third Special Session, Vol. III, Nos. 1โ2. Senate of the Philippines.
De Veyra, J. C. (1919). Philippine independence: Memorial of the Philippine Mission asking that immediate independence be granted the Philippine Islands. U.S. Government Printing Office.
Immerwahr, D. (2022). Philippine independence in U.S. history. Pacific Historical Review, 91(2), 220โ248.
McCoy, A. W. (1981). The Philippines: Independence without decolonization. In R. Jeffrey (Ed.), Asia: The Winning of Independence. St. Martin's Press.
Quezon, M. L. (1911). Philippine independence: Speech of Hon. Manuel L. Quezon of the Philippines in the House of Representatives, Thursday, March 2, 1911. U.S. Government Printing Office.
Robinson, L., Johnston, P. B., & Oak, G. S. (2016). U.S.-Philippine relations in historical perspective. U.S. Special Operations Forces in the Philippines, 2001โ2014. RAND Corporation.
United States Congress. Senate Committee on the Philippines, & House Committee on Insular Affairs. (1919). Philippine independence hearings before the Committee on the Philippines, United States Senate, and the Committee on Insular Affairs, House of Representatives, held jointly. U.S. Government Printing Office.