09/08/2021
𝗜𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝘄𝗶𝗸𝗮 𝘀𝗮 𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗹𝗮𝗵𝗮𝘁!
Ang Supreme Student Government ay nakikiisa sa selebrasyon ng Buwan ng Wika 2021.
Agosto 2021 : Buwan ng Wika
Tema: “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”
Ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon ay tumutukoy sa mahahalagang kaganapan sa bansa sa nakalipas na 500 taon na pumapaloob sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na nagsasabing ang pagdiriwang ay nararapat na sumasalamin sa pagka-Pilipino at pagpapayabong sa Wikang Katutubo na namamayani sa Pilipinas.
Layunin nitong Buwan ng Wika na iwagayway ang mga katutubong wika at ninunong nagpamana sa atin ng mayaman na panitikan, wika, sining at kultura. Bukod pa rito, layon ding ipakilala ang Pilipinong identidad at kahalagahan ng pagkakaisa, pagbubuklod-bukold at kalayaan ng bansa.
Ang kalayaan sa pagpapahayag gamit ang katutubong wika ay kinakailangang pagtuunan ng pansin sapagkat ang iilan sa mga ito ay nanganganib nang maglaho. Ang pagtatalaga ng hakbang at kaparaanan ay magiging tulay upang manatili at maabot pa ang mga susunod na henerasyon.
Ang wika at kultura ay hindi maaaring mapaghiwalay sa isa’t isa. Kung ang wika ay mawawala, kabuhol din nito ang pagkawala ng kultura. Ayon pa kay Zeus F. Salazar (1996), “Kung ang kultura ay ang kabuoan ng isip, damdamin, gawi, kaalaman, at karanasan na nagtatakda ng mga angking kakanyahan ng isang kalipunan ng mga tao, ang wika ay hindi lamang daluyan kundi, higit pa rito tagapagpahayag at impukan-kuhanan ng alinmang kultura. Walang kulturang hindi dala ng isang wika na bilang saligan at kaluluwa ay siyang bumubuo, humuhubog at nagbibigay diwa sa kulturang ito.”
Gayunpaman, ang ating katutubong wika ay magsisilbing pinakatanging kayamanan ng Pilipinas na bakas ang nakaraang maaari nating tanawin at balik-balikan.
Ang tema ng Buwan ng Wika ay naglalaman ng simbolismo— ang bangka at alon. Ang bangka ay nagsisilbing representasyon ng Austronesian heritage na ipinapakita ang kasaganahan/yaman ng lahing Pilipino ay nakapaloob sa mga wika na mula sa lahing/dugong Austronesian na nanahan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Kasa-kasama ng ating mga ninuno ang bangka sa paglalayag upang tumuklas, mangalakal, mangisda, at maglakbay para maipamalas ang kanilang pagiging bihasa sa karagatan. Dagdag pa rito, naging kasangkapan ang bangka sa pagpapalaganap ng wika at kultura maging ang ating pagka-Pilipino.
Ang alon ay sumisimbolo sa mga wikang umiiral sa Pilipinas at ipinapakita na iisa lamang ang pinagmulan ng wika sa bansa. Magkakaiba man ang hampas ng alon, iisang dagat ang ating tatahakin. Iba’t ibang wika man ang mayroon ang kapuluan, iisa ang ating pinagmulan.
Samakatuwid, ang wika ay pantay-pantay. Walang mas mataas at walang mas mababa. Ang lahat ng wika (lalo na ang katutubong wika) ay marapat na sabay-sabay maglayag at maipalaganap sakay ng bangkang kasangga at kaagapay sa paglalakbay. Sa pamamagitan nito, ang bawat wika ay patuloy na mananatili at mamamayagpag.
Tayo nang maglayag at lakbayin ang makasaysayang nakaraan upang masilayan at matuklasan ang ating pagka-PILIPINO.
Sanggunian:
Komisyon sa Wikang Filipino. 2021, Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino. Retrieved from https://kwf.gov.ph/filipino-at-mga-katutubong-wika-sa-dekolonisasyon-ng-pag-iisip-ng-mga-pilipino/