Samahan ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan - PNU

Samahan ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan - PNU

Share

Tungo sa Kasaysayang Nag-aakyat at Nagbubuklod, Padayon!

29/05/2026

πŸ”₯ ππ€πππ€πŠπ€ππˆπ‹πˆ πŸπŸŽπŸπŸ” πŸ”₯
Oras na upang pumili ng mga lider na magsisilbi, makikinig, at kikilos para sa kapakanan ng bawat mag-aaral. πŸ“šπŸ—³οΈ

πŸ“’ Bukas na ang nominasyon at paghahain ng kandidasiya para sa 2026 Halalang SAMAKA!
Huwag palampasin ang pagkakataong maging bahagi ng pagbabago at pamumuno. ✊

πŸ‘‰ I-scan ang QR code at isumite ang iyong aplikasyon ngayon hanggang Mayo 31, 2026!

https://forms.gle/dYseL8Wn13yZAMJF6
https://forms.gle/dYseL8Wn13yZAMJF6
https://forms.gle/dYseL8Wn13yZAMJF6

Photos from Samahan ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan - PNU's post 15/05/2026

πŒπ”π‹π€ 𝐒𝐀 πŠπ€π’π€π˜π’π€π˜π€π, 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 ππ€π˜π€π: πŒπ€πŠπ€π’π€π˜π’π€π˜π€ππ† ππ€π†ππ€π“πˆ, πŒπ†π€ ππ€π†πŽππ† π‹πˆπ’π„ππ’π˜π€πƒπŽππ† π†π”π‘πŽ!

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ating natutuhan ang buhay ng mga dakilang Pilipino at ng masang nagtatakda sa tadhana ng ating bansa, gayundin ang pag-aaral at pagsusuri ng mga mahahalagang pangyayari na bumubuo sa kasalukuyan at sa ating pagkakakilanlan. Ngunit, ang mga g**o na katulad niyo ang nagsilbing inspirasyon, tagapaggabay, at nagpanday sa kaisipan ng maraming kabataan na nagkaroon ng malalaking ambag para katarungan at kalayaan.

Sa inyong bagong yugto ng buhay, nawa’y laging mag-alab ang inyong pagmamahal sa piling larangan. Higit sa kaalaman, nawa’y magsilbi kayong kalinga at boses ng katwiran at karunungan para sa mga kabataan. Katulad ng ating mga bayani, kayo ang magtitiyak na ang kinabukasan ay magiging mas patas, malaya, at makatarungan para sa lahat. Mabuhay kayo, mga G**o ng Bayan!

Photos from FBeSS Executive Committee's post 06/05/2026
01/05/2026

𝐊𝐚𝐬𝐚𝐲𝐬𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐏𝐚𝐧𝐝𝐚𝐲𝐚𝐧: π€π«πšπ° 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐠𝐚𝐰𝐚

Ngayong araw, ating binibig pinagdiriwang at binibigyang-pugay ang Araw ng Paggagawa at ang papel ng manggagawang Pilipino sa lipunan at kasaysayan ng Pilipinas.

Sa pag-aaral ng kasaysayan, ating matututuhan na ang mga manggagawa at magsasakaβ€”sa pamamagitan ng kanilang lakas-paggawa at pakikibakaβ€”ang pangunahing pwersang bumubuo at nagbabago sa lipunan, subalit sila rin ang madalas na pinagsasamantalahan at inaapi. Sila rin, sa agos ng kasaysayan, ang tumitindig at nangunguna para sa katarungan, karapatan, at kalayaan ng Pilipinasβ€”mula noong Rebolusyong Pilipino hanggang sa kasalukuyang pakikibaka para sa makatarungang sahod at pantay na lipunan.

Ating alalahanin na ang bisig ng mga manggagawa ang nagpapanday sa ating kinabukasan, na siyang nagbibigay sa atin ng tunay na pag-unlad at pag-asa.

Mabuhay ang mga Manggagawa!




09/04/2026

π€π«πšπ° 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐠𝐒𝐭𝐒𝐧𝐠𝐚𝐧 | πƒπšπ¦π›πšπ§πš 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠-𝐚𝐚π₯𝐚π₯𝐚

Ngayong araw, ating ginugunita ang Araw ng Kagitingan. Ang araw ito'y marka ng makasaysayang pagbagsak ng Bataan noong 1942, kung saan mahigit 75,000 sundalong Pilipino at Amerikano ang napilitang sumuko at dumanas ng malupit na Bataan Death March patungong Capas, Tarlac. Noong 1961, sa pamamagitan ng Republic Act No. 3022, opisyal na itinakda ang Abril 9 bilang "Bataan Day," na kalaunan ay naging "Araw ng Kagitingan" upang bigyang-pugay ang lahat ng mga bayaning nagtanggol sa ating kalayaan.

Simbolo ng pambansang pag-alalang ito ang Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Bataan. Ang 92-metrong Memorial Cross na idinisenyo nina Lorenzo del Castillo at National Artist Napoleon Abueva. Para sa ating mga Pilipino, ang dambana ay nagsisilbing paalala na ang tunay na kagitingan ay matatagpuan sa paninindigan para sa kalayaan at katotohanan.

Bilang mga tagapagtaguyod ng kasaysayan, nawa’y ang pagtingala natin sa dambanang ito ay maging hamon na laging hanapin ang katotohanan sa gitna ng mga naratibo ng ating kasaysayan at parangalan ang sakripisyo ng mga bayaning namatay para sa bayan.



24/03/2026

π’π€πŒπ€πŠπ€π“πŽπƒπ€π˜ | Ika-24 ng Marso, 1976
Paggunita sa Ika-50 Taon ng Pagpapakabayani ni Maria Lorena Barros: Isang Pagkilala sa Kaniyang Kontribusyon sa Kilusang Kababaihan

Si Maria Lorena Barros ay isinilang noong Marso 18, 1948, sa Lungsod ng Baguio. Siya ay lumaki sa pangangalaga ng kaniyang ina na si Alicia Morelos, isang dating miyembro ng Hukbalahap, at ng kaniyang lola. Sa ilalim ng kanilang gabay, maaga siyang namulat sa pagpapahalaga sa sining at paglilingkod sa bayan. Kilala si Lorena bilang isang mahusay na mag-aaral; nagtapos siya bilang cm laude sa kursong Antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, kung saan siya rin ay naging tanyag na manunulat sa Philippine Collegian.

Hindi lamang siya naging mahusay na antropologo at makata; si Lorena ang naging mukha ng radikal na pakikibaka ng mga kababaihan sa Pilipinas. Bilang tagapagtatag ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) noong Abril 1970, kaniyang inilatag ang pundasyon para sa peministang oryentasyon na nag-uugnay sa isyu ng kababaihan sa mas malawak na suliranin ng bansa. Binuwag niya ang nakakahong imahe ng babae sa lipunan at ipinakita na ang emansipasyon ng kababaihan ay kaakibat ng paglaya ng buong bansa mula sa paniniil at imperyalismo.

Noong ideklara ang Batas Militar, naging target ng pag-aresto si Lorena at kalaunan ay napiit noong 1973 sa Ipil Rehabilitation Center. Sa kabila ng hirap na dinanas sa piitan na naging sanhi ng kaniyang pagkakunan, nanatili siyang matatag sa kaniyang prinsipyo. Matapos ang kaniyang matagumpay na pagtakas noong 1975, nagpatuloy siya sa kaniyang adbokasiya sa kanayunan bilang bahagi ng armadong pakikibaka. Nasawi siya noong Marso 24, 1976, sa isang engkwentro sa Cagsiay II, Mauban, Quezon.

Sa kasalukuyan, ang kaniyang alaala ay nagsisilbing paalala na ang pakikibaka para sa katarungang panlipunan ay nangangailangan ng tapang at malasakit. Higit sa pagiging martir, si Maria Lorena Barros ay simbolo ng pag-asa at determinasyon na dapat tularan ng mga mag-aaral at g**ong nagnanais ng isang malaya at makatarungang lipunan. Ang kaniyang buhay ay nagsisilbing mahalagang sanggunian sa kasaysayan ng radikal na aktibismo at sa pag-unlad ng kilusang kababaihan sa Pilipinas.

Mga Sanggunian:

Espeso, Zazel. 2024. β€œLorena Barros’s Revolutionary Poetry and Her Unrelenting Optimism for National Liberation.” Philippine Collegian, March 9, 2024. https://phkule.org/article/1135/lorena-barross-revolutionary-poetry-and-her-unrelenting-optimism-for-national-liberation/.

Hernando, Pauline Marie. 2019. β€œAng Kasaysayan Ng Makabayang Kilusan Ng Bagong Kababaihan.” Diliman Gender Review 2, 63–94. https://journals.upd.edu.ph/index.php/DILIMANGENDERREVIEW/article/view/7088/6171.

β€œLorena Barros - Bantayog Ng Mga Bayani.” 2023. Bantayog Ng Mga Bayani, June 21, 2023. https://bantayogngmgabayani.org/bayani/lorena-barros/.

Morelos, Alicia. 2011. β€œMy Daughter Laurie.” February 4, 2011. https://remembering-lorenabarros.blogspot.com/2011_01_30_archive.html?m=1.

Pagsusulat ni: Jairus Gabijan
Pag-aanyo ni: Angeli Valguna





21/03/2026

#π’π€πŒπ€πŠπ€π“πŽπƒπ€π˜ | Ika-21 ng Marso, 1954, Paggunita sa pagpanaw ni Pura Villanueva Kalaw: Ang β€œQueen of Manila Carnival” at Isang pangunahing lider ng kilusan para sa karapatan ng kababaihan sa Pilipinas.

Si Pura ay isang beauty queen, Suffragist, mamamahayag, at manunulat na naglatag ng mahalagang ambag sa kasaysayan. Noong 1908, siya ay kinoronahan bilang unang β€œQueen of Orient” sa Manila Carnivalβ€”isang prestihiyosong titulong nagbigay sa kaniya ng pambansang pagkilala.

Higit pa sa kaniyang tagumpay sa entablado, ginamit niya ang kaniyang impluwensya upang isulong ang karapatan ng kababaihan. At noong 1906, itinatag niya ang AsociaciΓ³n Feminista Ilonga, na naging bahagi ng mas malawak na kilusan para sa women’s suffrage at sinuportahan ang mga panukalang batas para sa pagboto ng kababaihan, na kalauna’y nagtagumpay sa plebisito noong 1937.

Bilang manunulat at editor, ginamit niya ang midya upang itaguyod ang partisipasyon ng kababaihan sa pampublikong buhay. Ayon sa mga pag-aaral, ang kanyang kaisipan ay nakaangkla sa paniniwalang ang kababaihan ay may mahalagang papel sa lipunan, bagama’t ang kilusan noon ay pangunahing pinangunahan ng mga kababaihang mula sa edukado at elit na sektor .

Sa mas malawak na konteksto ng kasaysayan ng Pilipinas, ang kanyang ambag ay bahagi ng paghubog ng demokratikong partisipasyon sa bansa, kung saan ang pagbibigay ng karapatang bumoto sa kababaihan ay naging mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibong lipunan.

Sa kasalukuyan, ang kanyang pangalan ay matatagpuan sa isang paaralan sa Quezon City, bilang pagkilala sa kaniyang ambag sa edukasyon at kababaihan. Samantala, ang Kalaw Avenue sa Ermita, Manila na malapit sa Philippine Normal University ay ipinangalan sa kaniyang asawaβ€”isang paalala na ang kasaysayan ay hindi lamang binabasa, kundi nararanasan din sa ating pang-araw-araw na espasyo.

Mga Sanggunian:

Agoncillo, Teodoro A. 1990. History of the Filipino People.
https://archive.org/details/historyoffilipin00teod/page/90/mode/2up

Tigno, Jorge V., ed. 2023. β€œPura Villanueva Kalaw (1886–1954).” Sa Twentieth Century Philippine Political Thinkers: Selected Readings.
https://www.academia.edu/130227331/Pura_Villanueva_Kalaw_1886_1954_chapter_in_Twentieth_century_Philippine_political_thinkers_selected_readings_Jorge_V_Tigno_editor_pp_85_103_561_562_

β€œHomemaking as a Civic Duty: Contestations on the Role of Filipino Women in the Debate on Suffrage.” Philippine Studies, Ateneo de Manila University.

https://archium.ateneo.edu/cgi/viewcontent.cgi?article=3956&context=phstudies

Nagsulat: Debyne Valerie
Pag-aanyo ni: Aldrhien Gadia





17/03/2026

[LATE POST]

#π’π€πŒπ€πŠπ€π“πŽπƒπ€π˜ | Ika-14 ng Marso, 1950, Ang Kapanganakan ni Liliosa Hilao, ang kauna-unahang namatay sa pagkakakulong sa panahon ng Batas Militar

Si Liliosa Hilao ay isang mag-aaral, mamamahayag, at aktibista na ipinanganak noong ika-14 ng Marso 1950 sa Bulan, Sorsogon. Si Hilao ang ika-pito sa siyam na magkakapatid. Nag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila si Hilao nang sumiklab ang Batas Militar noong 1972. Isa siya sa mga libong biktima ng batas militar sa kamay ng mga sundalo sa loob ng Kampo Crame sa Quezon City sa loob lamang ng 24 oras. Ngunit siya ang kauna-unahang namatay sa panahong iyon.
Isa siya sa mga tinitingalang mag-aaral ng komunikasyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila kung saan siya naging patnugot ng β€œHasik”, ang opisyal na pahayagan ng kaniyang paaralan. Sa kabila ng pagiging sakitin, nanatili siyang aktibo sa mga gawaing pampa-aralan kabilang ang pagiging bahagi ng College Editors Guild of the Philippines.

Ang kaniyang biglaang pagkamatay ang isa sa pinakamisteryosong kaso noong panahon ng batas militar. Ilegal na pumasok ang mga miyembro ng Philippine Constabulary Anti-Narcotics Unit sundalong kinabibilangan nina Col. Bienvenido Felix, Lt. Arturo Castillo, Lt. Reynaldo Garcia at George Ong upang hulihin ang kaniyang kapatid na lalaki, nang hiningian niya ng warrant of arrest ang mga sundalo, siya ay binugbog at dinakip. Ayon sa ulat na inilabas, matapos ang 24 oras na pagkakadakip, siya ay pumanaw, ayon sa kanila, nagpakamatay si Hilao sa pamamagitan ng pag-inom ng muriatic acid. Ngunit taliwas ito sa mga resulta ng postmorten exams na isinagawa sa kaniyang labi na nagpapatunay na siya ay tinortyur at pinahirapan, ang kaniyang mukha ay namamaga, ang labi niya ay may mga paso mula sa sigarilyo at may 11 marka ng injections sa braso at pinaniniwalaang ginahasa. Nang ang kaniyang ate na si Alice ay ipinatawag sa ospital ng kampo, patay na si Liliosa.

Ang unang ulat ng pagkamatay ni Liliosa mula sa konstabularyo ay hindi pinaniwalaan ng pamilya ni Hilao at iginiit na kailanman ay hindi nito magagawang kitilin ang kaniyang sariling buhay. Mula noon, nanatili sa matinding pagtitiktik ang pamilya Hilao, ang ilan sa mga miyembro nito ay namilitang mangibang-bansa upang maiwasan ang pag-aresto sa kanila. Dalawang linggo matapos ang kaniyang pagpanaw, ginanap ang seremonya ng pagtatapos sa kaniyang pamantasan at siya ay ginawaran pa rin ng kaniyang digri nang may karangalan, ang kaniyang upuan ay nanatiling bakante sa kabuuan ng palatuntunan.

Si Hilao ay isang relihiyosang tao na may malakas na pananampalataya sa mga prinsipyo at mataas na pangarap sa buhay, at may busilak na puso para sa mga mahihirap. Noong 1986, siya ay itinuring na martir at naisama ang kaniyang pangalan sa unang sampu (10) indibidwal na mailathala sa Walls of Remembrance sa Bantayog ng mga Bayani, samantalang sa kaniyang bayan sa Bulan, Sorsogon, isang kalye malapit sa kanilang lumang tahanan ang ipinangalan sa kaniya. Siya rin ay binigyan ng plaque ng paghkilala ng Rotary Club of Makati dahil sa kaniyang isinulat na β€œBayan muna bago ang Sarili” at pinarangalan din siya ng kaniyang sariling alma mater na Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noong 2001. Lahat ng ito ay bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa paglaban sa karapatan, pagpapanatili ng kalayaan at paghubog sa dignidad ng mga Pilipino sa panahon ng madilim na bahagi ng ating kasaysayan.

Mga Sanggunian:
Balonzo, Reinnard. β€œRemembering Lilli Hilao: Campus Journalist Turned Martial Law Martyr.” RAPPLER, September 21, 2024.
https://www.rappler.com/philippines/luzon/campus-journalist-liliosa-hilao-martial-law-martyr/ .

Bantayog Ng Mga Bayani. β€œLife and Martyrdom of Liliosa Hilao - Bantayog Ng Mga Bayani.” Bantayog Ng Mga Bayani - Honoring Martyrs & Heroes of Martial Law (blog), June 14, 2023.
https://bantayogngmgabayani.org/life-and-martyrdom-of-liliosa-hilao/ .

Worksofheart. β€œThe Heroes Who Fought Martial Law: Liliosa Hilao.” Martial Law Museum, n.d. https://learn.martiallawmuseum.ph/magaral/the-heroes-who-fought-martial-law-liliosa-hilao/.

Xiaotime, It’s. β€œPAGGUNITA SA LIMOT NA BAYANI NG MARTIAL LAW: Si Lily Ayon Sa Kanyang Kapatid Na Si Alice Hilao-Gualberto.” IT’S XIAOTIME!, February 26, 2016. https://xiaochua.net/2012/09/16/paggunita-sa-limot-na-bayani-ng-martial-law-liliosa-hilao-ayon-sa-kanyang-kapatit-na-si-alice-hilao-gualberto/ .

Nagsulat: Bern Patrick Bautista
Pag-aanyo ni: Dianne Tapia




04/03/2026

π’π€πŒπ€πŠπ€π“πŽπƒπ€π˜ | Ika-4 ng Marso, 2026, Ika-147 Taong Kapanganakan ni Rosa Sevilla de Alvero: Ang Mapanghimagsik na Tinig ng Kababaihang Pilipino.

Isinilang si Rosa Sevilla y Tolentino sa makasaysayang distrito ng Tondo, Maynila. Lumaki siya sa gitna ng pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa mga Espanyol. Bilang anak nina Ambrosio Sevilla at Silvestra Tolentino, maaga siyang namulat sa diwa ng nasyonalismo. Sa kabila ng murang edad, ipinamalas na niya ang pambihirang talino na kalaunan ay humubog sa kanya bilang isang lider. Ang kanyang kabataan ay hindi naging hadlang upang pangarapin ang isang malayang Pilipinas kung saan ang mga kababaihan ay may pantay na karapatan at dignidad sa harap ng lipunan.

Sa edad na 19 hanggang 20 taong gulang, sa kasagsagan ng Himagsikang Pilipino, pinatunayan ni Rosa na ang pluma ay kasing-talas ng tabak. Siya ang kinilala bilang kaisa-isang babaeng naging bahagi ng editorial staff ng La Independencia, ang mapanghimagsik na pahayagang itinatag ni Heneral Antonio Luna noong 1898. Sa napakabata niyang edad, hindi siya natakot na makihalubilo sa mga dakilang utak ng rebolusyon, gamit ang kanyang talino upang isulat ang mga mithiin ng kalayaan at gisingin ang damdamin ng mga kababayan sa gitna ng panganib ng digmaan.

Hindi tumigil ang kanyang paglilingkod nang matapos ang rebolusyon; sa edad na 21 taong gulang, itinatag niya ang Instituto de Mujeres noong Mayo 15, 1900. Ito ang kauna-unahang paaralang Pilipino para sa mga kababaihan na pinamamahalaan ng mga layko at hindi ng mga banyagang relihiyoso. Sa panahong ang edukasyon para sa mga babae ay limitado sa mga gawaing bahay, matapang niyang iginiit ang kurikulum na nagtuturo ng nasyonalismo, sariling wika, at mapanuring pag-iisip. Ang kanyang pagiging rebolusyonaryo ay nagpatuloy sa loob ng silid-aralan, kung saan hinubog niya ang susunod na salinlahi ng mga Pilipinang may paninindigan.

Ang kanyang dedikasyon sa bayan ay naging mas masidhi sa kanyang pagtanda. Sa edad na 58 taong gulang, naging saksi at katuwang siya sa makasaysayang tagumpay ng kababaihang Pilipino nang makamit nila ang karapatang bumoto noong 1937, isang krusadang matagal niyang ipinaglaban bilang lider ng kilusang suffragist. Hanggang sa kanyang huling hininga sa edad na 75 taong gulang noong 1954, nanatili si Rosa Sevilla de Alvero bilang isang maningning na halimbawa ng talino at malasakit. Ang kanyang buhay ay patunay na ang tunay na pag-ibig sa bayan ay walang pinipiling edadβ€”mula sa pagiging batang manunulat sa panahon ng giyera hanggang sa pagiging ina ng edukasyon at karapatang sibil.

Mga Sanggunian

Guiang, Francisco Jayme Paolo. β€œIdentity and Independence: Filipino Women in Times of War and Peace.” ResearchGate. 2022. https://www.researchgate.net/profile/Francisco-Jayme-Paolo-Guiang/publication/361391738_Identity_and_Independence_Filipino_Women_in_Times_of_War_and_Peace/links/62adb56223f3283e3af095ca/Identity-and-Independence-Filipino-Women-in-Times-of-War-and-Peace.pdf.

Padilla y ZΓ³bel, Georgina. Rosa Sevilla de Alvero’s Speeches. Lungsod ng Maynila: Filipinas Heritage Library at Ayala Foundation. https://library.oapen.org/bitstream/handle/20.500.12657/98128/9780472904020.pdf.

Philippine Studies. β€œRosa Sevilla de Alvero and the Instituto de Mujeres.” Philippine Studies 37, no. 1 (1989): 29–51. Archium Ateneo. https://archium.ateneo.edu/cgi/viewcontent.cgi?article=1211&context=phstudies.

Nagsulat: Mark Alcantara
Pag-aanyo ni: Jephthah Placido





01/03/2026

Ngayong Marso, ating ipinagdiriwang ang Buwan ng Kababaihan bilang pagkakataon upang suriin ang kanilang papel sa paghubog ng lipunang Pilipino at ng pandaigdigang kasaysayan. Sa tradisyonal na historiograpiya, madalas na nakatuon ang mga tala sa mga institusyonal at politikal na aspetong pinangunahan ng kalalakihan, kung kaya’t hindi gaanong nailalathala ang kontribusyon ng kababaihan. Gayunpaman, ang mga makabagong pananaliksik at ang pagtuturo ng ating mga g**o ay maging daluyan ng pagbibigay-buhay at halaga dito.

Ang muling pagsusuri sa kasaysayan sa pamamagitan ng mas inklusibong pananaw ay hindi lamang pagkilala sa mga indibidwal, kundi pag-unawa sa mas malawak na konteksto ng ating pag-unlad bilang bansa. Ipinapakita ng kasaysayan na sa mga panahon ng krisis, ang kababaihan ay aktibong kalahok ang kababaihan. Sa pagbibigay-halaga sa mga naratibong ito, magkakaroon tayo ng mas buo at obhetibong pag-unawa sa ating nakaraanβ€”isang pagkilala na ang pagbuo ng kinabukasan ay pagsisikap ng lahat ng kasarian, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan.

25/02/2026

[LATE POST]

#π’π€πŒπ€πŠπ€π“πŽπƒπ€π˜ | Ika-24 ng Pebrero, 1888, Kapanganakan ni Heneral Vicente Lim. Isang henyo sa larangan ng taktika at unang Pilipinong nagtapos sa West Point, si Lim ang buhay na patunay na ang talino at disiplina ay pinaka-epektibong sandata para sa kalayaan ng Inang Bayan.

Tubong Calamba, Laguna, si Vicente Podico Lim ay nag-aral sa Philippine Normal School (ngayon ay Philippine Normal University) at nagtapos na may mataas na marka na naging tulay upang makapag-aral siya sa ibang bansa. Matapos ang kanyang prestihiyosong pag-aaral sa West Point noong 1914, pinili niyang bumalik at magsilbi sa bansa. Bilang Brigadier General ng Ika-41 Dibisyon sa Bataan, naging katuwang siya sa pagbuo ng mga depensang nagpahirap sa mga mananakop, dahilan upang kilalanin siya bilang isa sa pinakamahusay na lider-militar ng kanyang henerasyon.

Nakayanan ni Heneral Lim na lampasan ang bagsik ng Bataan Death March at ang unang yugto ng kanyang pagkabihag hanggang sa siya ay kalaunang na-parole ng mga Hapones. Sa gitna ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas, lihim na nagbigay si Lim ng intelligence tungkol sa mga Hapones para sa Allied Forces. Nakibahagi rin siya sa mga gawaing gerilya laban sa mga mananakop. Dahil sa kanyang kahalagahan, inutusan siyang lisanin ang Pilipinas sakay ng isang submarino upang mag-ulat sa mga puwersang Alyado sa Australia.

Sa kasamaang palad, siya ay nabihag ng Kempeitai (secret police ng mga Hapones) at tinortyur sa Fort Santiago sa Intramuros, siya ay pinaslang ng Kempeitai sa Chinese Cemetery sa Maynila noong 1944. Ang kanyang katawan ay hindi na kailanman natagpuan. Siya ay isang bayaning hindi kailanman sumuko o nagtaksil sa kanyang sinumpaang tungkulin para sa mga Pilipino.

Ngayon, ang kanyang mukha ay ating masisilayan sa isang libong pisong papel (PHP 1,000) bilang pagkilala sa kanyang kadakilaan. Ang buhay ni Heneral Lim ay paalala na ang tunay na paglilingkod ay matatagpuan sa pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng nakararami, anuman ang kapalit.

Mga Sanggunian:
Cullum, George Washington. 1920. Biographical Register of the Officers and Graduates of the U. S. Military Academy at West Point, N. Y.: From Its Establishment, in 1802, to 1890; With the Early History of the United States Military Academy. Vol. 6. https://www.google.com.ph/books/edition/Biographical_Register_of_the_Officers_an/PmVmyDRsgUYC?hl=en&gbpv=1&dq=Records+of+Philippine+General+Officers:+Vicente+Lim.&pg=PA1707&printsec=frontcover.

Flake, Dennis Edward. 2026. β€œFeb. 24, 1888: Birth of Vicente Lim, 1st Filipino Graduate of West Point.” Inquirer.net, February 23, 2026. https://usa.inquirer.net/190358/feb-24-1888-birth-of-vicente-lim-1st-filipino-graduate-of-west-point.

Manila (Philippines). 1946. β€œDeath Registration for Vicente Lim,” July 15, 1946. Register no. 261. In Manila, Metro Manila, Philippines Records. FamilySearch, image 119 of 217. https://www.familysearch.org/ark:/61903/3:1:9396-JVQ2-PY. Note: While this registration is dated 1946, historical accounts place General Lim’s death in late 1944. This entry is a delayed registration following the restoration of civil records after the war.

National Historical Commission of the Philippines. n.d. β€œHeneral Vicente Lim (1888–1944).” National Registry of Historic Sites and Structures. Accessed February 19, 2026. https://philhistoricsites.nhcp.gov.ph/registry_database/heneral-vicente-lim-1888-1944/.
Kontribusyon sa Kapsyon: Lia Elaine Ignacio
Kontribusyon sa Pubmat: Angeli Valguna





Want your school to be the top-listed School/college in Manila?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Category

Address


Manila