05/09/2026
PAHAYAG SA PAGBUBUKAS NG NATIONAL TEACHERS’ MONTH
Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines
Setyembre 5, 2026
Sa opisyal na pagbubukas ngayong araw, Setyembre 5, ng National Teachers’ Month tungo sa Pandaigdigang Araw ng mga G**o sa Oktubre 5, matibay na nagkakaisa ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa panawagang: "Dagdag sweldo, hindi dagdag trabaho! Ipaglaban ang kagalingan, karapatan, sapat na pondo at makabayang edukasyon!" Babahain natin ang mga kalsada ng ating mga panawagan at dadaluyong ang libo-libong g**o at kawani upang singilin at panagutin ang rehimeng US-Marcos Jr. sa patuloy na kapabayaan, panunupil, at pagpapatindi ng neoliberal na atake sa sektor ng edukasyon.
Nagmumula ang ating sigaw sa masalimuot na reyalidad na kinakaharap ng ating mga paaralan araw-araw.
Apat na taon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., nananatiling overworked, underpaid, at under attack ang mga g**o. Siyam sa bawat sampung pampublikong g**o ang hindi tumutuntong sa nakabubuhay na antas ang sweldo, habang mahigit 80,000 pa lamang sa halos isang milyong kwalipikadong g**o ang nakatanggap ng promosyon. Kasabay nito, pinalalala ang ating mga pasanin ng mga panakip-butas na solusyon tulad ng ARAL Program at 3-term school calendar, habang nananatiling budol at kapos sa pondo ang Expanded Career Progression (ECP).
Malubha rin ang krisis sa mga pasilidad. Mula 2022 hanggang 2026, isa lamang sa bawat sampung g**o ang nakatanggap ng laptop, habang nasa 8,000 elementary schools ang walang internet, 3,500 paaralan ang walang kuryente, at 34% lamang ang may Smart TV packages. Umabot na rin sa 166,000 ang kakulangan sa klasrum, habang ang 30,000 na bagong teaching positions at mabagal na proseso ng hiring ng DepEd ay patak lamang sa dagat kumpara sa higit 150,000 na kakulangan sa g**o. Hindi maiibsan ang sobra-sobrang pasanin sa trabaho nang walang sapat na kawani. Sa halip na dinggin ang ating mga panawagan, sinusupil ng gobyerno ang karapatang mag-unyon, kalayaang pang-akademiko, at tinatakot ang sektor gamit ang Anti-Terror Grooming Bill.
Upang pagtakpan ang pagkukulang na ito, ipinagmamalaki ng administrasyon ang umano'y makasaysayang badyet sa edukasyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) na humigit-kumulang 3.99% lamang ng GDP. Ngunit panlilinlang ito sa taumbayan. Mas malaki pa rin ang pondo para sa pambayad-utang na umabot sa P2.7 trilyon (37.5% ng kabuuang badyet) kaysa sa pinagsama-samang pondo para sa edukasyon. Bukod dito, sa kabila ng bahagyang pagtaas sa Personnel Services (PS), ang kabuuang badyet ng DepEd ay dumaranas pa ng netong pagliit na -4.64%. Pinondohan ang pagtaas ng sweldo sa pamamagitan ng pagbawas sa Capital Outlay at MOOE, na sa harap ng 3%–4% na implasyon ay nagpapahina sa kakayahan ng mga paaralang tumugon sa dumaraming mag-aaral, lumalaking gastusin at lumalalang krisis.
Kaya naman, ngayong National Teachers’ Month at sa pagharap natin sa World Teachers' Day, bitbit ng buong sektor ng edukasyon ang Pitong (7) Kagyat na Kahilingan:
1. Itaas ang sweldo ng mga g**o at kawani, ngayon na! Gawing P50,000 ang entry-level salary para sa mga g**o, P36,000 para sa mga kawani, at itaas ang PERA tungong P5,000!
2. G**o, hindi makina! Pagaanin ang labis-labis na pasaning trabaho ng mga g**o!
3. Itaas ang badyet sa edukasyon katumbas ng 6% ng GDP! Badyet sa edukasyon, hindi sa korapsyon!
4. Isulong ang makatao, inklusibo, at may sapat na pondong promosyon!
5. Ibasura ang mga dayuhang dikta sa kurikulum ng edukasyon!
6. Itigil ang panunupil sa karapatang mag-unyon at kalayaang akademiko!
7. Sapat na kompensasyon, benepisyo, at proteksyon para sa mga poll workers!
Mga g**o, kawani, at mamamayan: magkaisa at lumaban para sa ating karapatan, sapat na badyet, at tunay na makabayang edukasyon! #