06/05/2026
𝗢𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗽𝗶𝘀𝗮𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗶𝘄𝗮 𝗮𝘁 𝗣𝗮𝗻𝗶𝘁𝗶𝗸 - 𝗣𝗡𝗨 𝘀𝗮 𝗥𝗲𝗳𝗿𝗮𝗺𝗲𝗱 𝗚𝗲𝗻𝗲𝗿𝗮𝗹 𝗘𝗱𝘂𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗖𝘂𝗿𝗿𝗶𝗰𝘂𝗹𝘂𝗺
Mariing tinututulan ng Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN) ang panukalang pagtapyas sa mga kurso sa ilalim ng General Education (GE) naglalayong baklasin ang 36 units tungo sa 18 units o katumbas na lamang ng anim na kurso sa kolehiyo. Kaugnay din nito ang polisiya ng Commision on Higher Education (CHED) na CMO blg. 20 noong 2013 na nagpaliit din sa espasyo ng GE at nagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mandatoryong kurso. Litaw sa panukalang ito ang sapilitang pagpapanipis ng estado sa papel ng wikang Filipino at mga asignatura sa ilalim ng Humanidades at Agham Panlipunan na humuhubog sa pambansang pagkakakilanlan at kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral at hahamon sa mga katiwalian na nangyayari sa lipunan.
Ngayong laganap na ang fake news, korapsyon, at kawalan ng pananagutan, ang pagbabawas sa mga kursong humuhubog sa historical imagination at civic consciousness ng mga mag-aaral ay isang krimen na pagkukulang sa tungkulin ng estado. Ang layuning gawing "industry-responsive" ang kolehiyo ay pag-amin na nais gawing pabrika ng mga manggagawa ang pamantasan sa halip na lunsaran ng malayang kaisipan. Ang pagbabasa sa GE bilang "duplication" o "excess units" ay isang insulto sa talino ng bawat Pilipino. Higit pa rito, kinikilala ng kapisanan na ang panukalang ito hindi lamang administratibong desisyon ng CHED, kundi isang sistematikong pag-atake na pinamumunuan ng mga puwersang pampulitika sa ilalim ng EDCOM II.
Mariing tinututulan ng KADIPAN ang framing ng EDCOM II na naglalarawan sa ating edukasyon bilang “GE-heavy, internship-light.” Ang ganitong lengguwahe ay hindi neutral; ito ay isang mapanganib na ideolohiya na itinuturing ang sining, kasaysayan, at pilosopiya bilang mga sagabal sa halip na pundasyon ng pagkatao. Kaya’t naniniwala ang kapisanan na ang pagtapyas sa mga kursong GE ay nakaugat din sa malalim na usapin sa wikang pinapaboran ng estado at pinapayagang maging daluyan ng pag-iisip ng mga mag-aaral. Kakambal din nito ang hangganan ng pinapayagan ng pamahalaan kung saan lamang iiral ang kamalayan ng mga Pilipino sa edukasyon. Lantad ang layunin ng estado na gawing mangmang ang mga Pilipino upang manatili ang mga burukrata-kapitalista sa gobyerno.
Hindi ito hiwalay sa mas mahabang kasaysayan ng pandudusta sa wika dahil sa mga polisiyang ipinatupad. Bukod sa CMO blg. 20, kaugnay rin dito ang pagbura sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na hakbang sa paglayo ng sistema sa ugat ng mga Pilipino sa kanilang sariling wika bilang pundasyon ng pagkatuto. Ang pagbawas ng mga kursong GE ay nagpapatuloy sa parehong lohika; unti-unting binabawasan ang mga espasyo kung saan ang mga asignatura sa ilalim ng Humanidades at Agham Panlipunan na siyang konektado rin sa wika—ang Filipino at iba pang katutubong wika—ay ginagamit hindi lamang sa komunikasyon, kundi sa pagbuo ng kaalaman at kritikal na pag-iisip.
Sa ilalim ng kasalukuyang borador ng kurikulum ng GE, ito ay binubuo ng 15 units para sa core at mandated courses, habang 3 units naman para sa Institutional GE; ang Professional Communication, Global Trends and Emerging Technologies, Data, Evidence and Ethics in a Knowledge Society, Rizal and Philippine Studies, at Labor Education. Nauna pang magpanukala ng hindi maka-Pilipinong polisiya kaysa dagdagan ang pondo sa edukasyon—sa mga pamantasan na umaaray dahil sa limitadong espasyo at kagamitang pagkatuto. Dagdag din dito ang matagal ng panawagan ng mga g**o sa nakabubuhay na sahod. Sa pagbabawas ng kursong GE, kasabay rin nito ang banta sa kawalan ng trabaho ng mga g**o dahil mababawasan din ang ituturo.
Tinatabunan ng panukalang ito, ang mga problemang dapat na solusyonan at ang mga asignaturang lumilinang sa kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral. Ang etika ay hindi inaalis sa larangan, na ngayon ay isinisingit na lamang sa mga kursong nakasentro sa datos at sistema. Samantala, ang pag-unawa sa lipunan ay nalililimitahan sa mga abstraktong paksa gaya ng “global trends,” na hindi nakaugat sa lokalisadong karanasan ng mag-aaral. Pabor at pokus lamang ng pagkatutong isinusulong nila ang mga teknikal na kasanayang gagawing makinarya ang mga Pilipino na ang tanging layon ay hubugin ng mga mamamayan na maglilingkod sa dayuhan at hindi sa sariling bayan.
Mula rito, makikita ang litaw na pagkiling sa neoliberal na edukasyon ng sistema kung saan ang halaga ng pagkatuto ay sinusukat sa kakayahan nitong tugunan ang pangangailan ng merkado. Sa ganitong porma, ang mga kursong nakatuon sa pag-aaral ng sariling wika at Humanidades at Agham Panlipunan tulad ng Pilosopiya, Etika, Sining, at iba pang mga kursong GE ay itinuturing na sagabal sa pagsandig sa kolonyal na edukasyon—ginagawang makinarya ang pagkatuto upang magluwal ng mga Pilipino na magsisilbi sa ibang bayan.
𝗟𝗮𝗻𝘁𝗮𝗱 𝗮𝗻𝗴 𝘁𝘂𝗻𝗴𝘂𝗵𝗶𝗻 𝗻𝗴 𝗥𝗲𝗳𝗿𝗮𝗺𝗲𝗱 𝗚𝗘 𝗖𝘂𝗿𝗿𝗶𝗰𝘂𝗹𝘂𝗺 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗵𝗶𝗻𝗮𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗺𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗴𝗶𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗯𝘂𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗮𝘀𝗶𝗴𝗻𝗮𝘁𝘂𝗿𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗮𝗻𝗴𝗸𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘂𝗻𝗹𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝘀𝗮𝗿𝗶𝗹𝗶𝗻𝗴 𝘄𝗶𝗸𝗮 𝗮𝘁 𝗮𝗴𝗵𝗮𝗺 𝗽𝗮𝗻𝗹𝗶𝗽𝘂𝗻𝗮𝗻 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗴𝗹𝘂𝗹𝘂𝘄𝗮𝗹 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗺𝗮𝗴-𝗮𝗮𝗿𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗵𝘂𝗺𝗮𝗵𝗮𝗺𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝘀𝘁𝗮𝘁𝘂𝘀 𝗾𝘂𝗼 𝗻𝗴 𝗹𝗶𝗽𝘂𝗻𝗮𝗻.
𝗠𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗶𝘁𝗼, 𝘁𝘂𝗺𝗶𝘁𝗶𝗻𝗱𝗶𝗴 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗔𝗗𝗜𝗣𝗔𝗡 𝘀𝗮 𝗺𝗮𝗿𝗶𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝘁𝘂𝘁𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗯𝗮𝗯𝗮𝘄𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝘂𝗿𝘀𝗼𝗻𝗴 𝗚𝗘 𝗮𝘁 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗸𝗶𝘁𝗶𝗱 𝗻𝗴 𝗲𝘀𝗽𝗮𝘀𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝘄𝗶𝗸𝗮 𝗮𝘁 𝗵𝘂𝗺𝗮𝗻𝗶𝗱𝗲𝘀 𝘀𝗮 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻. 𝗔𝗻𝗴 𝗴𝗮𝗻𝗶𝘁𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝘂𝗸𝗮𝗹𝗮 𝗮𝘆 𝘀𝗮𝗹𝗮𝗺𝗶𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗵𝗮𝗯𝗮 𝗮𝘁 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗻𝗱𝘂𝗱𝘂𝘀𝘁𝗮 𝗻𝗴 𝗲𝘀𝘁𝗮𝗱𝗼 𝘀𝗮 𝘀𝗮𝗿𝗶𝗹𝗶 𝗻𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗸𝗮𝗸𝗮𝗸𝗶𝗹𝗮𝗻𝗹𝗮𝗻 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗻𝗮𝘁𝗶𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗻𝗮𝘀𝗮 𝗺𝗮𝗯𝘂𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗶𝗴 𝗮𝘁 𝗻𝗮𝗸𝗮𝘀𝗮𝗻𝗱𝗶𝗴 𝘀𝗮 𝗶𝗻𝘁𝗲𝗿𝗲𝘀 𝗻𝗴 𝗶𝗺𝗽𝗲𝗿𝘆𝗮𝗹𝗶𝘀𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗮𝘆𝗮𝗻.
Hamon sa mga g**o at mga mag-aaral na Pilipino na tasahin at bakahin ang mga polisiyang ipinatutupad ng estado nang walang tiyak na layunin sa pagpapaunlad ng sariling atin. Patuloy na pagyamanin ang sariling wika, kultura, at identidad na magpapatibay sa lipunan natin upang bumalikwas sa nakagapos na sistemang ang dayuhang bayan ang nakikinabang.
PARA SA DIWA, PANITIK, AT KARAPATAN NG BAWAT MAG-AARAL AT G**O! IPAGLABAN ANG SIYENTIPIKO AT MAKA-MASANG EDUKASYON!