19/08/2021
KOLEHIYO NG AGHAM PANLIPUNAN AT PAG-UNLAD, HANDA NA SA PISIKAL NA KLASE!
Mahigit isang taon na mula noong nagsimula ang pandemya, hindi na natin napupuntahan ang sintang paaralan. Ngayon naman ay hindi na natin maitatanggi na ang mga PUPians ay handa nang humarap sa pisikal at ligtas na balik eskwela; dahil ang kasalukuyang moda ng pagkatuto ay hindi mabisa at epektibo upang tugunan ang pangangailangan natin bilang mag-aaral.
Tayong mga mamamayang Pilipino ay nakakaranas ng malubhang suliraning pangkalusugan at hindi nakatatanggap ng sapat na tulong at pagresponde mula sa ating gobyerno. Dumami pa ang mga sularinin mula sa kapalpakang ito tulad ng pagsusulong ng di-makamasang panukala, kasama dito ang mga suliranin sa sektor ng edukasyon tulad ng pagkompromiso sa kalidad ng dapat matamasa nating edukasyon at pagpatuloy sa palpak na moda ng pagkatuto sa ilalim ng distance learning.
Kasama ng ating panawagang matamasa ang libre, aksesable at dekalidad na edukasyong pangkalahatan, dapat din nating isulong ang panawagan na magkaroon ng malinaw at kongkretong plano para sa pisikal at ligtas na balik eskwela kasama ang mga rekisito nito mula sa pamahalaang lokal ng ating pamantasan at sa pambansang pamahalaan. Mas kinakailangang pakinggan ang panawagan ng bawat estudyante, kanilang magulang, kaguruan, at iba pang nakapaloob sa sektor ng akademya sa bansa dahil sa lumalalang krisis sa kalusugan, ekonomiya, at edukasyon.
Kaya naman, ang Rise for Education College of Social Sciences and Development ay tumitindig sa kampanyang na itinutulak natin sa buong bansa at igiit ang karapatan sa edukasyon!
PUMIRMA! MAKIISA SA PANAWAGANG LIGTAS BALIK ESKWELA!
tinyurl.com/CSSDHandaNa