Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG

Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG

Share

Contact information, map and directions, contact form, opening hours, services, ratings, photos, videos and announcements from Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG, Education Website, mandaluyong city.

MLHG is a registered local academic-historical organization and accredited by the Local Historical Committees Network (LHCN) of the National Historical Commission of the Philippines.

11/06/2026

Ngayong Hunyo 11 ay ipinagdiriwang ang ika-125 anibersaryo ng pagtatatag ng Supreme Court PH. Itinatag ang Kataas-taasang Hukuman sa bisa ng Batas bilang 136 noong Hunyo 11, 1901. Si Cayetano Arellano ang itinalaga bilang kauna-unahang punong mahistrado.

Kasabay ng anibersaryo ng SC ay ang selebrasyon ng buong buwan ng Hunyo bilang “Buwan ng Hudikatura” (Judiciary Month), sa atas ng Presidential Proclamation No. 1265, s. 2026 na may temang: “SC: 125 Years of Tradition and Innovation.”

Dito sa Mandaluyong, may mga ilang naging mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ang nanirahan o nagtrabaho sa Mandaluyong. Ilan sa mga ito ay sina Norberto L. Romualdez (Ama ng Batas ng Wikang Pambansa), Jose P. Laurel (na naging Pangulo ng Pilipinas), Manuel V. Moran (na naging Punong Mahistrado o Chief Justice at lolo ng Miss Universe 1974 at Mandaleño na si Margie Moran); Alex A. Reyes Sr. (may-ari ng Aristocrat restaurant); Pacifico P. De Castro (nakamit ang top 2 ng 1939 Bar examination); Edgardo L. Paras (law book author at awardee ng Most Outstanding Mandaleño); Florenz D. Regalado (ang pinakamataas na nakakuha ng marka sa Bar exam sa kasaysayan ng Pilipinas); Andres B. Reyes Jr. (Nag-aral sa La Salle Green Hills - 1959; Ulirang Mandaleño awardee noong 2011 at kalaunan ay naging pinuno ng Independent Commission for Infrastructure); Rodil V. Zalameda (naging Prosecutor ng Mandaluyong at awardee ng Most Outstanding Mandaleño) at Japar Dimaampao (naging Executive Judge ng Mandaluyong RTC).

Nakiisa ang Mandaluyong Local Historians Guild sa selebrasyon ng legasiya ng hudikatura sa ating bansa.

10/06/2026

Nakikiisa ang Mandaluyong Local Historians Guild sa paggunita ng ika-103 anibersaryo ng kapanganakan ng ipinagmamalaking anak ng Mandaluyong na si Neptali Alvaro Gonzales.

Si Gonzales ay isinilang noong Hunyo 10, 1923 sa Mandaluyong (noo’y San Felipe Neri). Siya ay nagmula sa pamilyang Katipunero. Ang kanyang lolo na si Fabian ay naging miyembro ng Katipunan samantalang ang isa pa niyang lolo (grand-uncle) na si Laureano Gonzales ay isa ring katipunero at pangulo ng Sangguniang Makabuhay (Mandaluyong), ang pinakamalaking sanggunian ng Katipunan na may 18 sub-chapters. Ang mga Gonzales ay isa sa mga nanguna sa labanan sa San Juan del Monte noong Agosto 30, 1896.

Dahil sa kanyang pagsisikap, si Gonzales ay nakapagtapos bilang valedictorian ng Philippine Law School at naging top 9 (92.50%) sa 1949 bar examinations.

Kilala rin si Gonzales bilang mahusay na abogado, bar reviewer, may-akda ng limang law books at propesor ng political law, Constitutional law, Administrative law at public corporation. Siya ay naging dekano ng Kolehiyo ng batas sa Far Eastern University mula 1976 hanggang 1986.

Nagsimula ang larangan ng pulitika ni Gonzales nang manalo siya bilang pangalawang gobernador ng lalawigan ng Rizal noong 1967 at nanungkulan ng dalawang taon. Siya ay tumakbo at nanalo bilang kinatawan ng Unang distrito ng Rizal na siyang pinakamalaking distrito sa Pilipinas (3 lungsod at 13 bayan na ngayon ay bahagi ng Kamaynilaan). Nanungkulan siya mula 1970 hanggang 1973. Si Gonzales ay personal na napili ni Senador Benigno “Ninoy” Aquino na maging kandidato bilang senador ng partidong Liberal para sa halalan ng 1973 ngunit hindi ito natuloy dahil sa deklarasyon ng batas militar.

Bilang isa sa mga lider ng oposisyon, ipinaglaban niya ang bansa laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos. Siya ay naging isa sa mga abogado ni Ninoy noong ito’y nalitis sa isang military court. Noong Abril 1978, isa si Gonzales sa 21 oposisyon na tumakbo bilang assemblyman ng Interim Batasang Pambansa sa ilalim ng partidong Lakas ng Bayan (LABAN) ni Ninoy Aquino. Natalo ang lahat ng kandidato ng LABAN sa partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos. Kalaunan ay naging miyembro ng United Democratic Opposition (UNIDO) si Gonzales at naging Vice President for NCR noong 1982.

Naging aktibo rin si Gonzales sa mga kilos-protesta at gawain ng oposisyon noong dekada 80s kabilang na ang kampanya nina Corazon “Cory” Aquino at Salvador “Doy” Laurel noong Snap election ng 1986. Nanalo bilang mambabatas pambansa si Gonzales noong 1984. Noong panahon ng panunumpa ni Aquino noong Pebrero 25, 1986 sa Club Filipino, si Gonzales ay ang nagbasa ng resolusyon ng pagkilala kina Aquino at Laurel bilang pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas.

Naging Ministro ng Hustisya ng administrasyong Aquino si Gonzales at may-akda ng Freedom Constitution, ang magiging basehan ng kasalukuyang Saligang batas. Tumakbo at nanalo bilang senador si Gonzales noong 1987 at nanungkulan ng isang dekada. Si Gonzales ay tatlong beses na naging pangulo ng senado noong panahon ng Administrasyong Ramos (1992, 1995, 1998).

Ilan sa kanyang nalikhang batas ay ang General Appropriation Act ng 1988-1992, 1994 at 1998; Republic Act (R.A.) No. 6735, o batas para sa initiative at referendum; R.A. 7056, batas para sa halalan ng 1995; R.A. 7309, batas para sa victim compensation program; R.A. 8249, batas na naglalawak ng jurisdiction ng Sandiganbayan; R.A. 8291, ang Revised GSIS Act of 1997 at marami pang iba. Si Gonzales ay naging instrumento upang maging highly-urbanized city ang Mandaluyong noong Pebrero 9, 1994.

Dahil sa kanyang dedikasyon sa paglilingkod, tumanggap ng iba’t ibang parangal si Gonzales kabilang na ang “Most Outstanding Senator.” Si Gonzales ay naging permanenteng delegado ng Inter-Parliamentary Union (IPU) at ng ASEAN Inter-Parliamentary Organization (AIPO). Siya rin ay delegado ng International Labor Organization (ILO). Si Gonzales din ay nakatanggap ng honoris causa mula sa iba’t ibang unibersidad ng Pilipinas.

Si Gonzales ay pumanaw noong Setyembre 16, 2001 sa Mandaluyong sa edad na 78 taong gulang. Siya ay inilibing sa Mandaluyong City Cemetery. Bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan, ilan sa mga lansangan, paaralan, ospital at istruktura sa Mandaluyong ay ipinangalan sa kanya.

Si Gonzales ay kasal kay Candida Medina at biniyayaan ng apat na anak: Myrna, Aida, Rhodora at si dating Kongresista Neptali "Boyet" Gonzales.

Ang pamana ni Tatay Tali ay tunay na mahalaga sa kapakanan ng bansa at nakipaglaban para sa hustisya at demokrasya. Tunay na idinadakila si Gonzales at mananatili sa .

Sanggunian:

• Neptali A. Gonzales. (n.d.). Senate of the Philippines. https://legacy.senate.gov.ph/senators/senpres/gonzales.asp.

• Roces, Alejandro. (2006, August 26). Lakas ng Bayan candidates. Philippine Star. https://www.philstar.com/opinion/2006/08/24/354387/lakas-ng-bayan-candidates/amp/.

• The First Election. (n.d.). Martial Law Museum. https://martiallawmuseum.ph/magaral/the-first-election/.

• PDI Research. (2014, February 13). EDSA DAY 4: February 25, 1986. Philippine Daily Inquirer. https://www.inquirer.net/118127/edsa-people-power-revolution-day-4-february-25-1986/amp/.

• Manas, Derrick. (2021, June 11). Yesterday was the 98th Birth Anniversary of this great man of Mandaluyong. Old Mandaluyong (Facebook). https://www.facebook.com/645776922200425/posts/3892227994221952/?d=n.

• Alvarez, Santiago V. “The Katipunan and the Revolution. Memoirs of a General”. Ateneo de Manila University Press (1992).

05/06/2026

BINARIL SI LAUREL SA MANDALUYONG

Noong umaga ng Sabado, Hunyo 5, 1943 ay binaril si Interior Commissioner Jose P. Laurel habang naglalaro ng golf sa Wack-Wack Golf and Country Club, Mandaluyong. Kasama noon ni Laurel ang kanyang mga kaibigan na sina Dr. Nicanor Jacinto, Sr. ng San Juan de Dios Hospital, Dr. Nicanor Reyes Sr. ng Far Eastern University, Dean Leoncio Monzon at Don Aurelio Montinola, Sr.

Habang naglalaro si Montinola at samantalang nakatayo si Laurel sa tee no. 7 ay biglang may mga putok ng baril na nagmula sa mga halamanan sa gawing Old Wack-Wack Road (may 15 metro ang layo mula sa kanilang puwesto) ang umalingawgaw. Tatlong bala ang tumama sa katawan ni Laurel. Kaagad na dinala si Laurel sa Philippine General Hospital sa Maynila. Siya ay ginamot nina Dr. Jacinto, Dr. Januario Estrada, at isang surgeon ng Imperial Japanese Army.

Dalawang araw matapos ang insidente ay dinala ng kempeitai (Japanese military police) ang isang lalaki na diumano’y umamin na siya ang bumaril kay Laurel. Ayon sa kanyang anak na si Salvador “Doy” Laurel, nang tinanong ng kempeitai ang kanyang ama kung siya nga ba ang bumaril sa kanya ay tinanggi ito. Ginawa niya ito upang iligtas ang lalaki matapos malaman na bibitayin siya ng mga hapon kapag nakumpirmang siya nga ang bumaril. Gayunman ay binitay ng kempeitai ang dalawang lookout na kasama sa pagbaril.

Nakaligtas si Laurel sa panganib at matapos ng apat na buwan ay naluklok si Jose Laurel bilang Pangulo ng Pilipinas noong Oktubre 15, 1943.

Samantala, ang lalaking bumaril kay Laurel ay nakilalang si Feliciano “Little Joe” Lizardo, isang boksingero na naging gerilya. Kinuha siya ni Laurel bilang personal bodyguard hanggang sa pumanaw ang dating Pangulo noong 1959. Naging matapat si Lizardo kay Laurel at ayon mismo kay Doy, madalas na dumalaw ito sa libingan ng kanyang ama sa Tanauan, Batangas. Kalaunan ay naging kagawad ng Barangay Bagong Ilog, Pasig si Lizardo mula 1989-1994.

Sanggunian:

• Salvador H. Laurel Museum and Library, “A Lesson in Compassion” [Facebook Post], Facebook, 23 December 2023, accessed 05 June 2026, https://www.facebook.com/share/14ftddFZE7s/?mibextid=wwXIfr.

• Dr. Wensley Reyes

• _______, "'Laurel Shot at Wack Wack'", The Sunday Tribune, 7 June 1943, p. 1.

Sinaliksik ng Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG bilang ambag sa pagtataguyod ng Local Historical Committees Network LHCN NCR-Rizal Cluster ng National Historical Commission of the Philippines

Photos from Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG's post 02/06/2026

TINGNAN: Pinangunahan ng Punonglungsod Menchie Abalos at sinaksihan ni Pangalawang Punonglungsod Anthony Suva ang panunumpa ng mga opisyal at kinatawan ng Mandaluyong Local People’s Council sa isinagawang seremonya ng pagtataas ng watawat noong lunes ng Hunyo 1, 2026.

Ang Mandaluyong Local People's Council ay binubuo ng mga organisasyon mula sa iba't ibang sektor tulad ng mga homeowners, kababaihan, kabataan, kalusugan, LGBT, transportasyon (TODA), mga propesyonal, OFW, maralitang tagalungsod (urban poor), senior citizens, solo parents, negosyo, edukasyon, at iba pa. Ito ay ayon sa Executive Order No. 34 ng lungsod na nilagdaan noong Nobyembre 11, 2025.

Layunin nitong palakasin at isakonkreto ang partisipasyon ng mamamayan at isulong ang prinsipyo ng pagtutulungan (partnership) sa lokal na pamamahala. Gayundin ay bigyang-halaga ang ambag ng mga Civil Society Organization (CSO) at People's Organization (PO) para sa mabuting pamamahala (good governance), pagkakaroon ng check and balance, at pananagutan (accountability) sa pamahalaan. Ito ay naaayon sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na gawing institusyonal ang People's Council sa bawat Local Government Units.

Kasama sa miyembro ng Board of Trustees ay ang Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG para sa Socio-Cultural Development sector.

Photos from Mandaluyong City Public Information Office's post 28/05/2026
28/05/2026

Nakikiisa ang Mandaluyong Local Historians Guild sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Bandila ng Pilipinas ngayong ika-28 ng Mayo.

Ito ay sa atas ng Proklamasyon Blg. 374 s. 1965 bilang paggunita sa naging labanan sa Alapan, Cavite – ang unang labanan na naipanalo ni Heneral Emilio Aguinaldo, dahilan upang iwagayway sa unang pagkakataon ang bagong disenyo ng bandila ng Pilipinas kinahapunan sa Cavite Puerto (ngayon ay Lungsod ng Cavite).

Kasabay nito ay itinatadhana ng Kautusang Tagapagpaganap bilang 179 s-1994 ang karagdagang mga araw ng pagdiriwang mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 na pinatibay ng Batas Republika bilang 8491 (National Flag and Heraldic Code of 1998).

Sa mga araw na ito ay hinihikayat tayong lahat na maglagay ng bandila ng Pilipinas sa mga tahanan, opisina, paaralan, negosyo, at iba pang mga lugar.



26/05/2026

𝗛𝗔𝗣𝗣𝗬 𝗙𝗜𝗘𝗦𝗧𝗔! 🎉🎊

Today, May 26, we celebrate the SOLEMNITY OF ST. PHILIP NERI, Titular Patron of San Felipe Neri Parish.

𝗦𝘁. 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽 𝗡𝗲𝗿𝗶, 𝗽𝗿𝗮𝘆 𝗳𝗼𝗿 𝘂𝘀! 🙏🏻


23/05/2026

SA TABING-ILOG NG MANDALUYONG

Sa isang larawan na nakuhanan noon ay makikita ang mga kabahayan sa ilog Pasig sa Mandaluyong. Ang mga kabahayan ay yari sa nipa at kawayan na madalas ay makikita noon sa tabing-ilog at sentro ng bayan. Ilan sa mga komunidad ng Mandaluyong noon ay matatagpuan sa Poblacion, Hagdan Bato, Namayan, Hulo, at Barangka.

Malaki ang naging tulong ng ilog Pasig sa kabuhayan ng mga Mandaleño noon. Dito nila pinagkukuhanan ng hanapbuhay gaya ng labandero, embarcadero, ladrilyo, at pangingisda. Sa ilog din madalas na naliligo ang mga residente.

Nakuhanan ang larawan noong 1945, ilang buwan matapos mapalaya ang Mandaluyong mula sa mga hapones.

Larawan mula sa Aklat na Displaying New Guinea to the Philippines ni Matt J Fox, Australia Story Trust

Ambag sa pagtataguyod ng Local Historical Committees Network ng National Historical Commission of the Philippines

16/05/2026

Alam niyo ba na may mga senador ng Pilipinas ang isinilang, nanirahan, nag-aral o nagtrabaho sa Mandaluyong?

Ayon sa ilang mga tala, ang mga senador na isinilang sa Mandaluyong ay sina:

• Neptali A. Gonzales (isinilang noong Hunyo 10, 1923)
• Maria Imelda Josefa Senator Imee R. Marcos (isinilang noong Nobyembre 12, 1955)
• Alan Peter Cayetano (isinilang noong Oktubre 28, 1970) at
• Camille Villar (isinilang noong Enero 25, 1985)

Samantala, si Gregorio B. Honasan II ay nakapagtapos ng sekundarya sa Don Bosco Technical College, Mandaluyong noong 1965 habang si Francis Tolentino naman ay nakapagtapos ng sekundarya sa Lourdes School of Mandaluyong noong 1976.

Si Pedro V. Guevara naman ay naging konsehal ng Mandaluyong (noon ay magkasama pa ang San Felipe Neri (Mandaluyong) at San Juan del Monte) mula 1907-1909. Bagaman siya ay nanirahan sa San Juan.

Ilan sa mga senador na nanirahan sa Mandaluyong ay sina:

• Tomas V. Confesor (naging senador mula 1946-1951)
• Enrique B. Magalona (naging senador mula 1946-1955) at lolo ng Master Rapper at tubong Mandaluyong na si Francis Magalona.
• Jose P. Laurel (naging Pangulo ng Pilipinas noong 1943-1945; naging senador mula 1925-1931 at 1951-1957)
• Salvador “Doy” Laurel (naging Pangalawang Pangulo ng Pilipinas noong 1986-1992; naging Senador mula 1967-1972)
• Ernesto M. Maceda (naging senador mula 1971-1972 at 1987-1998)
• Ramon B. Magsaysay Jr. (naging senador mula 1995-2007)
• Jose P. Ejercito Jr. o Jinggoy Estrada (naging senador mula 2004-2016 at 2022 hanggang sa kasalukuyan)
• Ferdinand R. Bongbong Marcos Jr. (Kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas at naging senador mula 2010-2016)
• Erwin Tulfo (naging senador mula 2025 hanggang sa kasalukuyan)

May mga naaalala ba kayo sa mga senador na ito? Magkumento lamang dito. 👇🏼

Sinaliksik ng Mandaluyong Local Historians Guild - MLHG bilang ambag sa pagtataguyod ng Local Historical Committees Network ng National Historical Commission of the Philippines.

Want your school to be the top-listed School/college in mandaluyong city?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Website

Address


Mandaluyong City
1550